Sa Akin Ka Lang Ma-inlove

6.8K 113 0
                                    

CHAPTER 2

“UUUY! SI Ate, may flowers. May Valentine’s date ka pala. At hinatid ka pa dito, ah,” kantiyaw kay Lucy ng labingtatlong taong gulang na si Tommy, ang bunso nila, nang makauwi siya sa bahay. “Single no more ka na?”
Ginusot lang niya ang buhok ng kapatid at nilukutan ito ng ilong. Nagtuloy siya sa kusina. Gaya ng hula niya, naroon ang kanilang ina. Naglalagay ito sa oven ng cookies na ibe-bake. Lumapit siya rito at hinalikan ito sa pisngi bago abot-tainga ang ngiti na ipinakita ang bitbit niyang red rose bouquet.
Kumislap at lumaki ang magagandang mata ng momma niya. Dito niya namana ang kanyang mga mata pati na rin ang kanyang pouty lips. Niyakap siya nito nang mahigpit. Nang magkalas sila,  sumenyas ang ina na sobrang saya nito para sa kanya. Sa pamamagitan din ng senyas ay nagtanong ito kung sino ang nagbigay sa kanya ng mga bulaklak.
“Wait lang, Momma. I’ll make kuwento to you everything after mo d’yan sa oven.”
Hindi talaga pipi ang ina ni Lucy. Noong bata siya, nagisnan na niya na nagsasalita ang kanyang ina. Labing-isang taong gulang siya nang minsan isang tag-araw ay magbakasyon sila sa Tagum, ang bayan na sinilangan nito. Kasama nila si Tommy at ang ikalawa niyang kapatid na si Yul na noon ay siyam na taong gulang pa lang.
Umalis ng bahay ang mga ito bandang hapon. Hindi siya nakasama dahil naiwan siyang natutulog sa bahay ng kanyang Lola Inez. Ang Lolo Solomon at Uncle Sauro niya ang sumama sa kanyang ina at mga kapatid. Gabi na nang sunduin ng dalawang pulis at isang taga-DSWD ang Lola Inez niya. At dahil walan mapag-iiwanan sa kanya ay isinama rin siya ng matanda. Dinala sila ng mga ito sa ospital. Naroon daw ang kanyang ina at mga kapatid.
Nahimatay ang lola niya nang pagdating sa ospital ay malaman nitong magkakasama sa morgue ang bangkay ng anak nitong si Lolo Solomon, apo na si Uncle Sauro at ang kapatid niyang si Yul. Binaril daw ang kanyang biyudong lolo at tiyuhin at naging biktima naman ng ligaw na bala si Yul.
Pagkatapos ng kahindik-hindik na pangyayari, hindi na makausap ang momma niya. Tulala lang ito at hindi nagsasalita. Hindi na ito nagsalita mula noon. Mabuti pa si Tommy, dahil anim na taon pa lang noon ay madaling nakalimutan ang dinanas na trauma sa nangyari.
Sumailalim sa series of tests ang kanyang ina. Ayon sa mga doktor, matinding traumatic experience ang naging dahilan kung bakit ito nagkaganoon. Na-trauma ito matapos ma-witness ang pagkamatay ng ama, kapatid at anak. Kusa rin daw babalik ang pagsasalita nito pagtagal-tagal.
Pero hanggang kailan ang matagal? Ilang taon itong sumailalim sa therapy sessions ng isang psychiatrist. Pero ang pagkawala lang sa pagkatulala ang naging improvement ng momma niya. Hanggang ngayon ay hindi pa rin ito nakakapagsalita. Kaya unti-unti, nag-aral siya ng sign language at hinikayat niya ang kanyang ina para mag-aral din. Kalaunan, pati ang poppa niya at si Tommy ay nag-aral na rin para mas maging madali ang pakikipag-communicate sa momma niya.
Naramdaman ni Lucy ang palad ng ina sa kanyang balikat. Nang tingalain niya ito, naroon pa rin sa mga mata nito ang excitement para sa kanyang ikukuwento. Hinawakan nito ang palad niya at naupo  sa katapat na silya.
“Gosh, Momma, I was todo emote na kanina at the restaurant when he suddenly came,” excited na rin na simula niya. Iniisip niyang destiny ang hindi sinasadyang pagkikita nila ni Ardy sa restaurant. Sobrang saya niya kanina na makita at makasalo pa sa pagkain ang pinapantasyang lalaki. Sa dami ng restaurants sa buong Metro Manila, bakit doon pa ito napadpad? Isang restaurant na ni hindi pa tapos i-renovate. Pero habang nag-uusap sila ni Ardy, unti-unting na-deflate ang lomobong saya niya pagkakita rito. Ayaw na nga lang niyang isipin.
“She didn’t date anyone today,” sumbong kay Lucy ni Ardy na noong una hindi niya maintindihan. Malungkot ito at bakas sa mukha at posture ang sobrang disappointment. “Not even Xaniel. Akala ko pa naman, ako ang mananalo sa aming dalawa kasi sabi sa akin dati ni Nollet masarap daw akong kausap. Saka inagahan ko ang pagpunta. Gusto ko na mas mauna kay Xaniel. Gusto ko na ako ang unang makita ni Nollet. Pero na-disappoint ako kanina pagdating sa kanila. Kagabi pa pala siya umalis. Nag-overnight daw sa Subic kasama ng single friends niya.” Umiling-iling ito. “On a Valentine’s Day. Na may mga tao na gaya ko na gusto sanang makasama siya on a date. I really can’t figure her out.”
“Baka she doesn’t really like you.” Mas gusto ni Lucy na ganoon ang maging conclusion ni Ardy. Kahit nakikita niya na gusto talaga nito ang Nollet na iyon, hoping pa rin siya na mawawala ang feelings nito. Na puwedeng malipat sa kanya kapag natiyak ng binata na walang gusto rito si Nollet.
“I’ll make her like me. I’ll make her love me.” Parang pinalalakas lang nito ang loob pero mukha pa ring talunan.
Ano ka ba? I’m just here lang, o. Huwag ka na dun sa girl that doesn’t love you. Love me na lang. Promise, you won’t get dissappointed. Me na lang, Ardy, please? Bigla niyang naalala ang sikat na lines sa pelikula nina Bea Alonzo at John Lloyd Cruz. “Ako na lang. Ako na lang uli.”
“May sinasabi ka?”
Huh! “Hindi, wala. I just thought na… na how’d you make her like you? What if she loves someone else pala talaga. Na hindi lang sila puwede ngayon but they’ll be together din naman in the end.”
“No! I can feel na wala pa siyang mahal na iba. Saka hindi ko isusuko si Nollet. Kailangan lang siguro niya ng panahon. Enough time para mapag-aralan niya na mahalin ako. Kaya dapat lagi akong maging visible sa mga mata niya. I should always be around.”
“Aray!”
Nagulat si Ardy. “Bakit, Lucy? Napa’no ka? Bakit bigla kang umaray?”
“Wala, okay lang ako. Nakagat ko lang ang tongue ko,” pagdadahilan niya. Kung mahirap magmahal ng syota ng iba sabi nga sa lumang kanta ng Apo Hiking Society, mas mahirap palang magmahal ng isang lalaking hindi nga syota ng iba pero head-over-heels in love naman sa iba. Mahirap at masakit. Sobrang sakit.
“Ano nga pala ‘yang dala mo?” turo ni Ardy sa maumbok na folder sa ibabaw ng mesa.
“Ah, ito? Wala ‘to. Just an artwork.”
“Patingin.”
Gusto pa sana niyang pigilan si Ardy na buklatin ang laman ng folder. Pero naisip niya na kanina lang ay naiiyak siya dahil wala ito para maibigay niya sana iyon. Nasa harap na niya ito ngayon. Pero pagkatapos ng mga sinabi nito tungkol kay Nollet, parang hindi na niya dapat pang ipakita iyon kay Ardy.
“Two halves na puso. Ah, you’re into Valentine’s Day, too,” medyo napangiti na ito. Parang tinutudyo siya. “Maganda, ah. Bakit hindi mo pa ibinigay sa pagbibigyan mo?”
Tinatagan niya ang sarili na tingnan ito sa mga mata. “Well, just like you… he loves someone else pala.”
Sa pagkagulat ni Lucy, bigla nitong hinawakan ang kanyang kamay at pinisil. “I’m sorry. Kung sino man siya, hindi niya alam kung anong na-miss niya.” Binitiwan agad nito ang kamay niya.
Damang-dama ni Lucy ang pagkalat ng masarap na kilabot kahit sandali lang na nagdikit ang kanilang mga palad. Posible ba na ang spark na naramdaman niya ay hindi nito naramdaman o hindi napansin man lang?  You’re right, Ardy. You don’t know what you’re missing.
“Since wala sa bahay ang pagbibigyan ko nitong roses, ibibigay ko na lang sa iyo, Lucy. Pati ‘tong chocolates, sa iyo na lang din.” Iniabot sa kanya ni Ardy ang mga bulaklak pati na ang chocolate box na dala nito.
“Sayang, Momma, kung para sa akin talaga ‘yong bouquet ng roses at ‘yong chocolates, I’d be the happiest diyosa in the whole universe.” At kahit na inihatid pa siya ni Ardy sa kanila, hindi noon nabawi ang lungkot niya sa pagkakakumpirma na mahal talaga ng lalaki si Nollet.
Tinapik-tapik ng kanyang ina ang braso niya. Ngumiti ito at hinaplos ng palad ang pisngi niya. Nang iumang nito sa kanya ang magkabilang braso ay walang pag-aatubili na yumakap siya nang mahigpit sa ina.
Alam ni Lucy na nauunawaan ng momma niya ang kanyang pinagdaraanan. At masaya siya na hindi siya nito pinagbabawalan. Hindi nito hinahadlangan ang damdamin niya kay Ardy. “Sana talaga, nagsasalita ka na ulit, Momma.” Ibinuro niya ang mukha sa leeg nito. 
Nang gabing iyon, tulad ng nagdaan na napakaraming mga gabi, nanalangin na naman si Lucy. Lord, I know po, You are powerful enough to put love in Ardy’s puso for me. Please po, Lord, answer Mo na po this prayer. It’s been long standing na po. Please po, make Ardy love me back na, Lord.

“DITO ko lang pala makikita ang gusto kong antique vases. Mabuti na lang pala sinabi mo sa akin,” natutuwang sabi ni Tita Aleli kay Lucy.
Linggo noon. Naroon sila sa Tiendesitas ng ginang. Nang malaman niya na naghahanap ito ng mabibili na antique vases ay nagboluntaryo siya na samahan ito. At siyempre,  dahil linggo at day off ng driver ni Atty. Ponce, si Ardy ang naging dakilang driver nito. Kaya masaya si Lucy. Hindi niya tuloy mapigil ang ngiti. Quota siya sa pagsilay sa guwapong mukha ni Ardy. Na halata nga lang na hindi masaya na ginawa itong driver at alalay ng mama nito. “Lahat po kasi ng lugar na may art collections sa malapit I really take time to know where to find. Sa mga napuntahan ko, here po talaga at Tiendesitas there’s a lot of antiques.”
“At madami ding magagandang handicrafts. Like this one.” Dinampot nito ang isang monochromatic woven table runner. “Gusto ko ito.” Bumaling ito kay Ardy na noon ay dumudutdot sa hawak na smart phone. Parang hindi nila ito kasama. “What do you think, son?”
“That’s nice.” Pagkaraan ng isang sulyap sa hawak ng ginang ay muli na naman itong naging abala sa pagdutdot ng gadget.
Nasasaktan si Lucy. Hindi niya kailangang mag-aral ng psychology para mahalata na walang interes si Ardy sa pagsunod sa kanila ni Tita Aleli. Hindi man lang siya nito iniimikan. Para siyang hindi nag-e-exist para dito. Halos hindi siya masulyapan. Malinaw sa ikinikilos nito na napipilitan lang manatili roon na kasama nila. Kung nagkataon lang sana na may gusto ito sa kanya, tiyak na marami na silang nagpag-usapan. Baka hindi rin nito aalisin ang mga mata sa kanya.
Kung bakit naman kasi parang antigong bagay rin ang feelings niya para kay Ardy. Napakatagal na niyang nararamdaman pero hanggang ngayon, at sa kabila pa ng maraming pagkakataon na nakita niyang wala ito katiting man na interes sa kanya, ay hindi man lang nagbago. Hindi man lang nag-fade. Striving to exist without even an iota of encouragement. Patuloy pa rin siyang umaasa. Kahit may nagbubulong sa kanya na umaasa lang siya sa wala.
Clinging to the last vine of hope ‘til the last breath. Iyon na ang motto in life ni Lucy.
Ano ba kasi ang magagawa niya? Sa talagang mahal niya si Ardy. Tunay ang pagmamahal niya rito. Hindi nasusukat. Hindi niya pagsasawaan. Matatapos lang siguro kapag wala na siyang hininga. Kaya wala rin siyang balak na kalimutan. Lalong wala siyang balak na ibaling sa iba ang tingin at ang pansin.
Hindi ba at ganoon naman talaga ang love? Unending. Habangbuhay. Kaya habangbuhay din niyang mamahalin si Ardy. Problema lang niya kung paano malilipat sa kanya ang feelings nito mula sa kasalukuyang nililigawan.
Isang ideya tuloy ang naisip niya. Na sana lang ay maging epektibo. At sana ay gumising sa natutulog na awareness nito para sa kanya. 
Nagyaya ang ginang matapos nitong makabili ng apat na antique vases, table runner at iba pang handicrafts na ipapabaon daw nito sa kaibigang balikbayan. “Mag-merienda muna tayo,” turo nito sa isang restaurant sa loob din ng Tiendesitas.
“Busog pa ako, ‘Ma. Kayo na lang ni Lucy. I’ll just wait in the car.” Kinuha ni Ardy ang iba pang bitbit ni Tita Aleli at nagtuloy na ito sa parking lot na kinaroroonan ng kotseng sinakyan nila.
Napatingin na lang kay Lucy ang ginang sabay lahad ng mga kamay. “Wala na naman sa mood ang isang iyon.”
Naisip ni Lucy na baka pinagtataguan na naman ni Nollet ang binata. Kaya siguro wala na naman ito sa mood. Sana lang ay maganda na ang mood nito mamayang gabi. Natitiyak niya na iimbitahan siya ni Tita Aleli sa hapunan.
Natuwa siya sa naisip. Ipinagdarasal niya talaga na hindi ma-develop si Nollet kay Ardy. Sa kanya ito dapat ma-in love. Sa kanya lang.

Lucy's Choice (#BoyManhid Or #BoyPapansin) COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon