Kakampi

4.5K 129 2
                                    

"ANO na? Wala pa rin text o tawag?" naging paulit-ulit na linya ni Daisy ang tanong na iyon kay Edgar nang mga sumunod na araw. Walang araw na hindi dumaan ang lalaki sa bahay nila o kaya ay sa eskuwelahan. Kapag umaga ito dumaan, ihahatid siya sa eskuwelahan. Kapag hapon naman, sa eskuwelahan dumederetso at sinusundo siya. Ang biyahe nila mula sa bahay at ang biyahe pauwi ang ginagamit nila para pag-usapan ang tungkol sa kapatid. May araw na hindi sapat ang oras, dumadaan sila sa lugar na puwedeng mag-usap.

Nagpalitan na rin sila ng cell phone numbers. Sa mga gabing hindi siya makatulog ay sunod-sunod ang text message niya kay Edgar. Paulit-ulit lang ang tanong niya. Napansin niyang tamad mag-text ang lalaki. Hindi ito nagre-reply pero kapag naka-sampu na siyang text ay tumatawag na para sagutin lahat ng tanong.

Lampas isang linggong nasa Calabanga na si Edgar. At hanggang nang sandaling iyon, wala pa rin silang natatanggap na text o tawag mula kay Ate Ara. Lalong kinakabahan si Daisy sa bawat paglipas ng araw. Gustong-gusto na niyang sabihin sa mga magulang ang nalalaman pero sa tuwing naiisip niya ang nangyari sa ama noong nalaman nito ang aksidente ng bayaw niya ay nagbabago ang isip ni Daisy. Hindi makabubuti sa puso nito ang masamang balita.

Nang hapon na iyon ay sinundo siya ni Edgar sa eskuwelahan.

"Wala pa rin," tugon nito. "'Yong ginamit niyang numero para tawagan ako, nakapatay."

"Ano na'ng gagawin natin?"

"Kapag wala pa rin hanggang matapos ang linggong 'to, luluwas na akong Maynila, Daisy."

Magkasabay silang tumawid sa kalsada. "'Kain muna tayo?"

Umiling siya. "Sa bahay na lang ako, Kuya Ed. Wala akong gana."

"'Wag kang masyadong mag-alala," sabi nito. "Baka mapabayaan mo na ang pag-aaral mo, hindi magugustuhan ng Ate mo 'yan."

"Five over twenty nga ang score ko sa quiz namin sa Math," kasunod ang buntong hininga. "First time kong bumagsak. Ang hirap mag-focus..." pagtatapat niya. "Ako ang dahilan kaya lumuwas si Ate Ara, eh. Kapag napahamak siya—"

"Hindi siya mapapahamak," agap ni Edgar. Hinawakan siya sa magkabilang balikat at kinabig para magkaharap sila. "Daisy, makinig ka sa akin," may diin na sabi nito. "May tiwala ka naman sa 'taas 'di ba? Magdasal ka lang. Manalig tayong ligtas si Ara. Ang pag-aaral mo, hindi dapat maapektuhan."

"Paano 'pag napahamak si Ate Ara? Paano ko sasabihin kina Nanay at Tatay na—"

"Hindi siya mapapahamak," agaw muli ni Edgar. "Babalik ang ate mo rito nang ligtas."

"Paano ko panghahawakan 'yan?" balik niya, napapaluha na naman. "Ni hindi nga natin alam kung nasaan na si Ate Ara ngayon, eh..."

"O, sige, para hindi ka na mag-alala, bukas mismo, tatawagan ko si...ang kaibigan kong puwedeng makatulong. Ipapahanap ko si Ara."

"Ano'ng ibibigay mong kapalit? May pera ka ba?"

Tinitigan lang siya ni Edgar bago huminga nang malalim. "'Wag mo nang isipin 'yon."


Ed (PREVIEW ONLY)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon