"SIGURADO ka ba sa sinasabi mo, Kuya Pol? May bago tayong boss?" tanong ni Arianne sa kanilang executive chef sa pinagtatrabahuhang restaurant. Oras ng siyesta nila ngayon at mayamaya ay uuwi na rin sila. Buong araw na namang napuno ng mga customer ang resto kaya halos wala pa silang pahinga kung hindi ngayon.
Napatango-tango naman si Pol. Diumano ay narinig nito ang usapan ng kanilang manager at ng may-ari mismo ng restaurant na may papalit na raw dito. Iyon ay ang pamangkin daw nito na nagmula pa sa States. Mukhang dito iyon madalas maglalagi dahil na rin sa ang pinagtatrabahuhan nila ngayon ang nag-iisang branch pa lang ng restaurant. Halos isang taon palang kase mahigit nang magbukas ito.
"Oo nga! Mukha ba akong nagbibiro? Hindi kase nakasara yung pinto ng office ni Ma'am Monette no'ng nag-uusap sila sa telepono kaya narinig ko," sagot naman ng lalake. Mas matanda ito sa kanya ng tatlong taon. Halos ilang buwan pa lang itong chef ng restaurant na iyon nang magsimula siya roong magtrabaho. Mabilis din naman silang nagkapalagayang-loob sapagkat likas na madaldal at pala-kaibigan ang lalake.
"Nako! Lalake kaya? Sana naman ay pogi!" biglang singit ni Lizbeth na kanilang bookkeeper.
Napailing-iling si Arianne sa tinuran ng kasama. "Nako, Beth! Isusumbong kita kay Marco!" biro naman niya. Si Marco ay ang nobyo ni Lizbeth na isa pang staff doon. Day-off nito nang araw na iyon kaya wala ito.
Napasimangot naman si Lizbeth. "Eto namang si Arianne! Nagbibiro lang naman ako! Siyempre hindi ko naman ipagpapalit si Marco, ano!" sagot nito na inulan naman ng kantyaw mula sa kanilang mga kasama. Buti na nga lamang at sarado na ang restaurant at wala ang manager nila kaya malaya silang nakakapag-ingay.
Ganito sila sa restaurant. Kahit mas mataas ang posisyon ng iba ay parang magba-barkada lang din ang turingan nila. Ganoon din kase sila ituring ng kanilang mga amo. Kahit pa halos nagsisimula pa lang at hindi gaanong kalaki ang resto ay masaya naman silang magkaka-trabaho.
Mayamaya pa ay nagkayayaan na rin silang umuwi sa kani-kanilang mga boarding house. Mag-isa lamang ngayon si Arianne dahil lumiban sa trabaho si Riza. May mahalagang lakad kase ito at mukhang bukas pa ang balik. Solong-solo niya ngayon ang kanilang tirahan kaya bumili na lamang siya ng lutong ulam sa night market para hindi na siya magluto.
Pag-uwi sa bahay ay agad na siyang kumain. Hinugasan niya na rin ang mga plato pati na rin iyong mga naiwang hugasin pa ni Riza. Nako ang babaeng iyon talaga!, naisip niya na lang.
Pagkatapos ay pumunta siya sa maliit na terrace ng bahay at naupo doon habang isinasalpak sa tenga ang pares ng earphones. Ganito siya palagi. Makikinig ng musika kapag walang ginagawa kasabay ng pagtitig sa mga bituin sa langit.
Haaay. Kamusta na kaya sina Mama?, tanong ng kanyang isip habang nakatitig pa rin sa madilim na kalangitan. Malamig na ang simoy ng hangin dahil nalalapit na rin ang buwan ng Disyembre.
Napabuntung-hininga na lamang siya. Nang magtapos siya ng kolehiyo sa kursong Business Administration ay agad na siyang sumabak sa kasalukuyan niyang trabaho. Iyon nga lang, bagamat nasa Batangas lang din ito ay medyo malayo naman sa kanilang tirahan kaya kinailangan niya ring umupa ng boarding house. Sayang na rin kase ang pamasahe kung babyahe pa siya mula restaurant hanggang sa kanilang bahay.
Kahit papaano naman ay nakakatulong na siya sa pamilya. Tatlo lang kase silang magkakapatid. Ang Ate Jean niya ay may asawa na at kasalukuyang nakatira pa rin sa kanilang bahay. Isa itong guro sa daycare na malapit lang din sa kanila. Samantala ay nasa Maynila naman ang Kuya Niko niya na nagtatrabaho bilang isang call center agent.
Mukhang may balak na rin itong mag-asawa ngayong taon kaya't pag nagkataon ay mukhang mababawasan na ang padala nito sa mga magulang nila. Siya na lang ang natitirang single sa kanilang pamilya. Hanggang ngayon kase ay hindi niya pa rin mahanap-hanap ang lalakeng magpapatibok sa kanyang pihikang puso.
Nasaan ka na ba?, naisip niya na lang habang nilalamon ng antok ang kanyang diwa.
***
NAPANGITI si Jaden nang makita ang papalapit niyang kapatid pagkarating niya sa kanilang bahay. "Zade! I missed you baby brother!" sigaw pa nito habang tumatakbong papalapit sa kanya. Ito ang Ate Brenna niya na sadyang malapit sa kanya. Dalawa lamang kase silang anak ng mga Dela Vega kaya hindi nakapagtatakang close talaga sila ng ate niya. Ito lang din ang tumatawag sa kanya ng "Zade".
Niyakap niya rin ito pabalik. "I missed you too, Ate," bati niya rin dito. Kumalas ito sa kanya bago siya muling tiningnan. "O, bakit ganyan ka makatingin, Ate? Sobra mo naman akong ma-miss!" biro niya pa dito. Ngumiti na lamang ito sa kanya.
"You have grown so much. No'ng huling bisita mo rito ay hindi ka pa naman ganoon ka-gwapo. Ngunit ngayon ay mukhang marami ka nang napaiyak na babae," biro pa nito na ikinatawa niya. Aminado siyang ibang-iba na nga ang itsura niya ngayon kaysa noon. Mas natuto na kase siyang pangalagaan ngayon ang katawan.
"Hindi naman, Ate. Ako pa rin 'to, ang baby brother mo," nakangiting sagot niya dito. Ngumiti rin naman ito. Kahit lampas trenta na ay masasabing maganda pa rin si Brenna Dela Vega. Nagtatrabaho ito sa kanilang kumpanya bilang Vice President for Finance. Sa pagdaan ng panahon ay ito ang unang naging katulong ng kanyang mga magulang upang mapalago ang kanilang negosyo.
Mayamaya ay tumitig ito sa kanya.
"I'm glad you're back. Salamat naman at mukhang naghilom na ang mga sugat sa iyong puso," matalinhagang pahayag nito. Agad na napalis ang kanyang ngiti nang maalala ang mga huling tagpo bago siya umalis ng bansa. Iniiwas niya ang tingin kay Brenna at naglakad papalayo.
"I have moved on, Ate. Wala na sa akin 'yon," sabi niya. Matagal-tagal na rin simula nang huli niyang makita ang babaeng dahilan ng pagkadurog ng kanyang puso. Sa ngayon ay ayaw niya munang magtagpo ang landas nila.
Pero wala na. Sa paglipas ng panahon ay natutunan niya na ring ibaon sa limot ang nararamdaman niya para dito. Isa pa, hindi siya bumalik ng bansa para alalahanin ang lahat ng iyon. Narito siya upang mamahala ng negosyo at alagaan si Mercedes.
"Zade..."
"Let's not talk about her while I'm here. Kaya ako umuwi rito dahil kay Mama. Nasaan siya?" muling baling niya sa kapatid. Hangga't maaari ay ayaw niya munang isipin ang mga ganoong bagay.
Hindi na rin naman nagpumilit si Brenna na pag-usapan iyon at agad na rin siya nitong sinamahan sa kwarto ng kanilang ina. Pagdating niya roon ay natutulog ito.
Asthma attacks. Madalas na sumpungin ang kanyang ina ng dati nitong sakit. Kaya naman ng malaman niya na muling bumabalik ang sakit nito ay hindi na siya nagdalawang-isip na umuwi. Naalala niya pang siya ang laging nag-aalaga sa ina pag sinusumpong ito noong mga panahong nagtatrabaho sa malayo ang ate niya.
Lumapit siya dito saka humalik sa pisngi nito. Tulad ni Brenna ay hindi pa rin gaanong halata ang edad kay Mercedes. Parang hindi gaanong nadagdagan ang edad nito kahit limang taon na ang nakakalipas.
"Ma..."
Naalimpungatan ito at mayamaya pa ay nagmulat na ito ng mga mata. Nang matitigan ang kanyang mukha ay bakas dito ang pagkagulat.
"Jaden... anak?" halos sambit nito. Ngumiti naman siya pagkatapos ay inabot ang kamay nito.
"Ako nga, Ma. Bumalik na po ako. Bumalik na si Jaden Zade," wika niya.
End of Kabanata 2
Please hit the ⭐ if you like this chapter.
BINABASA MO ANG
Fall For Me Again (Jaden & Arianne)
Romance[COMPLETED] For Arianne Samonte, Jaden Zade Dela Vega was nothing but an annoying admirer. He was too vocal in expressing his feelings for her and that's what irritates her the most. She hated his guts. Definitely, he was not her type of guy-payatot...