Chapter 9
"Guys, tandaan niyo lang na kahit na mga paint bullets ang gagamitin natin para sa inyong pagsasanay eh masakit pa rin naman ang impact nito kapag tumama sa katawan. Seryosohin niyo itong laro na ito dahil hindi kayo pagbibigyan ng mga Junior Agents na iyan kahit mga trainee pa lang kayo. Baliw din ang mga iyan kaya magpakabaliw din kayo. Team work ang magiging sekreto para matalo niyo sila. Ano, handa na kayo?" ang untag ni Velvet sa mga trainees.
"SIR, YES SIR!!.." ang halos sabay-sabay na sagot ng lahat.
"Good. Ace, ikaw ang magiging team leader. Pumili ka ng magiging kasama mo para pamunuan ang inyong team." ang wika niya.
Sumaludo sa kanya ang trainee.
"Yes, Sir!" ang kaagad nitong sagot.
Tumango si Velvet dito at binalingan na ni Ace ang mga kasama. Ilang sandaling nag-usap ang mga ito bago tuluyang nagpunta sa training ground upang sagupain ang mga Junior Agents na kanina pa yata nag-aabang. Gamit ang telescope ay manaka-nakang pinapanood ni Velvet ang mga nangyayari sa field. Panay ang hinga niya ng malalim.
"Masyado kang seryoso ah? Heto, kumain ka na muna."
Tumingin siya sa nagsalita at nakita niya ang nakangiting si Gin. Dinalhan siya ng donut. Ngumiti siya pabalik dito at kaagad na kumuha ng pagkain. Kumagat kaagad siya.
"Salamat, kanina pa ako gutom. Wala ka bang dinalang kape? Sana sinamahan mo na rin."
"Hindi ka nagsabi eh."
"Kahit hindi ko sabihin, si Pangs alam niyang gusto kong kapartner ng donut ang kape-"
"Hindi ako si Pangs, si Gin po ako." ang putol nito sa anumang sasabihin niya.
Natigilan si Velvet at napatitig sa mukha ng kanyang kaharap.
"Uy, huwag mo akong titigan ng ganyan ah? Baka biglang makita mo sa mukha ko si Pangs eh bigla mo din akong halikan. Papatayin kita kapag ginawa mo iyon."
Kumunot ang noo ni Velvet.
"Ano bang sinasabi mo diyan?" ang maang-maangan niyang tanong.
Muli siyang kumagat sa hawak niyang donut. Tumingin si Gin sa field bago ito nagsalita.
"Simula nang umuwi si Beauty sa probinsya para alagaan ang tatay niyang may sakit eh wala ka nang bukambibig kundi siya. Puro 'Pangs' na lang ang naririnig naming lumalabas diyan sa bibig mo. Hindi kaya mas maganda kung sundan mo na lang siya doon? Kaysa nandito ka naman, eh palagi ka namang tuliro sa kakaisip sa kanya."
"Ganoon ba ako..?" ang painosenteng tanong ni Velvet sa kaibigan.
Nagkibit-balikat sa kanya si Gin kay Velvet saka siya nagsalita.
"Oo, ganoon ka nga. Gaano na ba katagal na wala si Beauty? Hmm... Halos tatlong-linggo na rin. Sige ka, kapag hindi mo siya sinundan doon eh maunahan ka ng iba. Anong malay natin, baka marami siyang manliligaw doon sa probinsya. May isa ka na ngang karibal dito, baka doon, siguradong mayroon din. Hindi mahirap magustuhan ang iyong mahal na si Pangs, tandaan mo iyan."
Nabitin ang pagnguya ni Velvet sa kanyang kinakain at saka amaze na tumitig sa mukha ng kanyang kaibigan. May malaki nga itong punto. Itinuloy na niya ang pagnguya bago siya magsalita.
"Sa tingin mo, hindi naman siguro masama kung sundan ko nga si Pangs sa probinsya at doon ko na lang siya ligawan?" ang tanong niya.
Isang matipid na ngiti ang namutawi sa labi ni Gin.
![](https://img.wattpad.com/cover/105048816-288-k268048.jpg)
BINABASA MO ANG
MEN IN ACTION 9: VELVET HARTHROBE
Romansa"Ito ang tatandaan mo, Pangs! Ako lang ang natatanging Pagpag na pinakamasarap na puwede mong matikman! At higit sa lahat, ako lang ang Pagpag na kayang magbigay ng magandang lahi!"