LUNCH break na at kumakalam na ang tiyan ni Barbie, pero mukhang walang balak kumain ang amo niya pati na din si Tricia.
Tricia, anong oras ba ang lunch break dito? Alas-dos?" tanong niya sa dalagang nakatuon ang pansin sa ginagawa at nakalimutan na yata ang oras.
"Ha? Naku, pasensiya na. Nakalimutan kong sabihin sayo na pinasasabi nga pala ni Sir Hero na kumain na daw tayong magkasama."
"Kelan niya sinabi?" nagtatakang tanong niya, hindi naman niya narinig na nakausap nito ang binata kanina.
"Kanina nung nasa banyo ka."
"Teka, hindi ba kakain si Sir?" tanong pa niya.
"Nagpapa-deliver lang siya ng pagkain kapag nagutom na siya, ganun siya ka-workaholic. Teka lang at papatayin ko muna itong computer para makakain na tayo." sabi pa nito.
Nang makarating sila sa ground floor ay tinanong siya nito kung saan niya gustong kumain.
"Okay lang sa akin, kahit saan. Matanong ko lang, di ba may mga sekretarya din sina Tita–, I mean, yung mga tiyahin ni Sir Hero? Bakit parang si Sir lang at ikaw ang palaging nasa floor na iyon?" nagatatakang tanong niya.
"Kasama nga namin sa floor na iyon ang Tres Marias, yung mga tiyahin ni Sir Hero, pati na yung mga sekretarya nila. Kaso, si Sir Hero lang ang palagi dito sa main branch. At kung nasaan yung mga tiyahin niya, kasama nila yung mga sekretarya nila. Buti nga at may kasama na ko ngayon." nakangiting paliwanag nito sa kanya.
"Ah, ganun pala."
"Sa tapat na lamang tayo kumain, doon ako palaging kumakain kasama yung isa ko pang friend na si Sofia, sa accounting department siya." anito at iginiya na siya sa isang restaurant na mukhang puno na.
"Makakain pa ba tayo dito? Mukhang wala nang bakanteng lamesa ah." aniya dito.
"Hindi, meron pa iyan, sandali lang." sagot nito at iginala ang paningin sa mga taong naroroon. Nang may namukhaan ito doon ay hinigit na siya nito sa isang table na iisang babae lamang ang kumakain.
"Sofia, pa-share kami ha? Kasya pa naman tayo." sabi ni Tricia.
"Sure, kanina pa nga kita inaantay, ang tagal mo, kaya kumain na ako. Sino siya?" tanong nito kay Tricia na siya ang tinutukoy.
"Ah, bagong personal secretary ni Sir Hero. Waiter! O-order kami." sagot nito sa babaeng nagngangalang Sofia bago binalingan ang nagdaang waiter.
"Oh, my! Ikaw yung babaeng pinag-uusapan ngayon sa buong opisina." nanlalaki ang matang sabi ni Sofia. Dahil sa lakas ng boses nito ay nakaagaw na sila ng atensyon ng mga kumakain doon na pawang mga empleyado din ng Trendy.
"Ha? Hindi ako yun." tanggi niya at bahagyang tinakpan ang mukha.
"Hoy! Tigilan mo nga si Barbie, lagot ka kay Sir Hero" tukso pa ni Tricia sa kanya. "Tulad na lang tayo ng order, Barbie?" tanong nito sa kanya at ng tumango siya ibinigay na nito sa waiter ang order nila.
"Sori, napalakas pala ang boses ko." hinging paumanhin ni Sofia sa kanya.
"Okay lang. Bakit, ano bang usap-usapan sa inyo?" curious na tanong niya.
"Kasi, sabi nung mga nakasabay ninyo sa elevator kanina, para daw may kakaiba kay Sir Hero ngayon. Biruin mo, sumabay siya dun sa elevator namin. Tapos nagbibiro pa daw ito sa isang babae, which is, hindi naman niya ginagawa mula ng magtrabaho siya dito hanggang sa maging Presidente na siya ng Trendy. Palagi siyang seryoso at lahat kami naiilag sa kanya kahit pa nga ang sarap niyang titigan." nakangising kwento nito sa kanila.
BINABASA MO ANG
Jackpot In Love (Published under PHR)
RomanceDahil kinailangan ni Barbie na saklolohan si Hero nang unang beses niyang makita ito sa mall, nawala sa kanya ang lotto ticket niya-at nanalo pa naman ang mga numerong tinayaan niya. Gusto niyang mabalik sa kanya ang ticket dahil iyon ang babago sa...