Kabanata 4

18 0 0
                                    

"Nagigising na siya,” wika ng isang tinig.

“Ate Jean!”

Nagmulat ng mga mata si Jean.

“Y-Yvonne?” Nag-uulap pa rin ang kanyang paningin.

“O-oo, Ate Jean, ako ito. Kumusta ka na?” Marahan nitong hinaplos ang pisngi niya.

“M-masakit ang ulo ko. A-anong nangyari?” Napalingap siya sa paligid.

May kasama pala silang tatlong unipormadong pulis, may isang doktor at isang nurse din. Naroon si Marco at Francis, nakikipag-usap sa mga pulis.

“N-nahuli na ang serial killer-maniac na iyon, Ate Jean,” naiiyak na wika ni Yvonne.

“T-talaga? P-paano? Hindi ba’t—”

"B-bago ka pa niya nalaslas sa leeg, may mamang pumalo sa kanyang ulo. Nabuwal siya pero buhay pa. Nasalo ka ng mama at matapos ka niyang ilapag sa lupa ay ako naman ang pinawalan niya.”

“S-sinong mama ‘yon?”

“Ewan ko, narinig ko lang na tinatawag nila ito ng Josh. Tapos ay itinali niya si Steven at humingi siya ng tulong kaya nahuli na ang gagong iyon.”

“God!” Muli siyang kinilabutan sa isiping muntik na siya sa kamay ng killer na iyon. “Bakit naman kasi sumama ka sa kanyang pumasok sa loob ng kasukalan?” Pahinamad na naupo siya sa kama habang pasulyap-sulyap sa gawi nina Francis.

“K-kasi, akala ko mabait siya. Pinakyaw kasi niya ang tinda kong kuwintas kahapon. Tapos, binigyan niya ako ng malaking tip. Iuuwi daw niya sa kanilang bansa ang mga iyon at susubukang ibenta.”

“Kahapon pa pala, bakit hanggang kanina ay magkasama kayo?”

“K-kasi, gusto niyang magkuwentuhan kami sandali sa batuhan. Marami raw siyang ikukuwento sa akin na inspiring success stories. Iyon bang kagaya ko na mahirap lang, tapos ay biglang umasenso. Akala ko talaga, mabait siya. Tapos, noong nag-uusap na kami sa batuhan, bigla siyang nagyaya na maglakad-lakad daw kami habang nagkukuwentuhan,” pahikbing wika ni Yvonne.

"Susme! Bakit ka naman nagtiwala agad?”

“Akala ko kasi’y sa malapit lang kami maglalakad-lakad. Nang makubli na kami sa karamihan ay bigla niya akong tinutukan ng labaha at hinawakan sa kamay. Hindi na ako nakapalag sa takot nang hilahin niya sa loob ng kasukalan.”

Napailing na lang si Jean sa kainosentihan ni Yvonne. Gayunpaman, hindi rin niya ito masisi.

Kahit naman siya ang niyaya ni Steven at hindi pa niya alam na masamang tao ito, tiyak na pauunlakan niya ang lalaki.

“O, okay ka na ba, Jean?” kaswal na tanong ni Marco na palapit sa kanila.

“O-oho, Sir! S-salamat nga ho pala sa—”

“Huwag ka sa akin magpasalamat, kay Josh. Siya ang pumukpok sa ulo ng killer na iyon kaya hindi ka nalaslas sa leeg.”

“J-Josh ho? Sinong—”

“Iyong bago nating boy at maintenance dito sa resort. Naisipan ka raw niyang sundan nang mapansin niyang parang may hinahabol ka sa kasukalan. Mabuti na lang at dumating siya sa tamang oras.”

Si Josh Montemayor! Siya ang tumulong sa akin! Hindi siya makapaniwala sa narinig, at the same time, tila may mahiwagang damdamin na sumikdo sa kanyang dibdib sa isiping iyon.

“N-nasaan ho siya? M-magpapasalamat ho ako sa kanya.”

“Ah, baka nagbalik na sa quarters nila. Anyway, bukas ka na lang magpasalamat sa kanya. O, aalis na kami. Kakausapin ka raw muna nina Sarhento para sa report nila tungkol kay Steven Edward.”

Napapansin Mo Kaya?Where stories live. Discover now