/6/ - Joaquin's Training

25 0 0
                                    

       Maaga kaming nagising upang muling ipagpatuloy ang aming paglalakbay patungong hilaga. Bitbit pa rin ni Murphy ang dalawang walang sinding sulo at ang gas. Magagamit pa namin iyon dahil tantiya ko ay hindi lang isa o dalawang gabi ang aabutin namin dito sa gubat sa palapag na ito.

Ako muli ang nangunguna dahil nasa akin pa rin ang compass. Nakaturo ito pahilaga kaya't dirediretso lang ako sa paglalakad. Matataas na damo at dikit dikit na puno pa rin ang aming dinadaanan. Dahil ako ang nasa unahan, pinahiram ako ni Eris ng isa sa mga mahahabang kutsilyo niya sa kaniyang baywang na nakuha niya kay Alex Huntiro sa nakaraang palapag, upang magamit ko na panghawan sa aming dinadaanan.

Ilang minutong paglalakad pa ang aming ginugol bago mag-iba ang aming dinadaanan. Isa na iyong gubat ng mga kawayan. Walang makikitang matataas na damo rito. Kung titingnan ay napakayapa ng lugar na ito. Malinis din ang lupa habang nakatanim dito ang mga nagtatayugang maninipis na kawayan. Kung mayroon lang sana akong cellphone ay kanina pa ako nagpapicture dahil sa ganda ng view. Nagpatuloy kami sa paglalakad at binaybay ang kawayanang ito.

Napakasarap ng pakiramdam dito dahil sumasabay sa pagduyan ng hangin ang mga kawayan. Tanging mga langitngit lang ng kawayan at mga yabag namin ang maririnig sa paligid. 

"Tree storage!" Lumingon kaming lahat kay Murphy. Nakaturo siya sa isa sa mga kawayan. Nilapitan namin itong lahat.

At hindi nga nagkamali si Murphy. Isa itong tree storage na may star pero ngayon ay sa kawayan siya nakaukit. Hindi ito halata sapagkat napakanipis lang ng kawayan kaya't maliit lang din ang star dito.

"Napakatalas naman ng iyong mata para makita iyan." Papuri na naman ni Joaquin sa kaniya. Muli ay ngiti lang ang kaniyang tugon dito. Siguro ay hindi siya sanay na makatanggap ng mga papuri.

Siya na din ang pumindot doon at nagbukas ng tree storage. Tumambad sa amin ang isang balot na footlong hotdog na nagsisiksikan sa pabilog na kawayan. Iniangat niya ito at nakitang may bigas sa ilalim nito. Lahat kami ay natuwa sa nadatnan dito. Sa wakas ay nakakita na rin kami ng pagkain!

Hahakutin na sana ni Murphy ang mga pagkain pero napatigil kaming lahat nang makitang umangat ang isang kawayan na katabi ng tree storage na nakita nito. Nasundan pa iyon ng isa pang kawayan di kalayuan sa amin, umangat din iyon. Sinundan namin ang mahabang berdeng kawayan at napansin kong lagpas ito sa mga dahon sa ibabaw ng mga kawayan.

Sa tulong ng siwang sa ibabaw ay kitang kita ng dalawang mata ko ang isang nilalang na ayon sa proctor dito ay dapat naming iwasan..

Isang dambuhalang gagamba.

"Huwag kayong gagalaw upang hindi niya tayo mapansin." Paalala ni Joaquin sa amin. Lahat kami ay nakatunghay lang sa naglalakad na gagamba na ang katawan ay nasa ibabaw ng mga dahon ng kawayanan at ang mga paa naman nito'y tumatapak sa lupang kinatatayuan namin.

Nakalagpas ang dalawang galamay nitong kulay berde sa aming pwesto. Nang inihakbang na nito ang kaniyang pangatlong galamay, direkta itong tatapak sa pwesto ni Amilia na nakatingala sa katawan ng gagamba. At dahil hindi niya alam na papunta sa kaniya ang galamay ng gagamba ay ako na ang nagtulak sa kaniya upang makaiwas ito.

"Ouch!" Napaupo ito at dumaing dahil ang kaniyang pwetan ang naunang bumagsak.

Sabay sabay kaming napa-ssshh dahil sa pagdaing niya dahil nakalikha iyon ng ingay sa tahimik na paglalakad ng gagamba.

Ngunit huli na dahil pagtingala namin sa gagamba sa itaas ay nakatingin ang marami niyang mata sa aming labing-isa.

Ilang kurap muna ang ginawa ng gagamba bago ito lumikha ng nakakairitang huni na siyang naging babala sa amin na aatakihin kami nito. Tumakbo sa kaliwang parte sina Eris, Joaquin, Amilia, Urphad at Leo. Habang kaming natira ay sa kanang parte ng gagamba.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Nov 09, 2017 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

The CoreWhere stories live. Discover now