Kabanata 5

10 0 0
                                    

PUTING t-shirt na naka-tuck-in sa pantalong maong ang suot ni Josh. Halatang bagong paligo ito at abalang nakikipag-usap kay Marco.

Naroon ang dalawa sa tabi ng nag-iihaw ng hotdog at pork barbeque. Hinayaan ng management ng hotel na may ilang magtinda sa paligid ng resort basta huwag magkakalat. Isa pa ay asawa sila ng ilang tauhan ng resort na gusto lang magkaroon ng dagdag na kita.

Napabuntong-hininga si Jean habang naglalakad na palapit dito.

At sinong magsasabi na boy at tubero lang sa resort na iyon si Josh kahit na sa simpleng kasuutan na iyon?

He stands out, kahit pa may ilang kalalakihan na naglalakad sa paligid nito, kahit pa katabi nito si Marco na lalo yatang gumuwapo nang mag-asawa.

Bakit kaya nagtitiyaga na maging boy at maintenance dito ang lalaking ito? Puwede naman siyang maging modelo, o kaya ay mas mataas sa napili niyang trabaho? Napailing siya sa naisip.

Baka naman mababa talaga ang pinag-aralan niya? Napasimangot siya sa isiping iyon. Well, at least ay masipag siya. Hindi kagaya ng iba na ginagamit ang katawan magkamal lang ng salapi. At sa isiping iyon, parang bigla niyang na-realize na ano nga ba ang masama kung boy lang si Josh? Ang mahalaga, disenteng tao ito.

Napangiti si Josh nang mapatingin sa kanya.

“O, nariyan na pala ang hinihintay mo, eh,” wika ni Marco na bahagya pang tinapik sa braso si Josh. “Simple ka lang, ha?” pabulong na wika ng lalaki. “Baka naman hindi mo mapanindigan ang pagpapanggap, bumigay ka.”

“Don’t worry, Pinsan, akong bahala.” Ginanti nito nang tapik sa balikat si Marco.

Bahagyang kumunot ang noo ni Jean sa nakitang iyon.

Okay talaga ‘tong boss ko, walang discrimination sa mga tauhan.

“Hi!” Nakangiting lumapit si Josh sa kanya.

“H-hi. Happy birthday.” Pinigil niya iyong urge na halikan ito sa pisngi bilang pagbati. Baka kung ano ang isipin nito.

“Salamat. Ah, kain na tayo?”

“Ano bang kakainin natin?”

"Iyon, o. Masarap ang barbeque ni Manang Aning. Diyan ako bumibili ng meryenda. Tapos sabayan natin ng inom ng sabaw ng buko.”

“Okay.”

“Halika doon sa mahabang bangko.” Turo nito sa isang bangko na nayuyungyungan ng payong na gawa sa kawayan.

"Sige.”

Barbeque on stick at sabaw nga ng buko ang pinagsaluhan nila, pero ewan ni Jean, pakiramdam niya ay kaysarap-sarap ng kinakain nila.

Dahil kaya sa mataginting na halakhak ni Josh kapag may nasasabi siyang nakakatawa? O, dahil sa naaaliw siyang masdan ang guwapo nitong mukha kapag nagtatama ang mga mata nila?

Kahit na ano pa ang dahilan, saglit niyang nakalimutan na hindi pasado si Josh sa mga criteria na isinet-up niya para sa lalaking hanap niya.

“PASYAL naman tayo doon, o,” turo ni Josh sa dulo ng dalampasigan na malayo sa karamihan.

“Ha? Ang layo na niyon, ah.” Bigla niyang naalala ang pagyayaya ni Steven kay Yvonne na mamasyal sa dakong iyon noong isang gabi.

“Bakit, natatakot ka ba sa akin?”

“Ha? H-hindi. Kaya lang, ano naman ang gagawin natin doon?”

“Wala lang. Maingay kasi rito. Isa pa, naroon ‘yong bangkang ginagamit ko, pasyal kita sa paligid ng isla.”

Napapansin Mo Kaya?Where stories live. Discover now