5 years later...
HINDI magkaintindihan sa pag-aasikaso ng mga customer si Arianne. May promo kase ngayon ang pinagta-trabahuhan niyang restaurant kaya hindi na nakapagtatakang dinudumog sila ngayon ng mga tao. Kahit hapon na ay sige pa rin ang dagsa ng mga tao na nais makamura sa pagkain sa restaurant nila.
"Arianne! Dalawang order nga ng beef steak!" utos sa kanya ng kasamahan niyang si Riza. Iniabot nito sa kanya ang hawak na papel na naglalaman ng order ng customer pati na ang table number nito.
"Ikaw muna ang mag-asikaso, ah? Na-c-cr na ako, eh," bulong pa nito sa kanya na agad niya namang tinanguan. Mayamaya pa ay nagpunta na siya sa kitchen upang ipaluto ang mga orders.
Kasalukuyan siyang nagta-trabaho rito sa Dennie's Grill and Restaurant na pagmamay-ari ng pamilya ng college friend niya. Inirekomenda siya nito agad pagkagraduate nila ng kolehiyo. Dahil na rin sa kaibigan siya ng anak nito at sa maayos niyang credentials kaya agad din siyang natanggap. Sa ngayon ay mag-iisang taon na siya rito.
Matapos maluto ang steak at maayos ang plating ay agad na niyang iniligay ang mga ito sa tray kasama na ang kanin at ang inuming pineapple juice. Hinagilap niya ang table number sa papel na ibinigay sa kanya ni Riza pagkatapos ay naglakad na siya papunta dito.
Table number 8, left.
"Here's your order, Ma'am! Two pieces beef steak with rice and pineapple juice! Enjoy your meal!" masigla niyang bati sa babaeng customer na pinagdalhan niya ng order. Agad naman itong nagpasalamat sa kanya at pagkatapos ay dali-dali na siyang nagpunta sa ibang kukuhan pa ng orders.
Buong hapon na naging matao ang restaurant. Mukhang patok na patok sa masa ang bagong promo nila kaya't dobleng sipag talaga ang kinakailangan para sa mga crew na katulad niya.
"Haaay! Ang sakit ng binti ko!" reklamo ng kasamahan at kaibigan niya ring si Riza. Sarado na ang restaurant at natapos na naman ang isang araw ng trabaho. Maging siya ay nananakit din ang binti sa maghapong pagtayo.
"Ako nga rin, eh. Tsk. Ang tagal naman ng jeep!" reklamo niya naman habang iniuunat ang mga binti. Nasa waiting shed sila ngayon at nag-aantay ng masasakyan. Papagabi na at nagsasara na rin ang mga kalapit na establisyemento. Buti na lang at parehas sila ng boarding house na nasa malapit lang sa SM Batangas.
Napahikab naman si Riza. "Puyat pa naman ako kagabi. Tinapos ko pa kase 'yung Hwarang," sabi pa nito habang kinukusot-kusot ang mga mata. Ang tinutukoy nito ay ang Koreanovela kung saan kabilang sa cast yung bias nila na miyembro ng isang sikat na sikat na boygroup. Napailing na lang siya habang nangingiti. Sa paglipas ng panahon ay hindi pa rin nawala ang pagkahilig niya sa mga korean drama at maging sa Kpop.
"Ang daya nito! Ba't 'di mo ako ginising para nakapanood din ako? Ikaw, ah! Inaagaw mo sa 'kin si Taehyung!" biro niya sa kaibigan. Mas nauna kase siyang naging fan kaysa dito na inimpluwensyahan lamang niya.
"Tse! Hindi siya sa'yo, 'no! At saka tulog na tulog ka kaya!" sagot naman nito. Magsasalita pa sana siya nang may dumaan nang jeep na konti ang pasahero. Mukhang suwerte sila ngayon at hindi nila kailangang makipagsiksikan. Tumayo na sila at sumakay dito.
Haaay. Nakakapagod ang araw na 'to, naisip niya na lamang habang isinasandal ang ulo sa sandalan ng pampasaherong jeep.
***
AGAD na hinanap ng mga mata ni Jaden ang mga magulang niya pagkalabas niya ng Arrival area. Sabi kase ng mga ito ay sila ang susundo sa kanya rito sa airport. Mukhang hindi na naman pala tutupad ang mga ito sa usapan.
Oh c'mon, Jaden, you're old enough for this, sermon niya sa sarili. Pinigilan niya na lamang na madismaya nang makitang ang Tita Dennise niya ang nag-aabang sa kanyang pagdating.
"Jaden, iho! Welcome back!" wika nito bago humalik sa pisngi niya. Nginitian niya na lamang ito. Wala siya sa mood ngayon para makipag-kuwentuhan.
"Let's go home, Tita. Pagod po ako," sabi na lamang niya. Naglakad na sila palabas ng airport kung saan naghihintay ang family driver nila. Matapos ipasok sa loob ng kotse ang kanyang mga maleta ay sumakay na rin siya rito. Sumandal siya sa kotse habang ipinipikit ang mga mata. Mukhang napagod talaga siya sa byahe.
"Jaden, iho," narinig niyang tawag ng Tita niya. Iminulat niya ang mga mata at tumingin dito.
"Po?" tanong niya.
"Nasa isang business meeting kanina sina Rodolfo kaya hindi siya nakasundo sa'yo. Don't worry, baka nasa bahay na rin sila ngayon," wika pa nito. Ngumiti na lamang siya. He's trying to understand.
"It's alright, Tita Den," sagot niya na lamang. Ibinaling niya ang paningin sa labas ng bintana ng kotse. Narito na naman siya sa Pilipinas pero sa pagkakataong ito ay mukhang hindi na muna siya babalik sa States.
Simula nang matapos niya ang kolehiyo ay pinaalam na agad ng kanyang Tita Den na siya na ang mamamahala ng Restaurant nito sa Batangas. Marami pa kaseng ibang business itong inaasikaso at tumatanda na rin ito. Ang anak naman nito na pinsan niya ay may sarili nang negosyo samantalang matagal nang patay ang asawa nito. Bukod pa roon, sa kanya rin ito pinakamalapit at iyon din ang gusto ng mga magulang niya. Ayaw ng mga ito na sa ibang bansa siya magtrabaho.
He didn't like the idea at first. He's old enough to decide for himself! Hindi na siya bata para diktahan sa kung ano ang dapat niyang gawin. Kaya naman tumagal pa ng isang taon ang pagtigil niya roon habang sumusubok ng iba't ibang trabaho.
Pero nang malaman niya na may sakit ang kanyang ina na si Mercedes Dela Vega ay hindi na siya nagdalawang-isip. Mas gusto niya na nandidito para nababantayan niya si Mercedes. Mas malapit rin kase siya sa ina kaysa sa ama.
"Iho, pwede mo na bang mabisita bukas ang restaurant?" narinig niyang wika muli ng Tita niya. Napabuntung-hininga na lamang siya. May kailangan pa siyang ayusin bago niya puntahan 'yung resto. May mga kaibigan din siyang nais niya munang bisitahin.
"I'll go there maybe the day after tomorrow, Tita," sagot na lamang niya. Muli ay ipinikit niya ang mga mata at kasabay noon ay ang pagdaloy ng mga alaala niya sa Pilipinas.
Ngunit sa mga alaalang iyon, may isa siyang nais nang kalimutan.
End of Kabanata 1
Please hit the ⭐ if you like this chapter.
BINABASA MO ANG
Fall For Me Again (Jaden & Arianne)
Romance[COMPLETED] For Arianne Samonte, Jaden Zade Dela Vega was nothing but an annoying admirer. He was too vocal in expressing his feelings for her and that's what irritates her the most. She hated his guts. Definitely, he was not her type of guy-payatot...