Chapter 6

2.1K 206 7
                                    

Sapphire's POV

Hindi ko mapigilang mapangiti habang tinatanaw ng tingin ang babaeng nakaupo 'di kalayuan sa mesa ko. Nakasentro ang buong atensyon niya sa cake na kinakain at hindi alintana ang mga lalaking buong paghangang tinitignan din siya.

Pagkatapos naming maihatid ni Dani kagabi sa ospital si Aling Marimar ay hinintay na rin muna naming dumating ang sundalong asawa niya bago kami umuwi. Kahit kulang ang tulog at puyat ng nakaraang gabi ay heto ako, nagawa pa ring tumungo sa main branch ng Louirlae.

Lihim na hinahatid tanaw ko na muna si Louise sa ngayon. Lalapitan ko na dapat siya kanina ngunit nang makita kong hindi niya pinansin ang tila lalaking customer na lumapit sa kanya ay nagdalawang-isip ako. Isang konklusyon ang nabuo sa isipan ko...

Hindi magandang iniistorbo siya kapag kumakain.

Tumayo na ako sa kinauupuan at tinungo ang mesa niya nang makita kong umiinom na siya ng juice at ubos na rin ang cake sa platito niya. Walang paalam na umupo ako sa katapat na upuan niya.

"Louise, hi." Nakangiting bati ko sa kanya. Lumawak lalo ang pagkakangiti ko nang mamilog ang mga mata niya.

"A-anong ginagawa mo rito?"

"Gusto ko sanang mag-apply bilang pastry chef." Sagot ko. Pero mabilis siyang umiling.

"Hindi pwede!"

Ako naman itong nagulat sa naging reaksyon niya. Alam kong alam na niyang ako ang bagong shareholder ng Louirlae. Sinabi ko na sa kanya iyon kagabi matapos kong magpakilala nang maayos sa kanya, pero bakit umaasta siyang hindi ako importante sa negosyo niya?

"Bakit naman hindi pwede? Maganda ang credentials ko. Alam kong alam mo 'yon." Giit ko.

"No, hindi ko alam 'yon." Tanggi niya. Ngunit mahahalata sa itsura niya na hindi siya nagsasabi ng totoo. Napangisi na lang ako. Dahil imposibleng hanggang sa ngayon ay hindi niya pa inaalam mula sa abogado ng namayapang matanda ang records ng taong pinagpamanahan nito, who is me.

"I don't believe you, Louise." Wika ko. Pero inirapan niya lang ako't pinamaywangan.

"Ano ba talaga ang gusto mo at ginugulo mo ako, Williams?" Asik niya.

Tinuro ko ang sarili. "Ako pa ang nanggugulo ngayon? Hindi ba ikaw itong may nais na kausapin ako ayon sa abogado ni Mrs. Fontalnar?"

Ngiting tagumpay ako roon. Hulog ng langit ang namayapang matanda! Salamat sa kanya at kami'y muling nagkita. Chap!

Umilap ang mata ni Louise. "Whatever, Williams." Bumuntong-hininga, "Tutal nandito ka na rin lang, sumunod ka sa akin." Sabi niya at tumayo na.

Sinundan ko siya hanggang sa pumasok siya sa isang silid na nahihinuha kong private office niya. Sinenyasan niya akong maupo sa upuang nasa harapan ng table niya.

"Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa, Williams. On behalf of Louirlae, gusto kong bilhin ang shares na ipinamana sa'yo ni Mrs. Fontalnar. Sa totoo lang ay matagal ko ng balak bilhin 'yon kaso ay bigla na lang siyang sumakabilang-buhay. Natitiyak ko rin namang wala kang balak na maging bahagi ng Louirlae, mas makabubuti sa ating pareho kung ipagbibili mo na lang ang shares mo." Diretsong pahayag niya. Napatitig na lang ako sa kanya.

She's right, mas maganda nga kung ipagbibili ko na lang ang shares na ipinamana sa akin. Tutal ay wala naman sa ugali ko ang pumasok sa isang negosyong hindi ko naman talaga kinabibilangan sa simula pa lang. Pero may isang maliit na bahagi sa puso ko ang tumatanggi sa nais mangyari niyang mangyari.

Para kasing hindi na siya makapaghintay na maidispatsa ako sa Louirlae... at pati na rin sa paningin niya. Napaisip tuloy ako kung ano ba ang masamang nagawa ko sa kanya at tila ganito na lang ang kagustuhan niyang maitaboy ako.

Nang wala akong maibigay na pagkain sa kanya noon ay hindi na siya uli nagpakita sa labas ng baking room namin. Parati kong ipinagdadasal na sana ay makasalubong ko pa siya bago kami magtapos ng kolehiyo. Pero dahil nasa huling baitang na ako noon at umu-OJT na sa labas ng paaralan, lalo lang akong nawalan ng pag-asa na muli siyang makita. Maraming taon na ang nagdaan at marami na rin akong nakarelasyon sa bawat lugar na napuntahan ko. Pero ngayong nakita ko na siyang muli, tila ibinabalik niya ako sa nakaraan.

