Naghihikab akong bumangon at iniligpit ang aking higaan. Panibagong araw na naman para sa akin.
Lumapit ako sa maliit na salamin na nakasabit sa dingding ng aking maliit na kwarto, inayos ko ang aking buhok bago tuluyang lumabas.
Naabutan ko si Nanay Cora na nasa kusina at naghahanda ng almusal habang nasa sala naman si Bea at nanonood. Maliit lamang ang bahay na ito. Dalawang maliit na kwarto, isang CR, maliit na kusina at sala. Paglabas mo ng kwarto ay tanaw mo na ang buong kabahayan.
"Oh, gising ka na pala. Sandali nalang 'to at maluluto na." Ani ni Nanay Cora nang mapansin akong nakatayo sa labas ng pinto ng aking kwarto.
"Goodmorning, Ate Sam." Bati ni Bea.
"Goodmorning." Bati ko pabalik sa kanya.
Lumapit ako kay Nanay Cora upang tulungan sya sa paghahanda ng agahan.
"Ako na dito. Maupo ka nalang dyan." Sabi niya.
Sinunod ko naman siya at naupo sa upuang nakalaan para sa akin. Nang mailapag na nya sa lamesa ang fried egg, fried rice at hotdog ay naupo na 'rin siya.
"Bea, halika na. Kakain na!" Tawag ko kay Bea na nakatuon padin sa TV ang atensyon.
Lumapit siya at kumuha ng pagkain na sapat lang para sa kaniya.
"Sa sala ako kakain. Ang ganda kasi ng pinapanood ko." Ani niya sabay balik muli sa sala.
Tahimik kaming kumain ni Nanay Cora. Panay ang lagay nya ng pagkain sa aking plato.
"Tama na, Nay. Di ko na yan mauubos." Awat ko sa kanya.
"Kailangan mong kumain ng madami, baka mangayayat ka." ani niya.
"Ateee! Naaaay! Halika kayo dito! Bilis!!"
Nagmamadali akong lumapit kay Bea na nakatuon ang buong atensyon sa TV.
"Ano ka bang bata ka? Gusto mo ba akong atakihin ha?" Inis na sabi ni Nay Cora.
"Panoorin niyo yung balita sa TV!"
Agad kong itinuon ang buo kong atensyon sa balita.
'Anak ng may ari ng Villegos Jewelry and Metal Craft Inc. na si Samantha Ynna Villegos ay isang buwan ng nawawala. Ayon sa ama nito na Mr. Samuel Villegos, handa 'raw silang magbigay ng Isang Milyong pabuya sa kung sino man ang makakakita sa kaniyang anak. Inaasahan ng pulisya na malaki ang magiging tulong nito sa paghahanap kay Samantha. Hindi pa matukoy ang sanhi ng pagkawala nito. Ayon din sa pulisya--'
Kinuha ni Nanay Cora ang remote at pinatay ito.
"Ate, Sam." Bumaling ako kay Bea na bakas sa mukha ang pag aalala. "Paano na yan? Sigurado akong mag uunahan ang mga tao sa paghahanap sayo para sa isang milyon."
Hinawakan ni Nanay Cora ang kamay ko at iginiya ako patungo sa kusina.
"Tapusin mo na ang pagkain mo. Wag mo na munang intindihin 'yon. Magiging maayos din ang lahat." Ani niya.