MAAGANG nagbiyahe si Ember pabalik sa Floridablanca. Bago siya umalis ulit ay gusto niyang makita ang lugar na iyon kung saan niya ginugol ang pinakamasayang alaala ng kabataan niya.Nakapasok siya bilang marketing officer sa isang malaking garments factory sa Singapore. Pagawaan iyon ng signature clothes na kilala sa mga bansa sa Asia. Nandirito lamang siya ngayon sa Pilipinas habang hinihintay niya ang paglabas ng working visa niya doon. Ang gift shop niya dito ay tuluyan na niyang ipinaubaya sa ina.
Nang makita niya ang pamilyar na landmark ng kantong papasok sa lugar nila noon ay iniliko niya ang kotse at sinundan ang daan papunta sa white house. Rough road pa rin ang makipot na daan papasok sa bahaging iyon kaya ipinarada na lamang niya ang kotse sa tabi at ipinasyang lakarin ang kahabaan ng palayan.
Napapangiti siya habang sumasalubong sa kanya ang amoy ng tinabas na talahiban sa burol. Napakasarap ng amoy ng sariwang hangin. It brought back memories of the good old days.
Nakarating siya sa malaking puno ng mangga sa gitna ng palayan. Gano'n pa rin ang itsura ng paligid. Naluma na nga lang ang white house, ang pintura nito ay puro bakbak na. Halatang may nakatira na doon dahil may mga kagamitang nakakalat sa paligid ng kubo. Kumatok siya pero walang sumasagot.
Umupo siya sa damuhan at isinandal ang likod sa malaking puno para magpahinga. Inikot niya ang paningin sa paligid. Maya-maya ay tumayo siya at inilabas mula sa bag ang dalang hand shovel. Pumuwesto siya sa mismong paanan ng puno ng mangga, at humakbang ng limang beses papunta sa direksyon ng kubo.
Naalala niya ang partikular na hapong iyon.
“Pabasa nga.”
“Bawal sabi! Secret ang nakasulat dito.” Saka muling niyuko ni Third ang kapiraso ng papel na pinunit nito sa lumang notebook ni Timmy.
Sinilip niya ang isinusulat nito. “Ang pangit naman ng sulat mo.”
“Ang kulit mo!” mabilis na tumayo si Third.
Magkatulong silang naghukay at ibinaon ang maliit na lata na naglalaman ng mga mahahalagang bagay na gusto nilang ingatan hanggang sa paglaki nila.
“Sigurado ka bang walang makakakuha ng mga 'to?”
“Kapag nagdaldal ka sa mga kalaro mo, siguradong mawawala ang mga 'yan. Basta usapang matino, ha? Huhukayin lang natin iyan pagdating ng tamang panahon. At dapat dalawa tayong magbubukas niyan. Bawal mandaya, Timmy!” pinandilatan pa siya nito ng mga mata.
Hinila niya mula sa hukay ang maliit na lata ng biscuit na kinalawang na. Bumalik siya sa puwesto niya kanina at excited na binuksan ang lata.
Matapos ang ilang minutong paghihirap ay nabuksan niya rin ito, at lumitaw ang mga bagay na itinago nila ni Third noon.
Kasama doon ang ipit niya na binili ni Third noon sa plaza. Lumang panyo na galing sa nanay, at ang wish list na itinupi niya nang maliit. Binuksan niya ito at natawa pa siya sa nilalaman ng sulat niya. Mga kahilingan ng isang batang paslit. Malaking bahay, kotse, magagandang damit at sapatos at isang mabuting ama. Ang lahat ng iyon ay meron na siya sa mga panahong ito. Natupad na ang mga pangarap niya.
Muli siyang nangalkal at nakita niya sa ilalim ng mga postcards ni Third ang isang maliit na toy car. Nang iangat niya ito ay may nahulog sa damuhan. Nang tignan niya iyon, napasinghap siya sa nakita. Ang kuwintas na may palawit na kalahating puso na pag-aari ni Third. Paanong napunta 'yon doon? Nang huling magpaalam ito sa kanya noon ay suot pa ito ng lalaki. Kinalkal niya ulit ang laman ng lata. Nakita niya ang sulat ni Third.
Paglaki ko ay pakakasalan ko ang mahal kong si Timmy. Magkakaroon kami ng madaming anak na katulad niyang magaganda at katulad kong maguguwapo.
Napanganga siya habang naaalala kung paanong iniwasan nitong mabasa niya ang isinusulat nito noong araw. Ang usapan ay isusulat doon ang pangarap nila para sa kanilang paglaki. Ganoon ang pangarap nito noong araw?
Mula sa gilid ng lata ay may nakita siyang isa pang papel na kakaiba sa ginamit nila noon. Isa pang sulat! Mabilis niyang binasa ang laman n'on.
I will search for you. And when I find you, I will never lose you again.
I miss you so much, Timmy. Life has never been the same without you.Hindi niya namalayan na pumatak ang mga luha niya. Hanggang sa ang iyak ay nauwi sa hagulgol.
Hindi niya alam kung bakit dinala siya ng mga paa sa lumang bahay ng Lolo ni Third. Inilibot niya ang paningin sa matandang bahay. Nagulat pa siya nang biglang bumukas ang mataas na gate nito.
“I didn’t expect to see you here,” bungad ng ina ng lalaki. Mahinahon ang tinig nito, pero nakaramdam pa rin siya ng takot.
“Napadaan lang po ako,” nagyuko siya ng ulo.
“Pumasok ka.”
Kinakabahan man ay humakbang pa rin siya papasok sa loob ng bahay.
“Kilala mo ba ang lalaking 'yan?” Itinuro nito ang lumang picture na nakasabit sa dingding.
“Hindi po.”
“Iyan ang ama ni Third.” Hinarap siya nito. “Gusto kong makausap ang nanay mo.”
“Nananahimik na po ang Nanay. Nilayuan ko na rin ang anak ninyo. Ayaw na namin ng eskandalo.”
“May gusto lamang akong linawin.”
BINABASA MO ANG
Fall All Over Again
Romancepublished under PHR 2013 (Modified version) Why did I kiss you? Dahil gusto ko... Because I'm dying to kiss you every time I see you. Batang paslit ka pa lamang ay pinapangarap ko na ang mga labing iyan. Look how lucky can I get." 💓💓💓💓💓�...