At bakit ganoon? Kahit na tinulungan ko na siya nang ma-flatan siya ng gulong kagabi, kahit na nagmagandang loob na akong punasan ang mga luha niya at pagaanin ang loob niya, bakit wala pa ring nagbago? Ang dali-dali pa rin para sa kanya ang iwan ako kapag wala akong maibigay na maaaring kailanganin niya. Tulad ngayon... kung ibebenta ko sa kanya ang shares ko.

Napag-alaman ko mula kay Carlae na NBSB siya. Hinaplos ng isang magandang pakiramdam ang puso ko sa isiping maaaring wala pa ngang lalaking nakalalapit sa kanya. Mas mabuti, kahit pa nga sabihing babae ako at straight naman siya; ayos lang iyon ngayon dahil may maipagmamayabang naman na ako para makalapit sa kanya...

Ang shares ko sa Louirlae. Gagamitin ko iyon upang hindi niya ako basta-basta maitaboy.

"No, hindi ko ipagbibili ang shares ko," Matigas kong sabi sa kanya. "I'm taking the right road. Don't worry, hindi kita pakikialaman sa mga desisyo—" Napahinto ako sa pagsasalita at ikinagulat ang malakas na pagbagsak niya ng dalawang kamay niya sa mesa.

"You're taking the right road? Bakit, mali ba ang daang tinatahak mo?" Puno ng sarkasmo at inis na tanong niya sa akin.

"That was a joke, Louise. Chill ka lang." Kalma ko sa kanya. Tila lalo niyang hindi nagustuhan ang sinabi ko base na rin sa reaksyon ng mukha niya.

"You think that Louirlae is a joke? Maraming employees ang umaasa sa bakeshop na ito, Ms. Williams. Bukod pa sa napakaraming customers na napapasaya namin." Mas lalong tumalim ang pagkakatitig niya sa akin. "At para sa isang pastry chef na hindi kayang manatili sa iisang lugar, siguro nga ay biro lang para sa'yo ang lahat. My parents have given their all for this business, simula pa noong ipinanganak kami ni Carlae. Through our cakes and pastries, our clients have become part of our daily lives. This isn't a place for someone like you. Ayokong maging bahagi ka ng Louirlae!" Seryosong paliwanag niya.

Parang may mabigat na bagay ang dumagan sa puso ko. Kung ganoon ay nagsisinungaling nga siya kanina. Alam na alam na niya ang credentials ko. Tama siya, kahit anong iginanda ng kredensyal ko, makikita pa rin doon ang hindi ko pagtatagal sa iisang kusina lang. I was always searching for something. Only, I didn't even know what that something was. Hindi rin naman dahil wala akong passion sa paghahanap-buhay. Pakiramdam ko kasi ay parating may kulang kaya hindi ako mapakali. And now na sinasabi sa akin ni Louise nang harap-harapan kung anong klaseng tao ako, wala na akong magawa kundi ang tanggapin 'yon kahit masakit. Pero hindi ibig sabihin no'n ay aalis na lang ako at hahayaan siyang isipin na hanggang ganoon na nga lang ako.

Nginitian ko pa rin siya. "Kung sa tingin mo ay papayag na lang ako nang basta-basta sa gusto mo dahil dyan sa mga sinasabi mo, think again, Louise. Because it's in my plans to stay, lalo na ngayon. Tutal naman, I own 30% of Louirlae now so hindi ko na kailangang magpaalam pa sa'yo. I will be the new pastry chef here. Whether you like it or not, I'm staying." Determinadong wika ko.

Ilang beses ko ba siya palaging inalala noon? Noong mga panahong palihim ko siyang hinahanap ng tanaw sa bawat sulok ng eskuwelahan. Na kahit nagmumukha na akong parang baliw sa harap ng mga kaibigan ko, hindi pa rin ako nawawalan ng pag-asang isang araw ay makakasalubong ko siya. Kung tama ang iniisip ko, maaaring hindi ko lang siya hinangaan noon.

May crush bang kahit napakaraming taon na ang lumipas ay wala pa ring ipinagbago ang epekto sa akin? 'Yong hanggang ngayon ay kinasasabikan ko pa ring pagmasdan at palihim siyang hangaan? Ano ako, forever teenager?

Ngayon ay nasa harap ko na siya. Siguro nga ay pakana ni tadhana ang lahat ng ito sa pagitan naming dalawa. Pero sa lahat yata ng pagkakataon sa buhay ko ay ito ang magiging pinakamasaya. Para akong batang sabik tuklasin ang sanhi kung bakit muling nagtagpo ang mga landas namin ni Louise.

CrossroadsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon