Chapter 1

1.1K 30 0
                                    

TAHIMIK NA NILUNDAG NI PAUL ang di kataasang pader at saka iniangat ang sarili, sandaling nagbalanse para hindi sya mahulog. Nang masiguro na hindi na sya malalaglag ay inikot nya ang katawan at naghanda para tumalon sa loob ng bakod.

Nang palundag na ay di nya napansin na may nakasabit palang kawad, sumabit ang isang kamay nya at pagbagsak sa lupa ay aringking siya sa sakit.

"Aray, putang ina! Syete talaga, pucha!" namimilipit sa sakit na bulong ni Paul sa sarili. Kinuha ang panyo sa dalang backpack at saka tinalian ang palad na dumudugo. May peklat na sya sa kaliwang palad, magpapantay pa ata ngayon sa kanan. "Mamaya ka na, pare ko. Kayang kaya mo yan, sugat lang yan!" bulong nya uli sa sarili.

Bumalik ang kanyang isip sa misyon. Ini-adjust ang mata sa dilim at naghanap ng pwedeng daan papasok sa mansyon. Nang makita ang pakay ay maingat ngunit mabilis na tinungo nya ito. Ang pinto sa kusina. Kung bakit ba naman karamihan sa mga mansion, napaka-gara at napaka-kumplikado ng mga pinto sa harap, pero nuknukan naman ng hina ang security sa backdoor.

"Pang-tsimay lang kasi," sabay hagikhik ni Paul na parang poster ng pulitiko -- nakakaloko. Sinilip sya sa bintana para makita kung may double lock sa loob, at nang makitang wala ay pumunta na sa pinto. Gamit ang manipis pero matibay na pekeng id, sinungkit nya sa gilid ang door knob at ilang sandali pa ay bumukas na ito. "Sisiw! Galing talaga ng beda!"

Bago pumasok ay may ilang segundong natigilan si Paul. Naalala kung paanong mula sa dati nyang buhay ay heto sya ngayon at akyat-bahay ang inaatupag. Laki man sa hirap, hindi sya lumaki sa iskwater, at hindi rin sya galing sa pamilya ng mga gangster.

Kabaligtaran, actually. Galing si Paul sa isang relihiyosong pamilya. Pamilya Sagrado. Pamilya Banal. Pamilya Kristiyano. La Familia Zaragoza. Para sa Mamang at Papang nya, di bale nang magdildil sila ng asin, basta makapagsilbi sa simbahan. Kaso mo, buti sana kung normal na simbahan ang sinaniban ng mga ito.

Miyembro ang pamilya nya sa Simbahan ng Kristong Dakila. Halos lahat ng miyembro ng SKD, mga panatiko. May sarili silang bersyon ng jihad na tulad sa mga muslim, pero mas malala kung magtanggol ang SKDians. Obligado ang lahat na ibigay ang buong sahod sa simbahan, at kukuha lamang ng stipend ang mga miyembro. Dapat daw ay pantay-pantay ang kalidad ng buhay ng mga tao.

Ni hindi prayoridad ng SKD ang pag-aaral. Kapag nga naman edukado ang mga miyembro, matututo silang magtanong at kumuwestyon sa mga pangaral ni Pastor. Kaya ni hindi sya nakatapos ng hayskul.

Full-time volunteer ang kanyang ina. Maswerte na kung ipauwi ng pari ang mga natirang ulam mula sa simbahan. Ang kanyang ama naman, umeekstra bilang pintor kapag may ginagawang bahay ang kakilala nitong architect. Pero kahit sinosolo ni Architect Switik, este Architect Quitic ang lahat ng kita, at halos kalahati lang ng minimum ang pinapasahod sa kanyang ama, pasalamat pa rin daw sa Dyos na Lumikha at kahit papano ay may biyaya mula sa itaas. Kailanman ay hindi nya nakitaan ng pagdududa ang mga magulang sa relihiyong kinabibilangan.

Anim silang magkakapatid, ang Kuya Tisoy nya lector-commentator araw-araw tuwing alas-sais ng umaga, at ng limang misa tuwing Linggo. Ang Ate Lenlen naman nya, soloista sa choir na tatatlo ang members. Boses anghel na walang bahid ng anumang dungis at ubod ng linis. Pagkatapos sa trabaho bilang saleslady ay may practice pa ito ng choir gabi-gabi. Yung dalawang sumunod ay ang kambal ng tadhana na sina Rosita at Rowena. Di mapaghiwalay, palaging tinatapos ang sentence ng bawat isa, at parang laging nasa session ng affirmation circle dahil laging pinupuri ang bawat isa, at lahat ng nakakausap nila.

Siya ang panlima, si Paul, at ang bunso ay si Reggie. Bata pa ito, menopause baby. Magge-grade 4 pa lang sa pasukan, pero kabisado na ang anim na misteryo sa bersyon ng SKD ng rosaryo. Ultimo angelus, memorare, at kung anu-ano pang dasal na natutunan nya din kay Nanay ay kaya nitong pangunahan.

CROOKS-TO-GO Book 1Budwire: The Bumbling CrookTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon