SIMULA
KALALABAS lamang ni Era sa banyo ay sumalubong na agad sa kanya ang asawa. Biglang kumunot ang kanyang noo. Hindi pa rin niya kasi lubos maisip na sa isang iglap ay napasok siya sa kalagayang ito.
"Era.." mahina ngunit puno ang awtoridad na sabi ng kanyang asawa.
Dumiretso lang siya sa paglalakad at ni hindi man lang pinansin ang pagtawag ng lalaki sa kaniya.
Malamig ang pakikitungo niya rito simula pa kanina. Ni hindi niya ito kinakausap habang papunta sila sa private beach resort sa Tagaytay na pagmamay-ari ni Allen—ang lalaking kumausap sa kaniya at ang lalaking ilang oras lamang ang nakakalipas ay naging legal na niyang asawa.
"Era." Sinundan siya nito sa paglalakad.
Alam ni Era sa kaniyang sarili na kanina pa siya kinakabahan. Ito kasi ang unang gabi nila bilang mag-asawa. At bukod sa silang dalawa lang ang nandoon ay idagdag pa ang kaalamang nasa isang maliit na isla sila sa Tagaytay na pagmamay-ari ng kanyang asawa.
Tumuloy-tuloy siya sa paglalakad hanggang sa makarating siya sa malaking veranda ng bahay na tinutuluyan nila. Tinanaw niya ang dagat na kitang-kita ngayon sa kanyang pwesto. Mataas ang pwesto ng buwan kaya kitang-kita ang repleksyon ng sinag nito sa tubig dagat. Ipinikit niya ang kaniyang mga mata para damhin pa ang hangin.
Payapang tumatanaw sa labas ang dalaga nang bigla na lamang may yumakap sa kanyang likod. Napapitlag siya at biglang lumaki ang kanyang mga mata, "Bitawan mo 'ko." Puno ng galit at poot ang kanyang boses nang sabihin niya iyon.
Hindi sinunod ng binata ang sinabi niya at mas hinigpitan pa ang yakap nito sa kanya mula sa likod, "Dito ka lang sa tabi ko, Era." Bulong sa kaniya ng binata.
Hindi niya alam kung anong pumasok sa kaniyang kukote at kusa na lang umangat ang mga balahibo niya sa buong katawan. Ngunit hindi siya nagpatalo dito at marahas niyang tinanggal ang yakap sa kaniya ng asawa. Bigla na lamang sumagi lahat sa isip niya ang ginawa ng lalaking ito sa buhay niya. Gusto niyang maiyak pero kahit kailan wala siyang balak na ipakita ang mga luha niya para dito.
Tinignan niya ito ng may sobrang galit sa mga mata, "Ano bang klaseng konsensya ang meron ka?" lumunok siya dahil nagbabadya na naman ang mga luha niya sa mata, hindi niya maatim pang umiyak dahil kagagawa lamang niya ito kanina sa loob ng banyo nang maligo siya.
Tinititigan lamang siya ng matiim ni Allen at itinuloy niya ang kaninang binabanggit niya, "Paano mo naaatim na makita ang ibang tao na naghihirap dahil lang sa kagustuhan mo?" tinulak niya palayo sa kaniya ang kausap, "Ha? Sagutin mo ko, Allen!"
Hindi parin siya iniimik ni Allen at malamig lang na nakatingin sa kaniya. Hindi na naman niya napigilan ang pag-iyak niya. Gusto niyang pagalitan ang sarili niya dahil sa pag-iyak nito sa mismong harap ng taong kinamumuhian niya.
"Hindi mo alam kung gaano mo sinira yung buhay ko!" sinuntok niya ito sa dibdib ngunit parang wala lamang sa lalaki ang ginagawa niya, "Hayop ka, Allen!" sinampal niya ito, nakita niyang biglang tumiim ang bagang nito pero hindi niya ito pinansin, "Hayop ka! Ano? Masaya ka na? Ha?!" pinagsusuntok niya ito sa dibdib. Lumayo siya ng kaunti at tinignan niya ito, "Ito ang tatandaan mo.." Yumuko siya, "Kailanman ay hinding-hindi kita mamaha—"
Nanlaki bigla ang mga mata niya nang marahas siyang halikan ni Allen sa labi. Kusang nagsitayuan ang mga balahibo niya sa katawan. Sinubukan niyang ilayo ang binata sa kaniya ngunit hindi niya magawa dahil sobrang lakas nito. Hindi niya alam kung ano ang gagawin niya, mabilis na pumapantig ang tibok ng puso niya, sobra siyang kinakabahan. Hindi niya maigalaw ang buong katawan niya.
Bumaba ang halik ng lalaki sa leeg niya. Natauhan lamang siya nang sumagi sa isip niya na may masamang balak sa kanya si Allen. Inipon niya ang lahat ng lakas niya at mabilis na naitulak palayo sa kanya ang lalaki at sinampal ito ng sobrang lakas.

BINABASA MO ANG
Unexpectedly Tangled
Ficción GeneralMaganda, edukada, at galing sa marangyang pamilya-ganyan ipaliwanag ang katangian na mayroon si Era, kaya hindi maitatanggi na halos lahat ng kalalakihang makakita at makakilala sa kaniya ay magugustuhan siya. Ngunit nang dumating sa buhay niya ang...