Chapter One

31 0 1
                                    

Chapter One

Mapait na Lasa

5 years later...

Ako nga pala si Kiefer Corazon, mas kilala bilang 'Kiko'. Naging Kiko ang nickname ko kasi 'Ki' sa Kiefer at 'Co' sa Corazon. Ganun din ang aking mga kaibigan na si Jonathan Marudo (Jomar) at Nicole Canda (Nica). Grade 3 pa lang ay malapit na kami sa isa't isa.

Mga 4th year students na kami ngayon.

Katatapos lang ng Christmas Vacation. Naghihintay ako sa corridor ng high school building. Punung-puno ito ng mga estudyante na nagtatawanan, nag-iiritan na parang ilang taon sila naghiwalay, at nagku-kwentuhan tungkol sa bakasyon nila.

"Hello!!!" Sigaw ng isang pamilyar na boses sa likod ko.

Lumingon ako. Si Nica pala. Palapit siya sa akin at nakabuka ang mga braso, parang mangya-yakap. Agh, grabe. Tatlong linggo ko lang siya hindi nakita pero grabe talaga, na-miss ko yung pagka-cute niya. Ang mature na talaga ng beauty niya.

Binuka ko din ang mga kamay ko upang salubungin siya, pero may biglang tumulak sa likod ko. Natalisod ako papunta sa gilid, at yung tumulak sa akin ang yumakap kay Nica.

"Na-miss kita, baby." Sabi ni Jomar na nakayakap kay Nica.

"Aww, na-miss din kita." Sagot ni Nica.

Pinagmasdan ko ang sahig... ang kisame... ang mga estudyanteng nadaan... ang orasan sa pader ng corridor.

Sa wakas ay naghiwalay ang dalawa. As usual tumangkad nanaman si Jomar. 8 inches na ata ang lamang niya sa akin sa height. Nag-improve din ata ang kanyang katawan. Never mind. Matagal ko namang tanggap na hindi ko matatapatan si Jomar physically.

"Oh, andyan ka pala, Kiko." Pahayag ni Jomar. "Kamusta naman ang bakasyon mo? May girlfriend ka na ba?" Tanong niya.

Nag-sinungaling ako. "Maayos naman ang bakasyon, na-enjoy ko nga eh." Tapos nagsabi ng totoo, "Wala pa rin girlfriend."

"Hanggang ngayon ang slow mo pa rin par. Tiganan mo ako, masaya sa girl ko." Sabi ni Jomar habang sinuntok siya ng pabiro ni Nica.

Wala akong sinabi.

Tinapik ni Jomar ang balikat ko. "Binibiro lang kita. Magkakaroon ka din ng GF. No hard feelings, right?"

No hard feelings.

Yan ang sinabi niya sa akin noong tinalo niya ako sa takbuhan noong sports fest. Yan ang sinabi niya noong natapunan ako ng dinuguan at pinagtawanan nila ako. At higit sa lahat - yan din ang sinabi niya noong nalaman kong naging sila na ni Nica.

No hard feelings nga naman... Haayy.

"Oh, ano, Kiko? Tara na sa mga classroom natin? Baka ma-late tayo." Sabi ni Nica.

"Ah, sige mauna na kayo. Pupunta lang akong CR," palusot ko sabay ngiti.

Kaibigan ko si Jomar. Hindi dapat ako nag-iisip ng mga ganitong bagay. Wala akong karapatang kalabanin siya.

Naging mag-syota sina Jomar at Nica noong 1st year pa lang kami. Nangyari iyon noong field trip namin.

Isa sa mga destinations namin noong field trip ay ang Mall Of Asia sa Pasay. Gabi na noon. Nag-aabang kami sa may entrance ng mall para panoorin ang 8:00 fireworks.

May malaking balak ako noong gabing iyon - to finally admit my feelings para kay Nica. Sa tingin ko after 5 years ng pagiging magkaibigan baka naman may feelings din siya sa akin. Tapos itatapat ko yung confession ko kasabay ng fireworks para may dramatic effect.

Kinulbit ako ni Jomar, "Uy, Kiko may gusto sana akong sabihin sa iyo."

"Oh, bakit? May problema ba?" Tanong ko.

"Ah wala naman. Gusto ko lang sana mag-paalam."

"Hindi naman ako ang nanay mo! Anong paalam paalam ang sinasabi mo diyan?"

"Hindi... I mean, diba matagal na tayong friends nina Nica?"

"Oh, tapos?"

"Baka kasi labag sa damdamin mo ang gagawin ko, kaya gusto ko magpaalam sa iyo."

"Ano ngayon? Haha. Diretsuhin mo na kasi."

Huminga ng malalim si Jomar. Naghintay siya ng ilang segundo.

"Kiko... Balak kong ligawan si Nica..."

Tumagos sa puso ko ang mga salita.

"Oo... Naman... Okay... lang..." Matamlay kong sinabi.

"Isa kang tunay na kaibigan, Kiko." Puri ni Jomar. "Naiintindihan ko na gusto mo rin si Nica... But no hard feelings, right?"

Hindi na ako nakapagsalita.

Lumakad si Jomar sa tapat ni Nica at lumuhod. Pinalibutan sila ng mga kaklase namin. Naglabas siya ng isang malaking papel na may nakasulat,

"Will you be my girlfriend? <3 <3"

"YIEEE!!!" Sigaw ng buong klase.

Gulat na gulat si Nica. Blooming siya noong gabing iyon. Hinila niya patayo si Jomar at niyakap siya.

"Yes, Jomar. Haha. Yes." Sabi ni Nica.

hisss... BOOM! Sakto pa sila sa fireworks display.

hisss... BOOM!

hisss... BOOM!

Naiwan ako sa isang tabi noong gabing iyon, nasayang ang plano at nawalan ng pag-asa sa babaeng gusto ko.

King of the FriendzoneTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon