Third

17.7K 401 59
                                    

                 CHAPTER TWO

DALAWANG taon na sila sa lugar na iyon nang dumating ang asawa ng Tito Kaloy niya na nagtrabaho sa Hong Kong bilang domestic helper.   Nagyaya itong umuwi sa mga magulang nito sa Bulacan dahil balak nitong magtayo doon ng karinderya malapit sa pagawaan ng mga paputok.  Ngayon ay solo na nilang mag-ina ang maliit na bahay. 

Malaking bagay sa kanya na tig-isa na sila ng silid ng kanyang Nanay Mercedes.  Hindi na siya nagigising tuwing uuwi ito sa madaling araw galing sa pinapasukan nitong night club sa bayan.  Noong una ay natatakot siyang mapag-isa sa gabi habang nasa trabaho ang nanay niya, pero ilang buwan pa ang lumipas ay nakasanayan na rin niya ang ganoong buhay. 

Isang umaga ay may narinig siyang kumakatok sa pinto.  Nang pagbuksan niya ito ay mukha ni Third ang bumulaga sa kanya.

“Third!  Ano'ng ginagawa mo dito?  Naku, hindi mo nga pala alam na umalis na sina Kuya Bimbee, ano?” 

Tuwing summer vacation lamang nandoon sa probinsya sina Third kaya hindi na nakapagpaalam si Bimbee dito bago umalis.

“Saan nagpunta?” 

Ikinuwento niya dito ang tungkol sa paglipat ng tirahan ng pamilya ng tiyuhin niya ilang buwan na ang nakaraan.

“Nakakalungkot naman.  Siya lang ang kalaro ko tuwing magbabakasyon kami dito.  Ngayon ay wala na akong uuwiang kaibigan dito.”

“Huwag ka ng malungkot.  Wala din naman akong kaibigan dito katulad mo.  Gusto mo ba akong maging kaibigan?”

“Babae ka naman.  Kaya mo ba ang laro ng mga lalaki?”

“Tulad ng ano?”

“Basketball.”

Hindi siya nakasagot doon. 

“’Di bale na, samahan mo na lang akong mamasyal sa burol.”

“Maglilinis pa ako ng bahay namin.”

“Ngayon na?  Grabe ka naman, ang aga-aga pa.  ‘Tsaka hindi naman marumi itong bahay ninyo.”

"Marumi.  Nakakalat ang pinagkainan ni Nanay sa kusina.  Pati iyong mga pinagbihisan niya ay kailangan kong iligpit.”

“Huwag mong sabihing maglalaba ka pa?”

“Hindi naman.  Magkatulong kami ni Nanay sa paglalaba kapag wala siyang pasok.”

“Saan ba nagtatrabaho ang Nanay mo?  Nandiyan ba siya?”

“Tulog,” tipid na sagot niya. “Kung gusto mo’y hintayin mo na lang ako dito sa loob.  Sandali lang naman ito.”

“Okay.”  Umupo ito sa bangkong kahoy at inikot ang paningin sa kabuuan ng maliit na bahay.  “Kayo lang ng Nanay mo dito?”

“Shh! Baka magising ang Nanay.”

Tumayo ito at sinundan siya sa kusina. 

Ibinuhos niya ang laman ng balde sa palanggana at lumabas sa likod ng bahay.

“Saan ka pupunta?” nagtatakang sunod nito sa kanya.

“Makiki-igib lang ako sa poso doon sa kapitbahay.  Hintayin mo na lang ako diyan.”

Pero sumunod pa rin si Third.  Nang bombahan niya ang poso ay nakamata lamang ito sa kanya.  “Bakit hindi mo pinuno?”

“Hindi ko kayang buhatin.  Babalik na lang ako.” Binitbit na niya ang balde, pero kinuha ito ni Third at itinapat ulit sa poso.

Pagdating sa bahay nila ay hinarap siya nito.  “Kulang pa ba iyan?”

“Kailangan kong punuin ang tapayan sa banyo.”

Fall All Over AgainTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon