“HI, EMBER. Natatandaan mo pa ba ako?”Nilingon ni Ember ang dalagang lumapit sa tent. Isa ito sa mga babaeng tumitili kay Cyd noon kapag nakakapasok ito ng bola. Apo ito ng kapitbahay nila.
“Oo naman, Aiza.”
“Hindi ko akalain na kayo pa rin pala ni Third sa bandang huli.”
“Nagkakamali ka. Magkaibigan lang kaming dalawa.”
“Eto naman. Hindi na tayo mga bata, ano? Nagulat kaming lahat nang makita ka namin kanina.”
“Hindi sinasadya ang muli naming pagkikita ni Third. Kumusta naman kayo dito?”
“Ayos lang. Bago namatay ang Lola dahil sa pulmonya ay ibinigay niya sa akin ang sulat na ipinapaabot mo kay Third noon.”
“Gano'n ba?”
“Nang magbalik si Third dito ay ibinigay ko agad ang sulat mo. Halatang nalungkot siya noong nawala ka.”
Nilingon niya si Cyd sa ikatlong tent, nakalingon din pala ito sa kanya. Siguro ay napansin iyon ni Aiza kaya nagpaalam na ito.
Ilang beses ba niyang tinangkang bumalik sa lugar na ito para tiyakin kung nakarating kay Third ang habilin niya? Malinaw ang pangalan, address, at numero ng telepono na inilagay niya sa sulat na 'yon. Kung pinagkaabalahan lamang siyang kontakin nito ay imposibleng hindi sila ulit nagkita sa loob ng nakalipas na mga taon. Hindi siya nagkamali, balewala lang kay Third ang pinagsamahan nila noon.
Pumasok siya sa loob ng tent at namaluktot. Bigla niyang naramdaman ang lamig ng hangin na nanunuot sa balat niya. Nagulat pa siya nang may sumilip sa pinto ng tent.
“Magpahinga ka na. Dito lang ako sa labas.”
“Hindi ka ba matutulog?”
“Hindi na siguro. Madalang lang kami magka-kuwentuhan ng tropa. Nilalamig ka ba?” Pumasok ito at kinalkal ang bag. “May extra shirt pa ako dito, ipatong mo sa damit mo.”
“Salamat.”
“Tawagin mo lang ako kapag may kailangan ka.” Lumabas na ito ng tent.
Pabiling-biling siya sa loob. Kahit anong gawin niyang puwesto ay hindi siya makatulog dahil masakit sa likod ang bukol-bukol na lupang hinihigaan niya kahit may sapin siyang blanket. Bukod pa doon ay gusto ng sumabog ng pantog niya dahil sa buong maghapong pagpipigil niya.
Pero natatakot siyang lumabas at magtago sa damuhan dahil baka matuka siya ng ahas o makagat ng mga ligaw na hayop. Tinignan niya ang suot na relo, ala-una na. Maya-maya pa ay hindi na siya nakatiis. Bumangon siya at lumabas ng tent.Agad na lumingon si Cyd sa kinaroroonan niya. Tumayo ito at sinalubong siya. “What’s wrong?”
“Eh...” Napakagat siya sa ibabang labi. Paano ba niya sasabihin dito ang sadya? Bakit ba sa tuwing tatawagin siya ng kalikasan ay ito ang kasama niya? Hindi na siya bata ngayon, nakakahiya!
“What is it, Ember?” bakas sa mukha nito ang pag-aalala. “May masakit ba sa ’yo? Baka napilayan ka kanina.”
“I want to pee.” There, nasabi din niya. Hindi lang niya alam kung paano magpapasama dito.
“Oh... okay,” automatic na rumehistro ang kapilyuhan sa mukha nito. “Go on.” Saka siya nito tinalikuran na para bumalik sa grupo.
“Wait!”
“What?” Nilingon siya nito, nasa mga labi ang pilyong ngiti.
“Natatakot ako.”
“Magtago ka lang diyan sa likod ng tent.”
BINABASA MO ANG
Fall All Over Again
Romancepublished under PHR 2013 (Modified version) Why did I kiss you? Dahil gusto ko... Because I'm dying to kiss you every time I see you. Batang paslit ka pa lamang ay pinapangarap ko na ang mga labing iyan. Look how lucky can I get." 💓💓💓💓💓�...