HINDI na natuloy ang balak ni Edgar na pagluwas ng Maynila. Isang hindi inaasahang tawag na natanggap ni Daisy mula sa hindi pamilyar na numero—tawag mula sa kapatid na si Ate Ara. Kamuntik niyang mabitawan ang cell phone nang mabosesan ito.
"Hello, Daisy? Ako 'to, bunso—"
Napasinghap si Daisy. "A-Ate Ara? Ate! Diyos ko! Mababaliw na ako sa pag-aalala sa 'yo, ah! Alam ko na ang nangyari sa 'yo sa Maynila! 'Asan ka ba ngayon, ha? Hindi ko masabi-sabi kina nanay at tatay ang lahat nang nalaman ko. Masa-shock ang mga 'yon. Baka mapaano pa si Tatay, eh. Ligtas ka ba? Ano? Nasaan ka?" sunod-sunod na tanong niya, nagpapahina ng tuhod ang relief na naramdaman niya. Totoong boses ng kapatid ang naririnig niya. Totoong ang Ate Ara niya ang nasa kabilang linya. Ligtas ito. Hindi napahamak ang Ate niya, samalat sa Diyos!
Hindi niya napigilan ang sarili, hindi pa man nakasagot ang kapatid ay naunahan na naman niya ng tanong. "Ano, ate? 'Asan ka? Sabihin mo ngayon na! Hindi ako matatahimik hangga't 'di ko nasisiguro na ligtas ka. 'Pag hindi ako nakatiis, sasabihin ko na kina Tatay na—"
"'Wag," putol nito sa sinasabi niya. "Ako na ang magpapaliwanag pagdating ko. Ligtas ako, 'wag ka nang mag-alala. Nasa Naga na ako. Sunduin mo ako, hihintayin kita..."
Naga!
Pakiramdam ni Daisy, ang parang lubid na sumasakal sa leeg niya sa mga araw na lumipas ay lumuwag at tuluyan na siyang nakalaya. Nasa Naga na ang kapatid niya. Walang isang oras ang distansiya mula sa bayan nila.
"Sa...sa Naga ka na? Ngayon? O sige...sige, Ate, ngayon mismo pupuntahan ka namin! I-text mo ako kung nasaan ka eksakto." at kaagad niyang tinapos ang tawag. Nanginginig pa ang mga daliri na nag-text siya kay Edgar. Tatawagan sana ni Daisy ang lalaki pero pang-text lang ang load niya. Hindi sapat para pantawag.
Segundo lang pagkatapos niyang ipadala ang text message ay tumatawag na ang lalaki.
"Kuya Ed!" agad bulalas niya. "Si Ate Ara! Tumawag si Ate Ara! Nasa...nasa naga na siya. Nagpapasundo! Ligtas siya. Ligtas si Ate Ara!" hindi maikakaila ang galak sa boses niya. "Hindi mo na kailangang humingi ng tulong sa sinasabi mong kaibigan. Okay na. Nakabalik na si Ate. Ligtas siya. Ligtas siya, Kuya Ed!" kasunod ang galak na tawa. "Pupunta akong Naga—"
"Sasamahan kita, Daisy," putol ni Edgar na nabosesan niyang nakangiti rin. "Susunduin natin si Ara."
Ilang minuto pagkatapos ng tawag na iyon, nasa biyahe na sila para sunduin ang kapatid.
BINABASA MO ANG
Ed (PREVIEW ONLY)
RomanceUNEDITED version. Teaser: Daisy wanted a perfect man. May check list siya ng mga katangiang kailangang taglay ng kanyang Mr. Right. Ang ilan sa 'must have'- guwapo, matalino, galing sa matinong pamilya at mayaman. Mala-fairy tale rin ang pangarap...