Prologue

813 64 48
                                    

MAINGAY ang mga tao sa bakuran ng mga Samonte nang hapong iyon. May mga nagvi-videoke sa tapat ng bahay, may mga magku-kumareng nagkukwentuhan at ang ilan ay abala sa pagkuha ng mga pagkain sa hapag-kainan.

May okasyon sa kabahayan. Araw ng Pagtatapos ng bunsong anak nina Mang Carding at Aling Siony na si Arianne sa High School. Nagkamit pa ito ng karangalan kaya't kahit mangutang sa kapitbahay ay ginawa magkaroon lamang ng handa para sa araw na iyon.

"Arianne! Anak, bumaba ka nga dito!" utos ni Aling Siony sa anak. Kasalukuyang nasa taas ng bahay si Arianne at nanoood ng telebisyon. Palabas na kase ang inaabangan niyang Koreanovela kaya kahit hindi pa naaalis ang kolorete sa mukha ay agad siyang pumuwesto sa harap ng T.V para manood.

Nasa kalagitnaan na ang palabas kung saan ipapakita na ang kanyang paboritong Koreanong artista nang marinig niya ang pagtawag ng ina. Agad na napasimangot ang kanyang mukha.

"Bakit po ba, 'Ma?!" sigaw niya pabalik. Ayaw niyang nai-istorbo siya sa panood lalo pa't paborito niya ang palabas.

Mayamaya ay narinig niya ang pagbukas ng pinto ng kanilang salas. Pumanhik na pala si Aling Siony. Agad itong lumapit sa kanya at mukhang sesermonan pa siya.

"Ikaw na bata ka! Bakit ka ba nagkukulong dito sa taas?! Pakiharapan mo nga ang mga bisita mo! Ikaw itong may okasyon ay ikaw pa 'tong wala sa baba!" sermon ng kanyang ina. Wala nang nagawa si Arianne kung hindi ang bumaba nang hilahin siya nito. Ayaw naman niya na magalit pa ito sa kanya.

Sayang naman! Hindi ko na mapapanood si Jang Geun Seuk!, naisip na lang niya habang pinapatay ni Aling Siony ang telebisyon. Hawak ang kanyang kanang braso ay hinila siya nito pababa ng kanilang hagdan. Agad niyang nakita ang kanyang mga bisita. Mas marami na ang mga ito kumpara kanina.

"Siony! Iyan na ba si Arianne? Aba'y pagkagandang bata naman ng iyong anak!" biglang singit ng isang babae. Tantya niya ay kasing-edad lamang ito ng kanyang ina.

"Ay, oo, Belen! Kanino pa ba magmamana itong si Arianne ko?" segunda naman ni Aling Siony. Napangiti na lang tuloy siya.

Binati siya ng ilang mga kakilala. Dumating din ang mga kamag-anak nila na nakatira sa Maynila upang bigyan siya ng regalo. Mayamaya pa ay dumating naman ang kanilang kapitbahay na kaibigan ng kanyang ina. Ang mga Dela Vega. Nang makita niya na kasama ng mga ito ang kanilang anak na lalake ay agad na sumimangot ang kanyang mukha.

"Nako, Mercedes! Akala ko ay hindi na kayo pupunta gayong kay-lapit lapit ng bahay n'yo!" masayang salubong dito ni Aling Siony. Ang pamilya Dela Vega ay mas nakakaangat sa kanila pagdating sa estado ng buhay bagama't maykaya lang din ang mga ito.

Tumawa naman si Mrs. Mercedes Dela Vega. "Nako, pasensya na at nahuli kami ng dating. Ito kasing anak kong si Jaden, nagpahintay pa galing University nila. Mukhang nahihiyang pumunta mag-isa dito," sabi pa nito bago pasimpleng tumingin sa kanya.

Muntikan na siyang mapangiwi nang tumingin sa kanya si Aling Mercedes. 'Di yata't alam nito na may gusto sa kanya ang anak nitong si Jaden? Napasimangot na tuloy siya sa naisip.

"Ay, ganoon ba? Nako, nga pala! Saang unibersidad nga pumapasok itong binata mo? Baka doon ko na rin papasukin itong dalaga ko para naman may kilala na agad siya," wika ni Aling Siony. Agad na nanlaki ang mga mata niya.

No, no! Hindi pwede 'to!, sigaw ng kanyang isip. Makakasama pa ata niya sa iisang University si Jaden!

"P-per—" Magsasalita pa sana siya nang magsalita naman si Aling Mercedes.

"Nako... mukhang malabong mangyari iyan Siony. This sem kase ay aalis na itong si Jaden ng bansa. Sa States na siya magpapatuloy ng college. Tutulungan kase siya ng kapatid ko roon," wika naman nito.

