Kabanata 6

11 0 0
                                    

ILANG saglit na nawalan ng kibo si Josh matapos marinig ang sinabi niya.

“Hey! Bakit hindi ka na nagsasalita?” untag ni Jean dito na bahagya pang siniko sa braso.

“Ha? Ah, wala.”

“Wala? Ikaw talaga, ang daya mo. Ako, may comment nang magkuwento ka tungkol sa iyo, tapos, ikaw wala.”

“Ayoko kasing magkomento.”

“Bakit?”

“Kasi, okay naman ang kuwento ng buhay mo. Nagsikap kang makapag-aral, nagkatrabaho ka sa resort at sa ngayon ay sinusuportahan mo ang mga kapatid mo. Pareho lang tayo, hindi ba? Ang hindi lang pareho, yong mga pangarap natin.”

“Alin? ‘Yong maghahanap ako ng prince charming na hahango sa pagiging Cinderella ko?”

“Oo,” diretso nitong tugon.

Ewan kung bakit, parang gusto niyang mapahiya.

“W-well, bahagi lang naman ng ilusyon ko ‘yon. Kasi naman, may mga kuwento rin namang ganoon, di ba? Isa pa, wala naman kasi akong maisip na ibang paraan para matulungan ko ang pamilya ko sa kahirapan ng buhay.”

“Paano kung hindi mo matagpuan ang lalaking pangarap mo? Ang ibig kong sabihin, paano kung… kung mahirap lang na kagaya ko ang lumapit sa iyo?”

“J-Josh!” Biglang tila nanuyo ang lalamunan niya.

“Basted na ba ako agad?”

Oh my God! Nataranta si Jean at hindi makahagilap ng sasabihin. Basta nakatitig lang siya sa mukha nito.

“Sabagay, bakit ba ako aasa na pumasa sa iyo?” Inalis nito ang pagkakaakbay sa kanya. “Hanggang ngayon, ganito pa rin ako. Samantalang ikaw, nakatapos ka ng pag-aaral. May pag-asa ka kahit paano na matupad ang pangarap mo. Samantalang ako –”

“J-Josh, please, huwag ka na munang magsalita.” Pinisil niya ang palad nito. “B-birthday mo, hindi ba? A-ayokong masira ang gabi mo.”

Napabuntong-hininga na lang ito.

“Sorry, hindi ko mapigilan.”

Ilang sandaling namagitan ang katahimikan sa kanila.

“Josh…”

“Hmm…?”

“G-gusto mo bang sabihin ay… nililigawan mo ako?”

Napalingon ito sa kanya.

“Bakit? Hindi pa ba halata?” walang kangiti-ngiting tanong nito.

“A-akala ko kasi’y ginagawa mo lang halimbawa ang –”

“Ito ang hindi halimbawa, Jean.” Pagkawika niyon, biglang kumabig ang braso nito sa batok niya, kasunod niyon ay naglapat ang mga labi nila.

Nanlalaki ang mga matang napatitig sa bilog na buwan si Jean. Oo nga at liberated siya, pero never pa siyang nahalikan ng lalaki.

At bakit nga hindi, wala pa talagang lalaki ang nakakapasa sa mataas na standard niya sa pipiliing hahalik sa kanya.

Pero si Josh, ang lakas ng loob nito, ni walang pahintulot, ni walang paalam…

Naramdaman niyang napapapikit ang kanyang mga mata.

Gusto niya ang init na nagmumula sa mga labi nito, lalong gusto niya ang mga kiliting nabubuhay sa kanyang mga ugat dahil sa mabining paggalaw ng mga labi nito sa bibig niya.

Ilang sandali, iyong pakiramdam na nalalasing ang kanyang diwa dahil sa pangahas na paghalik na nito sa mga labi niya ay damang-dama niya.

“Jean…” bigkas nito nang saglit na tumigil sa ginagawa at matiim na tumitig sa kanyang mukha. “Kung nagagalit ka sa ginawa ko, sampalin mo ako. Hindi ako magagalit. Pero kung hindi, please, ipadama mo sa akin.” Pagkawika niyon ay muli nitong inilapit ang mukha sa mukha niya, pagkuwa’y muling naging pangahas ang mga labi.

Napapansin Mo Kaya?Where stories live. Discover now