"Jade..." marahang tinig ang nagpagising sa kanya mula sa malalim na tulog.
Napabalikwas siya at tiningnan ang oras sa cellphone na ipinatong niya nang nakaraang gabi sa ibabaw ng side table.
Napahiyaw siya kasabay ng halos nagmamadaling pagbangon mula sa kama. Binuksan niya ang pinto ng silid at bumungad si Tita Jenna, ang ina ng kanyang best friend.
"Ano'ng nangyari? Kanina pa kita hinihintay na bumaba, eh."
Nag-aayos siya ng kamang tinulugan habang sinasagot ito. "Akala ko po nasa Makati ako," aniyang pigil-pigil ang sariling mapamura. Dapat talaga bumangon na siya kanina, hindi sana siya nape-pressure ngayon.
Normally, dahil alam niyang ten minutes advance ang oras ng cellphone niya kumpara sa opisinang pinapasukan, pinapayagan niya ang sarili na mag-inin muna sa kama kaysa bumangon kaagad pagka-alarm niyon. At ganoon ang ginawa niya kanina. Nawala sa isip niyang wala siya sa condo unit niya kundi sa bahay ng kaibigan sa San Simon, Pampanga. Kung hindi siya kikilos nang mas mabilis, malamang mas matindi kaysa karaniwan ang traffic na susuungin niya.
"Ako na ang magtutuloy niyan. Sige na't maligo ka na," sabi ng ginang. "Siguradong di ka na mag-aalmusal niyan. Ipagbabalot kita kahit sandwich. Baka gutumin ka sa daan," anito.
"Salamat po, Tita." Mabilis na siyang pumasok sa banyo. At habang nagkukuskos ng loofah, napapalatak siya sa inis sa sarili.
Dapat kasi, ginawa na lang niya ang unang balak na hindi pag-attend sa kasal ng college friend niyang si Chin-Chin. Kaso, nahiya siyang indyanin ang imbitasyon nito.
Siguro dapat lumuwas na lang siya nang nagdaang araw pa at hindi nagpapilit kay Tita Jenna, ang ina ni Chin-Chin, na roon magpaumaga. Pero muli, nahiya siyang tumanggi sa ginang. Noon kasing magkaklase pa sila ng kaibigan, kada summer ay nandoon siya at parang pangalawang ina na ang turing niya rito.
Hiya rin ang dahilan kaya kahit alam niyang dapat ay mas maaga siyang natulog ay hindi siya nagpaalam kaagad sa ina na ka-chat niya nang nakaraang gabi, matapos ang ilang buwan ng kawalang komunikasyon.
Sa Portland, Oregon na nakabase ang inang si Connie mula pa nang maghiwalay ito at ang daddy niya noong twelve years old siya. At base sa ibinalita nito sa kanya noong nakalipas na gabi sa Yahoo Messenger, magpapalit itong muli ng apelyido for the third time three months from now. Yes, after two failed marriages, mag-aasawa muli ang kanyang ina. Ramdam niyang excited itong magbalita tungkol sa nangyayari sa buhay nito so in-indulge niya ito.
At heto ngayon ang consequence ng pagpipilit niyang maging mabait na kaibigan, anak-anakan, at anak. Sa paggising niya nang tanghali, siguradong lalampas siya sa dapat ay one hour lang na biyahe mula rito hanggang sa opisina nila sa Ortigas. Siguradong traffic na sa EDSA pagdating niya roon.
Para kay Katherine Jade Fernandez, traffic at tardiness ang pinaka-hate niyang bagay. Susunod doon ang iba pang bagay na maaaring magdulot ng delay sa kanya. Kaya inis din siya sa mga makupad kumilos.
May training pa naman siya on handling objections sa mga tao niya ngayong umaga; nakakahiya kung siya pang manager—at mahigpit sa lates, at that—ang male-late.
Muli siyang humiyaw sa inis sa sarili saka marahas niyang hinila ang tuwalya sa rack mula sa isang panig ng banyo at mabilis na nagtuyo ng sarili. Nagsuot siya ng roba at humarap sa salamin.
Mabuti na lang at maiksi lang ang buhok niya kaya hindi kailangang matagal na ayusin. Wala rin siyang ina-apply sa mukha na kung anu-ano. Para kasi sa kanya, dagdag hassle lang ang mga iyon.
BINABASA MO ANG
Deal of Hearts (Published by Bookware)
RomanceHindi sa man-hater si Jade Fernandez. Masyado lang siyang independent at proud para mangailangan ng kung sino para sumaya. She believed she could be what she wanted to be, reach whatever she had been dreaming of-kahit pa tumanda siyang mag-isa. Leks...