TAHIMIK na pumasok sa loob ng bahay nila si Barbara– o Barbie sa mga kakilala niya – kasunod ang kaibigang si Mimi.
"Best pren, kausapin mo na naman ako. Sorry na. Hindi ko na kukunin yung share ko, mapatawad mo lang ako." anito sa kanya.
Hindi pa din niya ito pinansin.
"Anak, kamusta? Panalo ba kayo?" tanong ng Nanay niyang nabungaran nilang nakaupo sa maliit na sala nila.
Maliit lamang ang bahay na inuupahan nilang mag-ina kaya naman ang sala, kainan, kusina at tulugan ay halos magkakasama na. May divider naman ang bawat parte niyon pero mas lalong nagmukhang maliit ang tinutuluyan nila. Ang Nanay na lamang niya ang kasama niya sa buhay dahil limang taon na ang nakakaraan ng namatay ang kanyang ama sa sakit na tuberculosis. Nasa ikatlong taon na siya noon sa kolehiyo pero kinailangan niyang tumigil dahil hindi kakayanin ng kanyang ina ang lahat gastusin.
Akala niya noong una ay mabilis siyang makakaipon upang makapag-aral muli ngunit tuwing nakakaipon siya ng kaunti ay saka naman siya nawawalan ng trabaho. Beinte-singko anyos na siya pero hindi pa din siya nawawalan ng pag-asang matatapos pa niya ang kurso niyang BS Psychology. Kaya nga halos lahat ng pa-contest sa telebisyon ay sinasalihan niya, mapa-kapamilya, kapuso o kapatid man. Kanina nga ay kasali sila ng kaibigan niyang si Mimi sa Pinoy Henyo ng Eat Bulaga.
"Talo po kami, Nay." malungkot na balita niya sa ina.
"Barbie, sorry na. Sayo na lang yung five thousand. Huwag ka nang magalit." pangongonsola pa ng talipandas niyang kaibigan.
Binato niya ito ng unan na hawak ng kanyang ina ngunit mabilis nitong naiwasan ang atake niya, magaling makaamoy ng panganib ang lukaret.
"Hah! At umaasa ka pa talagang hahatian kita?!" asar na sabi niya at pinanlakihan niya ito ng mata.
"Hindi. Pasensiya na, na-mental block kasi ako."
"Namental block naman pala si Mimi, anak, patawarin mo na ang kaibigan mo. Hayaan mo na, baka sa susunod manalo na kayo." pagtatanggol pa ng kanyang ina sa kaibigan niya.
"Nay! Paano mame-mental block ang isang yan? Eh, oo, hindi at pwede lang naman ang isinasagot niya. Ako kaya ang nakaupo sa henyo seat?" aniya at pinanlakihan ng mata ang ina. "Ang ayos ayos nung nagpa-practice kami at nakapasok pa nga kami nung nag-audition kami. Nangitian lang yan ni Bossing kanina tapos kung ano-ano na ang isinagot sa akin! Tao yung kategorya namin pero umo-o yan sa hayop kaya nagkaletse-letse na!" nanggigigil na dagdag pa niya at sumalampak ng upo sa sahig. "Hayop na buhay ito, pera na naging bato pa. Dapat sa isang yang dinadala sa mental." bulong pa niya.
"Hoy! Rinig ko iyon ha. Eh, kasi naman Nanay Len, sobrang fan talaga ako ni Bossing. Kaya sa sobrang kaba ko, hindi ko na naintindihan yung mga sinasabi ni Barbie kanina." paliwanag ni Mimi.
Naiiling na napatawa na lamang ang kanyang ina. "Wala na tayong magagawa, nandiyan na iyan. Magbati na kayong dalawa at ako'y pupunta muna kina Aling Sion dahil may ipinapaluto sa akin." paalam nito sa kanila.
Magaling magluto ang kanyang ina kaya naman marami sa lugar nila ang nagpapaluto dito. Kahit anong pigil niyang magtrabaho pa ito ay tinatanggap pa din iyon ng Nanay niya sapagkat pandagdag na din daw nila ang kikitain nito sa mga gastusin.
"Sige po, Nay. Huwag po kayong magpapakapagod doon." pahabol na bilin pa niya.
Nang wala na ang kanyang ina ay nilapitan siya ni Mimi at sumalampak na din ng upo sa tabi niya. Kinuha niya ang pera sa bulsa at iniabot dito ang kalahati ng napanalunan nila.
BINABASA MO ANG
Jackpot In Love (Published under PHR)
RomanceDahil kinailangan ni Barbie na saklolohan si Hero nang unang beses niyang makita ito sa mall, nawala sa kanya ang lotto ticket niya-at nanalo pa naman ang mga numerong tinayaan niya. Gusto niyang mabalik sa kanya ang ticket dahil iyon ang babago sa...