CHAPTER 8: The Sweetest "Hi"

4.9K 162 12
                                    


KASALUKUYAN akong nasa Vetaps. Tapos na ang final exam namin kaya maaari na akong maglamiyerda muna bago umuwi ng bahay. May date sina Gregory at Miss Cunanan kaya parang hinahabol ng ipo-ipo ang beki kanina. Ni hindi na nga nakapagpaalam sa akin. Nagmamadali sa pag-uwi dahil magpapapogi pa raw. Masaya ako para kay Gregory dahil nahanap na niya ang kaligayahan. Hindi pa man siya straight sa kilos at pagsasalita, pero ang puso at isip niya straight na straight na kay Miss Cunanan.
Ako na lang talaga ang malungkot. Hindi ko na kasi nakita si Sir Patrick. Kahit abot-continent ang kaligayahan ko noong huli kaming mag-usap, ganoon din kalawak ang naging kapalit na lungkot dahil hindi ko na siya nakita o nabalitaan man lang.
Gabi-gabi umiiyak ako tuwing bago matulog dahil sa sobrang pagka-miss kay Sir Patrick. Ang hirap. Sobrang hirap pala talaga na kalaban ang lungkot at pagka-miss sa isang tao na napakahalaga sa iyo. Sobrang hirap pagdaanan ang panghihinayang na hindi mo na siya makita o marinig.
Minsan tuloy, kapag ramdam na ramdam ko ang sakit ng pangungulila kay Sir Patrick, napapa-wish ako na sana hindi ko na lang siya nakilala. Sana hindi na ako nagkagusto sa kanya. Sana nalipat na lang sa iba ang feelings ko. Sa iba na gaya ni Domino.
Kung si Domino ang nagustuhan ko, panigurado, hindi ko na poproblemahin ang Math kahit kailan. Kung si Gab naman ang minahal ko, sa lakas ng sense of humor ng isang iyon, tiyak hindi ako makakaramdam ng lungkot kahit maproblema ang mga magulang ko.
Pero sabi nga ni Gregory at ng marami pang iba, hindi raw natuturuan ang puso. Nakasulat na raw sa kapalaran ng isang tao, bago pa man siya ipanganak, kung sino ang lalaki o babaeng mamahalin niya. Na madalas, sa unang tingin pa lang, gaya noong nangyari sa akin nang una kong Makita si Sir Patrick, bull's eye na ni Kupido ang puso para sa taong mamahalin.
May isang paulit-ulit na eksena sa utak ko. Ang huli naming pag-uusap ni Sir Patrick. Noong sabihin niya na kung hindi na magbabago ang feelings ko sa kanya, napakapalad niya raw. If I will read from it too much, I would say that the feeling is mutual. Pero kung magpe-play safe naman ako, masasabi ko na gentleman lang talaga si Sir Patrick. Na ayaw niyang mamahiya ng babae na nagkakagusto sa kanya.
Pero bakit sinabi niya ang linyang: "Magkikita pa tayo, Ayeth. Sinisiguro ko iyan sa iyo. At huwag mong iisipin na pag-alis ko brokenhearted ka na. Hindi mangyayari iyon," kung wala talaga siyang feelings sa akin? Parang ina-assure niya ako na hindi ako magkakaroon ng heartbreak na siya ang dahilan. So ibig sabihin, hindi ako mabibigo sa pagmamahal niya? Puwede rin naman na gusto niyang sabihing mawawala rin ang feelings ko sa kanya pagtagal-tagal. Kaya in the end, hindi rin ako magkaka-heart break na siya ang dahilan. Ganoon nga ba iyon?
Hay, ewan! Isa lang ang sigurado. Sigurado ako sa sarili ko na hinding-hindi mawawala ang feelings ko kay Sir Patrick.
May mga pagkakataon na ibinabaon ko na lang ang ulo ko sa unan kapag napapagod na ako sa pag-a-analyze. Gustung-gusto kong malaman kung may feelings din sa akin si Sir Patrick. Pero kung negative pala ang feelings niya, kung wala pala talaga siyang gusto sa akin kahit kaunti, baka maging miserable ang pakiramdam ko. Baka gabi-gabing mababasa ng luha ang unan ko. Malamang bumaba ang grades ko at mawalan ako ng ganang mag-aral. Na hindi dapat mangyari. Alam ko iyon.
May commitment ako sa parents ko. Pagbubutihin ko ang pag-aaral kahit na ano pa ang mangyari. Kahit pinuproblema ko rin ang problema nilang dalawa.
Nakapili na ako ng magandang stationary sa shelf na madalas kong puntahan tuwing nasa Vetaps ako nang paglipat ko sa kabilang shelf ay may nakita akong stationary na nakasama sa mga folders. Baka may pumili niyon at nagbago ng isip kaya iniwan na lang sa ibang shelf. Mas maganda iyon kaysa sa napili ko. May naka-super imposed na malabong picture ng isang lalaking nakasakay sa kabayo habang nakatingala sa kanya ang isang magandang babae.
Naisip ko agad si Sir Patrick. Sa ngayon, para lang akong kagaya ng babaeng nakatingala sa lalaking nakasakay sa kabayo. Hindi puwedeng maabot. Hindi ko siya puwedeng makasama. Nakaramdam na naman ako ng lungkot, ng pagka-miss sa love-of-my-life ko.
Dinampot ko ang stationary. Pagpihit ko papunta sa cashier ay nagulat ako. To say that I was shocked was an understatement. Sabay na nasorpresa at na-shock ako pagkakita sa nakangiting si Sir Patrick. Ang bilis ng pintig ng puso ko. Dinig na dinig ko sa sobrang lakas. Bigla akong naghabol ng hininga na parang galing ako sa race track at tumakbo ng ilang kilometro. Ang ngiti pa sa akin ni Sir Patrick ay ngiti na nagsasabi na sobra-sobra siyang natuwa na makita ako.
"Hi, Ayeth."
Gosh! The sweetest 'hi' I've ever heard. "H-Hi, Sir Patrick."

To Sir, With Love (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon