Hindi alam ni Hero kung bakit naisipan niyang sumunod kina Barbie sa restaurant na iyon. Ang sabi pa niya sa sarili ay gusto lang niyang makasigurado na kumakain nga ang dalaga, na nag-aalala siya kung may pera ito, na baka kulangin ang pera nitong dala at mapahiya ito kay Tricia. Sa dami ng rason na pilit niyang inirarason sa sarili ay umamin din siyang gusto niyang makasabay kumain ang dalaga kaya siya naroroon.
"You said earlier that you already have a boyfriend?" singit na tanong niya kay Barbie. Parang tumigil ang pagtibok ng puso niya sa pag-aantay ng sagot nito. Bakit ba nakalimutan niyang itanong sa dalaga ang pinaka importante tungkol sa buhay nito?
"Wala, sinabi ko lang yun para tantanan na nila ako."
"Bakit, ano bang ginawa nila sa iyo?" tanong niya na nakahinga na ng maluwag sa isinagot ni Barbie.
"Akala ng mga luka-luka, may relasyon tayo." balewalang sabi nito.
"Ah." aniya na walang maisip sabihin. Akala yata nito ay wala lang sa kanya iyon kaya naman nagpatuloy ito. Usapan na nilang walang makakaalam sa "relasyon" nila sa opisina at wala siyang balak na gawing hindi komportable ang pananatili nito doon.
"Siyempre, itinanggi ko. Kaso, bigla ka namang dumating. Siguradong laman ka na naman ng tsismisan sa kumpanya mo." sabi pa nito.
"Hayaan mo silang mag-isip ng kung ano, alam ko namang pinag-uusapan din nila ako kapag nakatalikod ako. Mabuti nga iyon, mag-iiba naman ang topic tungkol sa akin." biro pa niya. "Dadagdagan pa natin ang pag-uusapan nila dahil wala na akong ganang bumalik sa opisina ngayon at magtrabaho, saan mo gustong pumunta?" tanong niya kay Barbie.
"DITO mo ako balak dalhin?" dismayadong tanong ni Hero kay Barbie.
"Sori, na-miss ko kasi bigla ang Nanay ko, eh." hinging paumanhin ni Barbie sa kanya.
Niyaya niya ang dalaga upang makasama ito na walang mga matang nakasunod sa kanila. Akala niya ay kung saang lugar sila nito pupunta kanina. Dinala lang siya nito sa bahay ng mga ito dahil sa kagustuhang makita ang ina. Napailing siya, nautakan na naman siya nito.
"Pasensiya na, ito kasi ang unang beses na nagkahiwalay kami ng Nanay ko, kaya siyempre, hindi mo maiaalis sa akin na mag-aalala. Isinama lang kita para naman makilala ka na din niya." nakangiting sabi pa nito at niyaya na siyang lumabas ng sasakyan.
Dire-diretso itong pumasok sa isa sa mga pinto ng paupahang apartment. Namangha pa siya ng makita kung gaano kaliit ang bahay nina Barbie ng makapasok sila.
"Mother, I'm home!" ani ni Barbie sa dalawang babae na kapwa nanunood ng telebisyon sa maliit na sala.
"Barbie, akala ko ba dalawang buwan kang mawawala?" nagtatakang tanong ng may edad na babaeng sigurado niyang ina ni Barbie dahil magkamukha ang mga ito.
"Tinamad po kasi yung Boss ko na magtrabaho ngayon, kaya dumalaw na lang kami." sagot ni Barbie sa ina.
Napahiya siya sa sinabi ni Barbie tungkol sa kanya, para bang isa siyang taong palaging tinatamad sa buhay. Hindi pa nga niya nagagawang magpalakas sa ina nito pero hayun at binawasan na naman ni Barbie ang maganda niyang katangian. Gayunpaman ay nanatili siyang tahimik at nag-antay na ipakilala siya nito sa mga nandoon.
"Hoy, sino iyang itinanan mo?" tanong ng isa pang babae na sa tingin niya ay kaedad ni Barbie.
"Hindi ko iyan itinanan, Boss ko iyan kaya tigilan mo." sagot ni Barbie.
"Ahm, pasensiya na po sa abala, ako nga po pala si Hero Castillo." pakilala niya sa sarili sa Nanay ng dalaga at sa babaeng sa tingin niya ay kaibigan ni Barbie, sabay abot ng kamay sa ginang dahil mukhang nakalimutan na siya ng lukaret na sumalampak na ng higa sa sofa.
BINABASA MO ANG
Jackpot In Love (Published under PHR)
RomanceDahil kinailangan ni Barbie na saklolohan si Hero nang unang beses niyang makita ito sa mall, nawala sa kanya ang lotto ticket niya-at nanalo pa naman ang mga numerong tinayaan niya. Gusto niyang mabalik sa kanya ang ticket dahil iyon ang babago sa...