"ATE!" sinugod ni Daisy ng yakap ang kapatid. Hindi niya napigilan ang pamamasa ng mga mata. Walang ideya ang ate niya kung gaano siya nag-alala sa kaligtasan nito. Hindi na niya sasabihin na naapektuhan ang mga scores niya sa quizzes. Hindi na rin niya sasabihin na sana ay hindi na lang sinabi sa kanya ni Edgar ang nangyari rito sa Maynila. Hindi na sana siya nag-alala nang sobra.
"Okay lang ako, 'no ka ba?" sabi ni Ate Ara, tinugon ang yakap niya. Lalo na siyang nagalak. Ligtas ang kapatid niya at nakabalik na ito. Pagbitaw nila sa isa't isa ay si Edgar naman ang lumapit at mahigpit na niyakap ang Ate Ara niya.
"Nag-alala ako nang husto sa 'yo, ah. 'Sabi mo, 'wag na akong tumawag sa numero na ginamit mo kaya naghintay na lang ako ng tawag." Ang sinabi ni Edgar kay Ate Ara. "Naikuwento ko kay Daisy ang lahat, ang bigat na kasi ng dibdib ko at wala akong mapag-sabihang iba rito, Ara." sinapo ni Edgar ang balikat ng kapatid at pinakatitigan, para bang tinitiyak na naroon na talaga ito. Naintindihan ni Daisy ang ganoong pakiramdam ng lalaki. Siya man ay gustong hawakan ang lahat ng parte ng katawan ng Ate niya para mas maramdaman niyang naroon na nga ito at ligtas. "Nandito ka na talaga!" sabi pa ni Edgar at kinabig uli si Ate Ara, mariing hinalikan sa noo. Halata sa kilos ng lalaki na galak na galak sa pagbabalik ng kapatid niya nang walang pinsala.
Masayang ngumiti si Are Ara. "Oo nga eh. Nakabalik ako ng ligtas kaya salamat sa tulong mo, Ed." Sabi nito kay Edgar. Nakangiting nanood lang si Daisy.
"Basta ikaw." Pinisil ni Edgar ang pisngi ng Ate Ara niya. Napansin ni Daisy na bagay ang dalawa. Hindi na muna niya iisipin ang check list niya. Puwede naman sigurong bigyan ng pagkakataon si Edgar Dimatulac para maging isa sa mga kandidato bilang 'future' bayaw.
Pero may nilingon si Ate Ara—isang lalaking tahimik na nanonood lang pala sa eksena, hindi niya napansin. Nahuli ni Daisy na kay Edgar nagtagal ang tingin ng lalaki.
Kaswal ang ginawang pagpapakilala ng kapatid sa kanilang tatlo. Zeph pala ang pangalan ng lalaki, bagong kaibigan ayon sa kapatid niya. Simpleng bati lang ang tugon ng lalaki, nagpaalam na rin agad. Sa tingin niya ay inihatid lang talaga sa Naga si Ate Ara. Hindi napigilan ni Daisy ang sarili. Sa isip ay minamarkahan niya ng check ang mga katangian ni Zeph sa kanyang listahan.
Kandidato rin bilang Mr. Right para kay ate Ara si Zeph. At kung tama ang kutob ni Daisy, ang cell phone na ginamit ng ate niya ay numero ni Zeph. Sa isip ay humalakhak siya. Ise-save niya ang numero ng lalaki. Kapag hindi siya busy, puwede silang maging textmates. Pasimple niyang 'ipo-promote' ang kapatid!
May basehan naman ang kapilyahang naiisip ni Daisy. Nahuli niya kasi ang kapatid na nakatitig sa papalayong si Zeph, ang anyo ay parang lungkot na lungkot na girlfriend.
"Okay ka lang, Ate?" pukaw ni Daisy sa kapatid. "Kung makatanaw ka naman do'n sa sinasabi mong naghatid sa 'yo, para kang nasasaktang girlfriend. Sino ba talaga 'yon?"
"Si Zeph nga."
"Ipinakilala mo nga sa amin pero 'Zeph' lang ang sinabi mo. Eh sino nga ang Zeph na 'yon? Ilang taon na? Bakit hinatid ka? Tagasaan 'yon at paano kayo nagkakilala—"
"Twenty-eight years old lang 'yon—teka, tigilan mo ang pagiging tsismosa, Daisy, ha?" nagbabantang sulyap ang ipinukol kay Daisy ng kapatid. Pinigil niyang mapangiti. Nagbalik na nga ang kapatid na bestfriend-enemy ang role sa buhay niya. May buhay ang bahay nila dahil sa mga walang kuwenta nilang pinag-aawayan. Kadalasan ay ang tatay nila ang nagsasawa sa ingay nilang magkapatid. "Huwag kang magkakamaling magpasa ng maling hinala kay Tatay, malalagot ka sa akin!" banta pa ni Ate Ara.
Ngumisi si Daisy at niyapos ng yakap ang kapatid. Hindi niya mapigilan ang tuwa. "Nagbalik ka na talaga, Ate Ara! Na-miss kita!"
Tinugon nito ang yakap niya. Sa biyahe na itinuloy ni Ate Ara ang sermon sa kanya tungkol sa pagiging tsismosa niya. Magkasabay silang umuwi sakay ng jeep habang si Edgar ay nauna sakay ng motorsiklong hiniram nito sa tiyuhin.
BINABASA MO ANG
Ed (PREVIEW ONLY)
RomanceUNEDITED version. Teaser: Daisy wanted a perfect man. May check list siya ng mga katangiang kailangang taglay ng kanyang Mr. Right. Ang ilan sa 'must have'- guwapo, matalino, galing sa matinong pamilya at mayaman. Mala-fairy tale rin ang pangarap...