Chapter 12: "Love Versus Age Gap

5.2K 162 0
                                    

WALANG kahit na anong account sa social media si Patrick. Ayaw niya. Napakaabalang tao daw niya para mag-involve pa sa social media. Sayang lang daw ang oras niya. Gugugulin na lang daw niya ang libreng oras sa mga kapaki-pakinabang na bagay. I guess, isa ito sa mga disadvantage ng isang couple na may malaking age gap – pagkakaiba ng mga interes. Pero tanggap ko iyon.

Sa email na lang kami nagko-communicate. Ayaw din niya na mag-usap kami sa phone. Mas mabuti raw na hindi ko alam ang cell phone number niya para hindi ako ma-tempt na i-text siya at tawagan. Hindi daw ako makakapag-concentrate sa pag-aaral. Alam naman niya ang cell phone number ko. Pero wala ding silbi. Kahit isang beses, hindi pa niya sinubukan na tawagan ako.

Parang nakakasama lang ng loob. Para ano pa at may understanding na kami kung kahit sa phone hindi kami makapag-usap? Lagi niyang sinasabi sa akin na baka makasira lang ng pag-aaral ko. Pero dahil ayokong mag-away kami sa ganoon lang kawalang kuwentang bagay, hinahayaan ko na lang. At least araw-araw nababasa ko ang email niya, at nasusulatan ko din siya.

“Girl, ano ‘to?” Si Gregory, nakataas pa ang isang kilay at ipinapakita ang picture sa cell phone niya na kapo-post ko.

“Birthday gift sa akin.”

“Alam ko. Itong name na ‘Ayrick,’ ano ‘to? Bakit Ayrick ang ipinangalan mo sa sculpture na ito?”

“Gusto ko lang.” Nag-iingat na akong mag-reveal ng sikreto kay Gregory. Nadala na ako sa video na naging dahilan kaya nawala sa BPSU ang mahal ko.

“Gano’n lang ba talaga?”

I just smiled mysteriously. Bahala ang beki na ito kung ano ang isipin niya. Basta kami ni Patrick, may understanding na.

“Oy, Ayeth, kung hindi ka pa rin nakaka-get over d’yan kay Sir Patrick, gumising ka na ngayon. Anong malay mo kung may girlfriend na siya ngayon doon sa Quezon? O, eh di masasaktan ka na naman. Payong kaibigan, mag-move on ka na, girl.”

Tinapik ko siya sa balikat. “Chill ka lang d’yan.”

Pag-uwi ko sa amin, kulang na lang na magtatalon ako nang makita ko si Patrick sa terrace namin, kausap ang mommy ko. Hinarap ko agad siya pagkatapos kong magmano kay Mommy. Ibinigay ko kay Patrick ang sweetest smile ko. “Nagkakilala na pala kayo ni Mommy. Kanina ka pa?”

“Medyo.”

“Mommy, this is Professor P-”

“Alam ko. Kilala ko na siya. Sige mag-usap muna kayo.” Seryoso ang facial expression ni Mommy. Hindi man lang siya ngumingiti. “Maiwan ko muna kayo.”

“Patrick, may problema ba? Tinarayan ka ba ni Mommy?” Hinawakan ko ang mga kamay ni Patrick at pilit na binasa ang mga mata niya. Seryoso din siya. Sigurado ako na may mga sinabi sa kanya si Mommy na hindi maganda.

“Tama naman siya. Nag-aaral ka pa. Hindi mo kailangan ng commitment sa panahon na ito. Ako ang mas matanda sa atin, ako dapat ang mas nakakaalam noon. Dapat sa simula pa lang, kinontrol ko na ‘to.”

Nanlumo ako, sandaling na-disorient. Ang alam ko lang kailangan kong ipaglaban ang nasa akin na. “Pero kailangan ko ng inspirasyon. At ikaw ‘yon, Patrick. Ikaw ang nagbibigay ng gana sa akin para mag-aral na mabuti. Kung hindi naiintindihan iyon ni Mommy, ako na lang ang magpapaliwanag sa kanya. Basta walang magbabago sa atin, ha? Gaya pa rin ng dati. Hindi tayo hihinto na makipag-communicate sa isa’t isa.”

“Ayeth, naisip ko rin na hindi ito tama. Maraming mali sa atin. Mali ang panahon. Mali ang pagkakataon, at magkalayo tayo. Malayo ang agwat natin. Walong taon. Hindi mo ba naiisip? Factors ang mga iyon para hindi mag-succeed kung ano ang meron tayo ngayon.”

Hindi ako makapaniwala na ganito lang kahina ang paninindigan niya sa relasyon namin. “Mahal mo ba ako?”

Hindi siya makasagot. Ilang seconds kong hinintay na magsalita siya pero nakabilang na ako ng dalawampu pero hindi man lang siya umimik. At napakasakit sa akin no’n. Pakiramdam ko dinukot ang puso ko ng mga oras na iyon. Dinukot at isa-isang hinila ang bawat hibla ng laman.

To Sir, With Love (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon