"NOONG wala si ate, araw araw kang nandito," sita ni Daisy kay Edgar na nasa bahay na naman nila nang araw na iyon. Sabado ng umaga, katatapos lang niyang magwalis sa paligid ng bahay. Ilang minuto pa lang matapos niyang maupo sa swing at iduyan ang sarili ay dumating ang lalaki, may bitbit na kung ano. Ang duyan at ang swing ang paborito niyang lugar sa bahay nila bukod sa sala kung saan nagbo-bonding ang buong pamilya. "Ngayon na nandito na siya, araw araw pa rin? Ikaw na, Kuya Ed!" malakas niyang sabi. "Hindi ka ba busy sa ibang bagay?" ang gusto talaga niyang itanong ay kung balak nitong maghanap ng trabaho. Para kasing walang ginagawa ang lalaki. Kung walang trabaho ang candidate one at sa hula niya ay rich kid ang candidate two, kanino ba siya kakampi? Narural sa candidate two. Hindi nga lang niya basta basta itatapon na lang ang tulong ni Edgar kay Ate Ara kaya ito nakabalik na ligtas. Plus point si Edgar Dimatulac dahil doon.
Si Zeph De Villar naman, wala pang ideya si Daisy sa financial status ng lalaki. Tikom ang bibig ng Ate Ara niya. Halatang nabubura ang ngiti nito kapag nabanggit niya si Zeph. Hindi alam ni Daisy kung bakit parang nalulungkot—o nasasaktan yata, hindi niya sigurado—ang kapatid kapag napag-uusapan ang lalaking iyon na naghatid rito sa Naga. Hindi tuloy siya makapagtanong.
"No'ng wala pa ang Ate mo, hinahanap mo ako lagi. Panay rin ang text mo, ngayon ganyan na lang? Itataboy mo na lang ako, Daisy?" balik ni Edgar.
"Kailangan ko lang ng impormasyon kaya kita hinahanap, 'oy!" agap niya agad. "At nag-aalala ako kaya kita tini-text lagi no'n!"
"Wala naman akong ibang sinabi, ah?" si Edgar uli. "Bakit parang nagpapaliwanag ka?"
"Hindi ako nagpapaliwanag!"
"Hindi paliwanag ang tawag do'n—"
"Sinasabi ko lang!"
"'Di hindi kasi," bawi naman ni Edgar na ngumiti nang malapad. Inabot sa kanya ang supot na bitbit nito. "O, almusal. Pansit at suman." Inilagay nito sa kandungan niya ang supot, nakaupo kasi siya sa swing.
"Sa akin?" Natuwa si Daisy. Tamang-tama, gutom na siya. Plus point uli si Dimatulac sa score board niya: three-one. Si De Villar pa rin ang lamang base sa personal impression.
"Bakit naman kita dadalhan ng almusal?" balik ni Edgar. Sa Ate mo 'yan—"
Tumayo siya bigla mula sa swing. Back to zero-zero agad ang score ni Edgar Dimatulac. Lakas makasira ng araw talaga minsan ang Dimatulac na ito. "'Di sa kanya mo iabot!" singhal niya, pinigilan ang sariling ibato sa nakangising mukha ni Edgar ang pagkaing nasa supot. "'Kainis na 'to!"
Tinawanan siya ng lalaki kaya lalo nang nainis si Daisy. "Lumayo ka nga sa akin, Kuya Ed!" dagdag niyang singhal. "Umagang-umaga iniinis ko ako—"
"Biro lang," putol nito, tumatawa pa rin. "Pikon ka na naman agad," lumapit ito at magaang pinisil ang baba niya. "Sa inyong apat 'yan."
Inirapan niya ang lalaking ang lakas mang-inis. "'Yon naman pala," sabi niya at sinilip ang laman ng supot. Para sa apat nga ang pansit at ilang piraso rin ang suman. "Nakakainis ka pero salamat pa rin!"
"Ang Ate Ara mo?"
"Nakabihis na paggising ko," sagot niya. "Baka nakaalis na. 'Balik sa dating raket sa bayan. Mas okay na nandito lang siya kahit hindi sapat ang kita. Puwede namang next sem o next year na lang ang ako mag-college, eh. Ang importante, safe siya."
"Sa Maynila mo raw gustong mag-aral?"
"Kung may chance lang naman. Pero kung wala, kaya ko namang mag-working student, Kuya Ed."
"Hindi madali 'yon, Daisy."
"Na-try mo na?"
"Working student ako. Hanggang highschool lang ang kinaya kong tapusin. Bumibigay na ang katawan ko sa pagod."
"'Sabi mo, magkasama kayo ni Ate sa trabaho?" naalala niya ang kuwento nito. "Lugar ng prostitusyon ang Neon 'di ba? Ano'ng trabaho mo do'n?"
"Depende sa utos."
"Utos gaya ng...?"
"Trabahong hindi ako proud pero hindi ko ikinakahiyang amining ginawa ko."
Hindi na dinagdagan ni Daisy ang tanong, mukhang hindi nito gustong isaboses. Nahuhulaan na rin naman niya. Sa katawan at mukhang taglay ni Edgar, babagay talaga ang lalaki sa ganoong trabaho. May isa lang talaga siyang gustong itanong.
"Ginusto mo ba, Kuya Ed o nawalan ka nang pagpipilian?"
Tahimik na titig lang ang sagot ni Edgar sa tanong niya.
BINABASA MO ANG
Ed (PREVIEW ONLY)
RomanceUNEDITED version. Teaser: Daisy wanted a perfect man. May check list siya ng mga katangiang kailangang taglay ng kanyang Mr. Right. Ang ilan sa 'must have'- guwapo, matalino, galing sa matinong pamilya at mayaman. Mala-fairy tale rin ang pangarap...