2 The Officer

77 6 55
                                    

Sleuth 2 - The Officer

Dumadagundong ang umeereng kanta sa loob ng bar. Dire-diretsong pumasok si Symon sa DJ booth at pinatay ang malakas na tugtog.

"PNP!" babala niya gamit ang mikropono. "Lahat ng menor de edad na narito, dadalhin namin sa presinto. May warrant kami para sa manager na nagpapapasok ng underage dito. Sumuko na lang po kayo nang tahimik."

Isa-isa nang hinuli ng kapulisan ang mga menor de edad. Lumabas na rin si Symon sa DJ booth para manghabol ng mga tumatakas. Hindi naman nila ito ikukulong, bagkus ay dadalhin sa presinto para mabigyan ng warning at doon susunduin ng mga magulang o nakatalagang guardian.

Talaga naman! bulong ng utak ni Symon – nangingisi, naiiling habang hinahagod ng tingin ang kabuuang eksena sa bar. Bukod sa juvenile curfew na pinapatupad, umiinom pa ang mga kabataang ito. Dapat talaga ay mabigyan ng aral!

Humakbang na siya patungo sa crowd at nagsimula na ring abatan ang mga sakaling tatakas.

"Ahhno'ng problema mo—bah't mo ko hinuhuli?" asik ng isang papalabas na babae na agad pinigilan ni Symon sa braso.

"Wala munang lalabas," sagot niya.

Umikot paharap sa kaniya ang babae. Bahagyang tumabing sa mukha nito ang alon-alon na mahabang buhok. Nagpapalag ito, pilit binabawi ang brasong hawak pa rin ni Symon. Nasamyo pa niya ang mabangong perfume nito o shampoo? naisip niya. Ngunit nahaluan ng nainom nitong alcohol at wine.

"Excuuuse meh! Bahkit. Mo. Aahko. Hinuhuli!" mataray nitong sabi sabay matagumpay na bawi sa braso na halos ikabuwal pa nito dahil sa walang balanse dala ng kalasingan. Dinuduro-duro pa siya. "Wala kahng karraapataang huulihiiin akooo!"

Nangisi si Symon. "Aba, at bakit wala akong karapatan? Tingnan mo ang sarili mo. Lasing na lasing ka. Ang bata-bata mo pa, lasinggera ka na. Hindi mo ba alam na bawal sa ganitong lugar ang mga menor de edad na tulad mo? Isa pa, mayroong pinapatupad na juvenile curfew ngayon." Napahagod sa sariling batok si Symon, napapailing. Bakit ba ganito na ang mga kabataan sa panahong ito?

"Ahnong bahta? Mehnor de edadjuuuvenile? Sh-t ka, ahlam mo 'yon? Hindi na 'ko bahta... excuuuse meh, I'm twenty-four!"

Mula sa malamlam na ilaw ng bar ay pilit sinipat ito ng tingin ni Symon mula ulo hanggang paa. Nagsasabi ba ng totoo ang kausap?

Pero teka!

Maingat niyang hinawi ang medyo abuhin na brown nitong buhok na tumabing sa mukha. Tinabig pa nito ang kamay niya dahil sa kaniyang ginawa.

"Ahhno bah! Manyak..."

Napakurap-kurap si Symon nang magtama ang mga tingin nila. Ang namumungay na mga mata ng babae ay nanlilisik sa kaniya. Lalo pang nagpataray rito ang eyeliner na itim at lipstick.

Kilala niya ito!

Pero siya nga kaya? naisip niya. Gothic look kasi – pero parang lalo pa nga itong gumanda at nagka-appeal dahil sa angas. Naka all-black leather jacket outfit at jeans – malayo sa datingan ng nakilala niya. Ilang taon na rin ang lumipas at marami namang posibleng magbago – o baka magkahawig lang?

"L-Lea?" Halos hindi lumabas iyon sa bibig ni Symon.

"Bahta, baahta... Porke mas mahtangkad ka—minahmaliit mo 'ko? Mmmp—" Napatakip ito ng kamay sa bibig, sapo ang tiyan ng kabilang kamay. Naduduwal.

SLEUTH: Which of ThemTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon