Huling Tula Ngunit Kailanman ay Hindi Na Makakalaya
Mahal, patawad kung nagsusulat na naman ako tungkol sayo. Maaaring masaktan ka sa mga salita ko kasi sila ang kahulugan ng mga luha ko. Mahal, patawad kung paulit ulit kitang sinasaktan dahil ipinapakita ko sayo kung gaano ako nahihirapan.
Tinanong ako ni ina, "Kailan kayo naghiwalay?" . Ina, anim na araw na ang nakakalipas ngunit parang ngayon palang tayo nagaaway para sa desisyon na paghihiwalay. Bakit ang bilis? Bakit hindi kapani-paniwala na kaya kang takutin ng aking mga kuko sa kamay, mahal, dahil ba sila'y mahahaba at matutulis? Natatakot ka bang madaplisan at makaramdam ng sakit?
Hindi ko kayang magsalita. Ang kaya ko lamang ay magsulat na parang ako ay pipi ngunit kailanman ay hindi naging bingi sa sigaw ng aking ina dahil hindi pa ako nagtutupi ng kumot sa aking kama. At hindi rin ako bulag upang hindi mapansin ang lumipad na ipis papunta sa aking mga palad. Isa akong pipi para hindi makasigaw kahit takot ako sa ipis na sumasayaw sa aking palad. Ina, anim na araw na.
Anim na araw na simula noong pinangalagaan ko ang daga sa aking dibdib, at ipinababa ang tiwala sa sarili na makakaya ko pa sa susunod na mga sandali. Anim na araw na ang nakalipas ngunit ang dugo sa aking mga kamay ay nariyan parin. Hindi sila tumitigil, kagaya ng aking mga luha na tumutulo lamang sa gabi... sa dilim. Dahil sila ay mahiyain.
Ngunit kailanman ay hindi nila ipinagkait sayo ang katotohanang nagsasayang sila ng luha para mabawasan ang sakit na idinulot mo. Mahal, pwede ka namang magpahinga sa aking piling. Bibigyan kita ng kumot kahit pa hindi ko pansinin si ina. Mahal, sa tabi ko nalang ikaw magpahinga. Para mapigilan ko ang pagsaklolo mo sa iba.
Ito na ang huling tula ngunit kailanman ay hindi na makakalaya. Hindi na makakalaya. Hindi na.
BINABASA MO ANG
Pag-ibig: Wika Ng Sangkatauhan
PoetryHighest Rank: #287 in Poetry Sinulat. Isusulat. Isinusulat ko gamit ang wika ng pag-ibig mo. Pag-ibig na naging liwanag sa madilim kong mundo ngunit ito rin pala ang magiging dahilan ng pagbagsak muli nito.