EDITORYAL - Ilegal na Droga: Salot sa Lipunan

8K 18 2
                                    

Sa pagkakaluklok ni Pangulong Rodrigo "Digong" Duterte bilang pangulo ng Pilipinas, laganap na naman ang ilegal na droga. Ang tinaguriang laban sa droga ay napa-igting na, na siyang nagbunsod ng paglabas ng mga "drug lords," "drug pushers" at pati ng mga gumagamit nito. Ito ay pagkatapos ideklara ni Duterte na may kaukulang pabuya sa sinumang makapagtuturo ng mga drug lords na P5 milyon, at drug pushers na P50 libo.

Ang laban sa ilegal na droga at ano mang uri ng kriminalidad at korapsyon ang naging sentro ng kampanya ni Duterte sa nakaraang halalan. Ito ang dahilan kung bakit karamihan sa mga botanteng Pilipino ay sumuporta sa kanya para manalo siya sa pagka-pangulo. Naging hudyat din ito na ang mga tao ay sawa na sa kasalukuyang sitwasyon sa bansa na naging talamak na ang ilegal na droga, korapsyon at kriminalidad.

Hindi biro itong gagawin ni Duterte sa pagsugpo ng kriminalidad at ilegal na droga. Ngayon pa lang, mayroon ng nagbabanta sa kanyang buhay pati ng kanyang bagong hirang na Police Director General Ronald "Bato" Dela Rosa. Ayon nga kay Dela Rosa, tig-P50 milyon sa kanila ni Duterte ang nakapatong na pabuya ng mga "drug lords" kung sino ang makakapagtumba sa kanila. Hindi rin biro na maraming masasagasaan sa gagawing ito ni Duterte na kinabibilangan ng mga pulitiko, matataas na opisyales ng kapulisan, mga piskal at mga husgado.

Ibinunyag ni Duterte na may tatlong heneral sa Philippine National Police (PNP) at 35 mga gobernador at mga mayor ang sangkot sa ilegal na droga.

Sa ngayon ay hindi pa niya pinangalanan ang mga ito ngunit nagbigay na siya ng babala na magbitiw na sila sa kanilang mga posisyon sa pamahalaan. Ayon naman kay Dela Rosa, sa 18 na mga Regional Director ng PNP, baka tatlo lang ang maiiwan at ang 15 ay mababalasa sa kanilang mga tungkulin. Nakababahala ang mga nagsusulputang impormasyon tungkol sa ilegal na droga. Ang mga inaakala nating magbibigay ng proteksyon sa atin ay sila pala ang salot sa ating lipunan.

          Hindi lang si Duterte ang may laban dito. Lahat tayo na nagmamahal sa katinuan at kapayapaan ng ating lipunan at bansa ay kailangang makiisa sa kanya. Panahon na upang masugpo ang galamay ng mga salot na sumisira sa buhay ng mga kabataan, mga pamilya at moralidad ng ating lipunan.

A/N: Don't forget to tap the star ⭐️ Button to Vote. Vote and Comments are highly appreciated 😀.
Enjoy!!!

Editorial - Editoryal Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon