CHAPTER SEVEN

7.7K 127 8
                                    


NAPIPIKON na si Barbie sa mga iniaasta ni Hero. Tatlong linggo na ang nakakaraan mula ng magtrabaho siya bilang personal secretary nito at magpanggap sa harapan ng mga tiyahin nito bilang nobya slash fiancée nito. Nagawa na niyang isa-isahin ang profile ng mga babaeng nakalagay sa folder na ibinigay nito sa kanya. Pero hanggang ngayon ay wala pa din itong idine-date kahit isa sa mga babaeng sa tingin niya ay nababagay naman dito.

Palagi itong may reklamo sa pobreng babae na nasa listahan na ibinigay nito. Na kesyo, masyado daw iyong maputi, pero kapag naman morena yung isina-suggest niya ay hindi daw nito gustong maging negro ang magiging anak nito. Nang makahanap siya ng hindi gaanong maputi at hindi din naman kayungmaggi ay humanap na naman ito ng ibang dahilan. Ayaw daw nito sa matatangkad na babae. Sinabi pa nito iyon sa kanya habang nakatitig ng matiim sa kanya at ngali-ngaliin na niyang ihambalos sa mukha nito ang hawak na folder.

Sino bang babae ang nababagay sa isang prinsepeng tulad nito? Ikaw? singit na tanong ng konsensiya niya. Hindi siya matangkad tulad ng gusto nito pero maputi siya na ayaw nito sa babae. Napakurap sya sa itinatakbo ng isip niya. Papaanong napasali siya doon? Dahil gusto mo siya! Tinampal niya ng bahagya ang pisngi niya na para bang ginigising ang sarili. Kaya niya minamadali ang paghahanap ng babaeng maaari nitong maging asawa ay dahil sa nararamdaman niya para sa binata. Dahil wala itong magustuhan sa mga babaeng sinasabi niya ay siya palagi ang nakakasama nito.

Sino bang babae ang hindi magugustuhan ang isang lalaking tulad ni Hero. Napaka maaalalahanin nito pagdating sa kanya. Binibigyan siya nito ng mga bagay na hindi naman niya hinihingi dito. Dumadalaw din ito sa bahay nila at nagdadala ng mga groceries para sa kanyang ina at pati na din sa kaibigan niyang si Mimi. Nakuha agad ni Hero ang loob ng mga ito, ano pa kaya ang sa kanya na palagi itong kasama? Ginugulo nito ang maayos na niyang plano sa buhay. Wala sa mga iyon ang nararamdaman niya para sa binata. Ang nagpapagulo pa sa isip niya ay kung gusto din ba siya ng binata o mabait lamang ito sa kanya dahil tinutulungan niya ito sa problema nito.

Alam niyang sila ang pinag-uusapan sa Trendy kaya naman madalas na tinutukso siya ng mga kasamahan kahit pauli-ulit na niyang itinangging may kung anong romantikong namamagitan sa kanila ni Hero. Kahit maingat sila kaya walang nakakaalam na iisang bahay ang inuuwian nila ng binata, wala namang palya ang boss nila sa pagbibigay ng pag-uusapan ng mga ito dahil palagi itong gumagawa ng eksena kapag kasama siya.

"Tricia, kahit minsan ba, walang dumadalaw na babae dito kay Sir Hero?" curious na tanong niya dito.

Malapit na ang oras ng uwian kaya naman nag-aayos na lamang ito ng mga gamit. Napatigil ito sa ginagawa at napaisip sa tanong niya.

"Wala pa kasi ako noong nag-start si Sir Hero dito sa Trendy, pero ang balita ko, noong unang taon niya, madaming babaeng nagpupunta at tumatawag dito. Siyempre, dahil sa gwapo na si Sir Hero, mayaman pa." nakangising kwento nito. "Pero nung ako na ang naging sekretarya niya, mabibilang na lang sa isang kamay ang nag-iimbita sa kanyang makipag-date. Siguro dahil hindi nga niya pinagbibigyan yung mga babaeng yun at naka-focus siya sa kung papaano pa mapapalago ang Trendy."

"Baka naman itinatago lang niya sa inyo na nakikipag-date siya." nagdududa pa din niyang tanong.

"Sabagay, hindi ko nga alam kapag nasa labas na siya, pero kapag kasi may tumatawag sa kanyang babae dito, madalas pinagtataguan niya. Kaya nanatili siyang pantasya ng mga kababaihan dito sa opisina." tila nangangarap pa nitong kwento at pagkatapos ay tinitigan siya ng matiim. "Teka, bakit ka ba tanong ng tanong tungkol sa love life ni Sir Hero?"

"Wala, wala, na-curious lang ako bigla." mabilis niyang sagot sabay iwas ng tingin.

Hindi niya pwedeng sabihin dito ang totoo na kaya niya inaalam ang mga ganoong bagay ay dahil siya ang naghahanap ng babaeng mapapangasawa ng amo nila. Yun nga lang ba ang dahilan? Apela ng isang bahagi ng utak niya.

Jackpot In Love (Published under PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon