-1-

2.1K 18 0
                                    

"Mukhang kumita ka ng malaki ngayon ah, Tisoy?"

Matipid na napangiti lang si Claud nang masalubong niya ang matandang kapitbahay na si Manang Azon. Kagagaling lang niya sa talyer ni Mang Marl kung saan siya umeextra tuwing weekend bilang mekaniko. Kapag umuuwi siya ay hindi na bago sa kaniya ang batiin siya ng mga kapitbahay nila. Dahil sa hitsura at tangkad niya na namana niya sa half American-half Arabian niyang ama ay parang instant celebrity ang turing sa kaniya ng mga taga roon sa kanila.

May ibang babae pa nga ang nagpupunta sa bahay nila para lang manuyo sa kaniya. Sa bagay na iyon ay hindi natutuwa ang kaniyang ina. Dahil kilala nito ang mga magulang ng mga babaeng nagpupunta sa kanila ay ang nanay na lang niya ang nahihiya na pagsabihan ang mga ito.

"Kuya!" mula sa paglalaro sa labas ng eskinita ay excited na sumalubong sa kaniya ang sampung gulang na kapatid niyang si Jok.

"Naglaro ka naman dito sa labas, 'di ba nga ang sabi ko sa'yo kapag walang pasok ay sa bahay lang dapat at mag aral?" paalala niya at ginulo ang buhok nito.

Agad na napanguso ang kapatid niya. "Pero kuya Tisoy hindi naman ako katulad mo na matalino at magaling mag aral."

"Noong ganiyang edad mo ay hindi na paglalaro ang inaatupag ko. Tumutulong na ako kay nanay na maglako ng kakanin sa munisipyo." natatawang sabi pa niya. Dahil nagsipag alisan na ang mga kalaro ni Jok ay sumabay na ito sa kaniya na umuwi. Nakaakbay siya dito habang naglalakad sila sa loob ng maliit na eskinita. Sa bandang looban pa kasi ang bahay nila.

"Kuya, ano nga pala 'yan dala mo?"

"Ah, ito?" aniya at bahagyang itinaas ang bitbit na supot ng pagkain. "Palabok, binili ko lang sa tindahan malapit sa talyer nila Mang Marl."

Tuwing linggo ng hapon ang araw ng sweldo niya. Half day lang naman ang pasok niya kapag linggo kaya bumili na siya ng merienda nila. Mamaya pagkauwi niya ay magpapahinga lang siya saglit at maglalaba ng mga damit niya. Pagkatapos niyon ay kailangan pa niyang magreview dahil may exam pa siya kinabukasan.

"Naku, hindi ka na sana bumili pa kuya."

"At bakit?" nagtatakang tanong ni Claud.

"Si ate Marla dumating kanina-"

"Si Marla?"

"Oo kuya, naglinis lang naman siya ng bahay natin at ipinagluto pa tayo ng masarap na pancake para sa merienda." pagyayabang ni Joke.

Eng? napakamot siya sa batok.

"At hindi siya pinigilan ni nanay?" nakangiwing tanong niya.
"Pinigilan naman, pero ayaw magpaawat ng suitor mo kuya, at saka may utang si nanay kay Aling Cho, kaya nahiya naman siyang itaboy si ate Marla."

Si Aling Cho ay nanay ni Marla. Kilala ito sa lugar nila dahil sa negosyo nitong 5'6. Sa tuwing kinakapos sila sa pera ay dito madalas na nangungutang ang nanay niya.

"Kaya pala," napapalatak siya. Dapat ba niyang ikatuwa na kahit naghihirap ang pamilya niya ay bumabaha naman ng mga pagkain sa bahay nila na mula pa sa mga babaeng gustong manuyo sa kaniya.

"Iba rin kasi ang dating mo kuya eh, gwapo na ay matalino pa. At saka dito sa lugar natin ay ikaw lang ang matinong binata kaya halos lahat ng mga nanay ay gusto ka ng ireto sa mga anak nila."

"Tumigil ka nga," natatawang saway niya kay Jok.

"Pero totoo naman 'eh,"

"Oo na lang," muli ay ginulo niya ang buhok nito.

Sa isang banda ay tama naman ang sinabi ng kapatid niya. Sa isang maliit na baranggay sa bayan ng Laguna naninirahan ang pamilya nila. Napakasimple lang ng buhay na mayroon sila. Ang kaniyang inang si Luz ay isang beautician sa lugar nila. Mayroon siyang tatlong kapatid na kagaya niya ay puro mga lalaki rin. Anak siya sa pagkadalaga ng kaniyang ina.

BLOSSOM IN MY HEART BY BETHANY SYTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon