[Last Chapter]
NATIGIL sa paglalakad si Arianne nang biglang bumuhos ang malakas na ulan. Wala pa naman siyang dalang payong kaya paniguradong mababasa siya. Binilisan niya ang lakad para makasilong. Ang mga tao sa paligid ay kanya-kanya ring hanap ng paraan para 'wag mabasa.
"Tsk. Ano ba naman 'yan!" naiinis na bulong niya. Sumilong muna siya sa bubong ng isang maliit na tindahan. Marami-rami rin silang nandoon kaya medyo siksikan. Tinanaw niya ang kalsada at nakita niyang medyo nagsisikip na rin sa traffic. Mukhang hindi agad siya makakauwi.
"Nako, may bagyo ba?"
"Bigla-bigla naman 'tong ulan."
Bahagya niyang niyakap ang sarili. Sakto pang wala siyang suot na blazer ngayon kaya nangangatal na siya sa lamig.
"Please. 'Wag kang kukulog, please," mahina niyang hiling. Takot kase siya sa kulog. Kahit na ngayong mahigit bente anyos na siya ay hindi pa rin nawawala ang takot niya dito.
"Please," muli niyang usal. Ipinikit niya saglit ang mga mata. Pinupuno ng iba't-ibang ingay ang kanyang pandinig. Halo-halong tunog ng mga sasakyan, mga taong nagsasalita at ang malakas na pagpatak ng ulan ang kanyang naririnig sa paligid.
Nang biglang ginulantang siya ng malakas na tunog mula sa kalangitan. Kumulog nang malakas at kasabay noon ay ang mabilis na pagtulo ng kanyang mga luha. Ayaw na ayaw niya talagang makarinig ng tunog ng pagkulog.
"Shit!" Napamura na lamang siya. Ramdam niya ang pangangatal ng kanyang mga kalamanan habang ang kanyang mga labi ay nanginginig na rin. Hindi pa siya nakakabawi ay isa na namang malakas na pagkulog ang narinig. Hindi na niya napigilan ang sarili at malakas siyang napasigaw.
"Stop, please! Tigil na!" sigaw niya. Wala na siyang pakialam kung pagtinginan man siya ng mga tao. Mabilis siyang umupo at idinikit niya ang dalawang kamay sa magkabilang tenga. Patuloy pa rin ang pagpatak ng kanyang mga luha kahit na siya'y nakapikit.
Habang nasa kalagitnaan siya ng pag-iyak ay isang alaala ang pumasok sa kanyang isipan.
Nasa third year high school siya noon nang isang araw ay kinailangan nilang mag-overtime sa school dahil sa tinatapos nilang group project. Kasagsagan pa ng bagyo noon pero hindi sila pinayagan ng leader nila na umuwi kaagad.
Inabot na sila ng alas-singko ng hapon at nang matapos na sila ay napagpasyahan na nilang umuwi. Buti na nga lamang at hindi nagalit sa kanila ang gwardya ng school dahil sa tapos na ang klase ay nandoon pa sila.
Paglabas nila ng gate ay sakto namang pagbuhos ng malakas na ulan. Sumilong muna sila sa waiting shed sa labas ng kanilang eskwelahan. Kinapa niya ang kanyang bulsa at napasimangot na lang siya ng mapagtantong kulang na pala ang kanyang pamasahe. Nag-ambagan pa kase sila kanina para sa mga materials.
"Tsk. Maglalakad pa ata ako," bulong pa niya sa sarili. Napasulyap siya sa mga ka-grupo at bigla niyang naisip na mangutang na lang sa mga ito. Kaya lang ay wala na rin daw pera ang mga ito at sakto lang daw na pamasahe.
Mayamaya pa ay may dumaan nang jeep sa tapat nila. Agad na nagsi-sakayan ang mga kasama niya habang siya naman ay naiwan sa labas. Hindi nagtagal ay umandar na ang jeep at naiwan na lang siyang mag-isa sa waiting shed. Patuloy pa rin ang pagbuhos ng malakas na ulan at nilalamig na siya.
Nang mayamaya ay isang nakabibinging kulog ang umalingawngaw sa kalangitan. Agad na nanlaki ang kanyang mga mata at dali-dali siyang nagtakip ng tenga. Takot kase siya sa kulog simula noong bata pa siya. Kahit lumalaki na siya ay hindi pa rin nawala iyon.
BINABASA MO ANG
Fall For Me Again (Jaden & Arianne)
Romance[COMPLETED] For Arianne Samonte, Jaden Zade Dela Vega was nothing but an annoying admirer. He was too vocal in expressing his feelings for her and that's what irritates her the most. She hated his guts. Definitely, he was not her type of guy-payatot...