"Oh, anak!" Ginagap ng ina ang kamay niya. Hindi siya iniwan ng pinsan hangga't hindi dumarating ang mommy niya dahil hindi nito gustong mag-isa siya. Nagtaka ito lalo pa at nadatnan nitong namamaga pa ang mga mata niya.
Wala nga siyang choice kung hindi sabihin dito ang totoo. Tulad ni Fibby kanina ay galit na galit din ito. Pinagsisisihan nito na botong-boto ito sa lalaki. Pero pagkatapos nitong mapayapa ay kinomfort siya ng ina.
"Hindi ko inakalang magagawa sa'yo ito ni Michael. I trusted him." Wika muli ng ina sa pananahimik niya saka ito bumuntunghininga. "Magpapalabas na ako ng announcement na hindi na matutuloy ang kasal mo. At sisiguraduhin ko rin na wala nang gallery na magfe-feature sa mga gawa ng lalaking iyon."
Hindi siya sumagot sa narinig sa ina. Kung siya si Michael, dapat ay kinakabahan na ito. Nagkamali si Michael ng kinalaban. Ang mommy niya ay ang modern version ni Gabriela Silang o ni Joan of Arc.
Daddy lang niya ang kinakatakutan nito.
"Nagkamali si Michael sa ginawa niyang panloloko sa unica hija ko." Niyakap siya ng ina at ginantihan niya iyon ng mas mahigpit na yakap. Parang tigre sa iba ang mommy niya pero daig pa nito ang maamong tupa sa kanilang dalawa ni Fibby.
Ipaglalaban sila nito ng patayan. At hindi ito papayag na maagrabyado sila. Kaya alam niyang tiyak na mananagot dito si Michael. Siya naman ang huminga ng malalim. Hindi na niya gusto pa itong isipin, makita o magkaroon ng anumang kaugnayan dito.
Bahagya siyang lumayo sa ina at tinitigan ito. "Mom, I'll leave for a while."
Nagulat ang ina sa sinabi niya. "Saan ka pupunta?"
Tipid siyang ngumiti. "Magbabakasyon lang, mga isang buwan. Wala namang pasok."
Hinaplos ng ina ang buhok niya. "Yeah, do that. Makakabuti sa'yong magbakasyon muna. Mabuti na lang at kakatapos lang ng pasukan. Ako na ang bahala dito."
Muli siyang yumakap sa ina. Siya na ang pinakamaswerteng anak sa buong mundo dahil nagkaroon siya ng inang katulad ni Dra. Fernanda Molina. The best mother in town.
Umupo siya sa McDonalds pagka-order niya ng pagkain saka inilibot ang paningin sa mga taong parito't paroon sa bahaging iyon ng LCCT o Low Cost Carrier Terminal ng Kuala Lumpur International Airport.
Nagkamali siya ng nakuhang flight kaya madaling araw siya dumating sa Malaysia. Kaya eto at tengga siya sa terminal. Naghihintay kasi siya ng SkyBus na byabyahe papuntang KL Sentral. Kinuha niya ang phone at i-n-on iyon.
May text ang mommy niya na may emergency operation itong gagawin at baka umaga na siya matawagan. Habang si Fibby naman ay may bilin na tumawag siya paglapag ng eroplano sa Malaysia.
Nagtext siya dito. Maya-maya'y tumunog na ang phone niya.
"Ubod ka talaga ng kuripot! Hindi mo na lang ipacharge sa mommy mo ang international calls mo!" Bungad agad sa kaniya ng pinsan.
"Oh! Hello to you too!" Natatawa niyang wika. "Hindi ko alam kung bakit hindi ka na nasanay sa pagiging praktikal ko."
"Ewan ko sa'yo," tumawa din ito. "So, kamusta? Hula ko nasa LCCT ka. Don't tell me na magpapalipas ka ng oras diyan? Bakit hindi ka kasi nagPAL? Bakit hindi ka kumuha ng rent-a-car o magtaxi kaya?"
"Uy! Ang haba na ng monologue mo!" Natatawa niyang saway dito. Hindi na yata nawala sa sistema niya ang pagiging matipid. Iyon kasi ang nakalakihan niya sa mommy niya. Galing kasi ito sa mahirap na pamilya.
Dahil sa pagsisikap nitong makapag-aral, nakatapos ito at naging sikat na doctor. Ipinanganak siyang may gintong kutsara sa bibig pero hindi siya namuhay sa luho.
BINABASA MO ANG
Moises' Miracle (Published under Precious Hearts Romances)
Romance"You're life itself, Hannah. Para kang isang napakaningning na bituin na nagbibigay-liwanag sa daigdig ko." Ikakasal na si Hannah sa kanyang fiancé na si Michael. Pero hindi natuloy ang kasal dahil nalaman niyang pinaglalaruan lang siya ni Michael...