Halos mapasigaw siya ng 'yes!' dahil sa narinig. Sa wakas! Mukhang hindi na niya makikita pa ang bwisit na si Jaden Zade!

Nang mapadako ang paningin niya dito ay nahuli niya itong nakatitig sa kanya. Agad itong nagbaba ng tingin na animo'y nahihiya. Hindi na lamang niya ito pinansin. Naiinis talaga siya rito.

Nagpaalam na siya na pupunta muna sa may garden. May maliit na hardin sa kanilang likod-bahay na puno ng mga bulaklaking halaman. Mahilig kase si Aling Siony na magtanim ng mga iyon pag wala itong ginagawa.

Naupo siya sa isang monobloc chair habang pinagmamasdan ang mga rosas. Sa wakas ay graduate na siya ng High School. Na-e-excite na siyang tumuntong sa kolehiyo!

"A-arianne..."

"Ay, peste ka!"

Agad siyang napalingon sa tumawag sa kanya at nakita niya si Jaden na nakatayo sa 'di kalayuan. Nakatingin lang ito sa kanya. Napansin niya rin ang hawak-hawak nitong box.

Tumayo siya sa pagkakaupo at naiinis na lumapit dito. "Puwede ba, Jaden! Muntikan na akong atakihin sa puso dahil sa'yo!" sigaw niya dito. Napayuko lamang ito na lalo niyang ikinainis.

Argh! Don't tell me kukilitin na naman niya ako?! sigaw ng kanyang isip.

"P-pasensya na... hindi ko sinasadya," sabi naman nito. Sinuyod niya muli ito ng tingin. Nakasuot ito ng denim pants, checkered na polo at rubber shoes. Okay lang naman ang attire nito pero hindi gaanong bagay sa payat nitong pangangatawan. Idagdag pa ang suot na nerdy eyeglasses na lalong nakakapa-baduy sa itsura nito. May braces rin ito sa ngipin.

Mas matanda ito ng isang taon sa kanya. Parehas sila ng pinasukang eskwelahan noong elementary at high school at noong isang taon lamang din ito nagtapos. Ngayon ay magse- second year college na ito sa darating na semester.

Matagal na silang magkakilala dahil na rin sa magkaibigan ang mga magulang nila. Dati naman ay maayos ang pakikitungo niya rito at nagbago lamang iyon nang umamin ito sa kanya dalawang taon na ang nakakalipas.

Simula noon ay dumistansya na siya dito. Hindi niya type ang mga katulad nito. Ang gusto niya kase ay iyong mga tipong pang-modelo ang itsura. Hindi tulad nito.

"Para sa'yo nga pala... A-arianne. C-congrats!" mayamaya ay wika nito bago iabot sa kanya ang hawak na kahon. Base sa hugis nito ay mukhang kwintas ang laman niyon.

Tiningnan niya lamang ang iniaabot nito. Wala siyang balak na tanggapin iyon. Buti pa ay deretsuhin niya na ito para hindi na siya kulitin pa.

"Jaden," tawag niya dito. Agad naman itong tumingin sa kanya.

"Aalis ka na pala ng bansa? Alam mo bang ang saya-saya ko? Finally hindi na kita makikita!" singhal niya dito. Kitang-kita niya ang pagguhit ng sakit sa mga mata nito dahil sa kanyang sinabi.

Pero wala siyang pakialam.

"A-arianne..."

"Pwede ba?! Ilang ulit ko bang dapat sabihin sa'yo na tigilan mo na ako?! Hindi kita gusto kaya wala kang mapapala sa akin!" muli niyang sigaw. Hindi naman ito nakaimik. Nakatingin lang ito sa kanya ngunit kita sa mga mata nito ang sakit na dulot ng binitiwan niyang mga salita.

"P-pero gusto kita..." mahinang sambit nito. Napailing na lang sya sa inis. Ang kulit!

"Ayoko sa'yo. Hindi kita gusto at hindi kita magugustuhan. Alam mo ba yung type ko? Gusto ko yung mga kasing-gwapo nina Jang Geun Seuk at Lee Min Ho! Ayaw ko sa mga naka-brace at mukhang nerd! Isa pa, nag-eexercise ka ba? Ang payat mo! Ni wala kang muscles," muli niyang sabi. Parang halos lahat na ata ng panlalait ay gusto na niyang sabihin para tigilan na nito ang pagpapantasya sa kanya.

"Kaya please lang. Mula sa araw na ito... kalimutan mo na ako Jaden Zade," pinal na sabi niya bago nagmamadaling iniwan ang nakatulalang binata.

Nang mga oras na iyon, wala na siyang pakialam kung nakasakit man siya ng damdamin. Ang mahalaga ay nasabi niya nang ayaw niya dito.

Hindi kita gusto kaya tigilan mo na ako, Jaden Dela Vega.

Fall For Me Again (Jaden & Arianne)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon