Kabanata 7

10 0 0
                                    

"PERO bakit?” maang na tanong ni Francis habang kapwa sila nakasilip sa siwang ng venetian blind. Si Marco ay nakaupo sa swivel chair.

Naroon sila ni Josh sa opisina ng una at nag-iinuman.

“Wala lang. I just want to teach her a lesson, hindi ba? Gusto kong malaman niya na hindi natuturuan ang puso na huwag magmahal sa maling tao.” Madilim ang mukha ni Josh habang nakatanaw kay Jean na papasok na sa quraters ng mga empleyado ng resort.

“We already know that. Pero bakit pati sarili mo ay tinitikis mo?” wika ni Marco na tumayo na rin.

“Come again?” kunot-noong tanong ng binata.

“Gusto mo rin siya, hindi ba?”

“Oo. Kaya nga napagtuunan ko siya ng pansin, eh. But it doesn’t mean na sisirain ko na rin ang patakaran ko na no commitments involve. Isa pa, sinabi ko na naman sa inyo na hindi ko naman siya iisahan. Hindi ko sisirain ang pagkababae niya.”

"Joshua Fuentebella, ang labo mo rin. Gusto mo siyang bigyan ng leksiyon na matuklasan niyang hindi natuturuan ang puso na magmahal sa maling tao, and yet, mas ikaw yata ang dapat turuan ng leksiyon dahil sa nakagawian mong pangwawasak ng puso ng may puso.”

“Marco, wala akong winawasak na puso. My women come and go, pero alam nila kung saan sila nakatayo sa buhay ko. And they’ll go for it.”

“At si Jean, alam ba niya kung saan siya nakatayo sa buhay mo? Hindi ba’t pinaasa mo siya, pinaringgan ng matatamis na salita, ng mga kuwentong nagpalusaw sa kanyang puso? Isa iyong panlilinlang, Joshua,” sabat ni Francis.

Natigilan ang binata.

“Yeah, maybe. Kailangan kasi, eh.”

Napailing na lang si Marco.

“Alam mo, parang nakikini-kinita ko na ang mangyayari sa iyo kapag nakauwi ka na sa condo unit mo sa Makati.”

“Ano ‘yon?”

"Sleepless night, habang nakaupo ka sa sofa at umiinom. O, kaya naman, nakatayo ka sa terrace mo at nakatanaw pagawi rito sa isla. And you know why? Because you miss her terribly.”

Natigilan si Joshua.

“At bakit mo naman nasabi ‘yan?”

“Dahil hindi kayang pasinungalingan ng mga labi mo ang sinasabi ng kislap ng mga mata mo sa tuwing tititigan mo siya, Joshua. You love her.”

“No. Ang pagtitig ko sa kanya ay bahagi lang nang pang-aakit ko sa kanya.”

“Really? Bahagi pa rin nang pang-aakit mo ang nababasa kong kislap ng mga mata mo ngayon habang tinatanaw siya?”

“Francis!”

“It takes one to know one, Pinsan. Ganyan din kung titigan namin ni Marco sina Aira at Maria Isabel.”

Natawa nang pagak si Joshua.

“At kailan pa kayo naging psychologist na may karapatang magbigay ng kahulugan sa titig ng isang tao?” natatawang tanong ng binata bagama’t naging mailap ang mga mata nito.

“Mula nang magmahal kami.”

Hindi nakakibo si Joshua.

MALAKAS ang ugong ng makina ng chopper habang umiikot ang elise niyon. May mga guest nang nagsasakayan habang ang ilan ay namimili pa ng mga native products na nilalako ng ilang kababaihan.

Bahagyang nakaawang ang bibig ni Jean habang natatanaw niyang humahakbang patungo sa chopper si Josh, bitbit ang isang bag na marahil ay damit ang mga laman.

Napapansin Mo Kaya?Where stories live. Discover now