14. Save the Day

1.4K 87 12
                                    

Alas-kuwatro ng hapon at mataas pa rin ang sikat ng araw sa labas ng Wythe Lais. Patuloy ang paghabol ni Arjo sa malalaking hakbang ni Helmer.

"Puwede bang bagalan mo ang paglakad mo?" inis na pakiusap ni Arjo sa kasama niya.

"Bakit ba kasi hindi ka sumama sa sekretarya ko?" chill lang na sagot ni Helmer habang binabagtas ang kahabaan ng Avenue du Maine. "Wala kang gagawin sa misyong ibinigay mo sa 'kin. At gusto kong matapos agad ang trabaho ko bago ako maunahan ni—"

"Hindi ka mauunahan ng kahit sino," putol ni Arjo sa kanya na halos tumakbo na para masabayan siya.

"How would you know? If that 'thing' you're asking me to get is important, malamang na maraming kukuha n'on. Baka nga may ibang taong inupahan para lang kunin 'yon maliban sa 'kin."

Napaisip si Arjo sa sinabing iyon ni Helmer. Malamang na ang tinutukoy nito ay si Senegal.

"Hmm . . ."

Saglit na napahinto si Arjo sa paglalakad. Nagdadalawang-isip na siya kung ipatutuloy pa ba ang contract ng Fuhrer kay Senegal. Alam niyang itutuloy ni Helmer ang pagkuha sa mga gamit sa library ni Erajin Hill-Miller. Kung sakaling mag-unahan pa ang dalawa, malamang na mas mabilis para kay Senegal na gawin ang misyon kompara kay Helmer na alam niyang maraming pasubali pang gagawin.

Bumulong si Arjo. "Kung tawagan ko kaya si—Hoy!"

Hindi na nalaman ni Arjo ang nagaganap dahil may biglang umakbay sa kanya at kinaladkad siya sa kung saan.

"Ano ba? Hoy! Saan mo 'ko dadalhin!" sigaw ni Arjo habang inaalis ang kamay na biglang tumakip sa halos kalahati ng mukha niya, mula sa noo hanggang ilong.

"Shut up!" bulyaw naman sa kanya ng tumatakip sa mata niya.

"Black Jack?! Ano ba! Bakit mo ba—Aray!" Napahawak sa likod niya si Arjo dahil halos ibalibag na siya ni Helmer hanggang tumama ang likod niya sa isang pader na nakapagitan sa isang building at isang meat shop.

Wala halos hangin sa lugar na iyon dahil sa makipot na daan. Lalong tumaas ang temperatura sa pagitan ng dalawa dahil sa alinsangan ng panahon at paglalapit ng katawan nila.

"Hoy, Lalaki! Sumosobra ka na, ha!" bulyaw niya kay Helmer at dinuro ito sa mukha. "Kilala mo ba kung sino ako, ha? Alam mo bang hindi ako ginaganito sa pinanggalingan ko? Oras na malaman ni Jean at ni Xerez na ganito ang nararanasan ko sa mga kamay mo, hindi mo alam kung ano'ng kahihinatnan mo!"

Pinaikutan lang ng mata ni Helmer ang mga pagbabanta sa kanya ni Arjo.

"Alam mo, ikaw, pinagtitimpihan lang kita, ha!" banta na naman ni Arjo. "Nakakarami ka na sa 'kin! Wala akong pakialam kung ano ka—MMM!"

"ANG. INGAY. MO." Halos ipagduldulan ni Helmer ang salita niya kay Arjo habang tinatakpan niya ang bibig nito.

Nagbubutil-butil na ang pawis ng dalawa dahil pakiramdam nila ay lalong uminit sa lugar nila. At literal ngang mainit sa lugar dahil may lumalabas na usok sa meat shop at nangingibabaw ang amoy ng binabanliang mga hayop. Tumapat pa sila kung saan nakalagay ang maiinit na tubig na ginagamit panlinis ng mga kinakatay.

"MMM!" Pilit na inaalis ni Arjo ang kamay ni Helmer sa bibig niya dahil kakaiba na ang nararamdaman niya. Nangungulay dilaw na ang paligid niya at hindi niya alam kung ano na ang nangyayari sa kanya.

Dug. Dug. Dug.

Tatlong malalakas na pintig ng puso mula kay Arjo at bigla na lang tumalas ang pandinig at paningin niya kahit na hindi siya umiinom ng Red Wagner. Nagbago na rin ang kulay ng mata niya ngunit kaiba sa tipikal na pagkadilaw nito. Naghalo ang berde at lila sa magkabila niyang mata at lumaki pa lalo ang balintataw niya.

Dealing With Mr. Jacobs (Book 12)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon