CODE 02: Hunting
Matapos ang naging desisyon sa krimeng nagawa ni Xeron sa Etudia, madami sa mga kauri ko ang nagluksa sa pagkawala ni Xeron.
Sa Boarder, kilala si Xeron bilang isang matapang na Brandless dahil na din sa kapusukan nitong dumayo sa iba't-bang lugar sa labas ng aming bayan na naging hudyat din ng kamatayan nito. Nalaman ko ang lahat ng impormasyong ito mula sa isang kauri ko na madalas din nakakasama ni Xeron kapag lumalabas ito ng bayan.
Ngunit hindi lang doon natatapos ang lahat.
Magmula ng paslagin nila si Xeron, naging silbing takot sa mga taga-Etudia ang ginawa kay Xeron. Mas hinigpitan ng mga Cipherian at Accessian ang pagpapatupad sa batas. Mas dumami ang mga Brandless na natatakot at dali-daling namamatay kahit na hindi pa nila oras na siyang pinagtataka naming lahat.
Sa gitna ng ganitong sitwasyon. Takot ang pinakamatindi naming kalaban.
Tama nga ang mga taga-Cipheria sa hinala na mga ito. Nagsilbing malaking babala at panakot si Xeron at ang krimeng nagawa nito para sa lahat. Hindi lamang sa mga uri namin maging sa lahat ng mga kabilang sa matataas na paksyon.
Ang pagkawala ni Xeron ang kauna-unahang pagpaslang na nakita ng mga Etudian. Wala ni isa sa amin ang nakaisip ng ganoong klasing uri ng kamatayan.
Ang mga Brandless, oras na sila ay mamatay, bigla-bigla na lamang silang naglalaho. Walang makikita ni kahit anong bakas man lang na maiiwan oras na mawala kami. Walang makakaalala. Walang maiiwan na kahit ano.
Ngunit ang ginawa kay Xeron ay hindi lamang nag-iwan ng babala sa amin kundi ng nakakatakot na bangungot. Na kahit kailan hindi namin dapat kalabanin ang mga Cipherian. Na hindi dapat magalit ang aming hari kung ayaw naming magawa sa naging kinahinatnan ni Xeron.
Ilang araw na ang nakakalipas ngunit nanatili pa ding sariwa sa alaala ko ang mga huling salita ni Xeron bago ito nalagas sa mga mata ko.
Ang sinabi nito ay naging palaisipan sa akin.
Ano ang magsisimula? Anong mangyayari pagkatapos ng wakas? Ano ang mangyayari sa amin? Sa mga Brandless?
Hindi ko pa ganoon katagal na kilala si Xeron dahil bago pa lamang ako dito sa Boarder ngunit magpagayonman, sya ang lagi kong nakakasama sa pag-iikot at paghahanap ng makakain sa paligid ng Boarder. Sya ang nagsilbi kong guro sa kabila ng magkasing-edad lamang kami, labing-anim.
Dito sa Etudia, wala ang salitang pagtanda.
Dahil nga sa nilikha lamang kami, kung ano ang edad namin ng gawin kami ay iyon na ang magiging edad namin hanggang sa mamatay kami. Iniiwasan ng mga Cipherian ang pagdami ng populasyon. Kaya kahit na ang bilang ng mga nilalang na ninirahan sa Etudia ay bilang na bilang din. May numero.
Sa isang araw, may sampung bata ang nagagawa, sampung nasa edad labing lima hanggang dalawangpu at sampung matatanda.
At kung nais mong mabago ang iyong itinakdang edad, maaari kang magpapalit ng iyong katauhan ayon sa iyong kagustuhan. Ngunit ang bagay na ito ay kailangan din ng bar codes. Kailangan mo ding magbayad upang mabago ang iyong mukha at edad.
Marami-rami na din ang naturo sa akin ni Xeron. Gaya na lang ng pagdepensa mula sa mababangis na hayop sa paligid, sa mga Cipheria at depensa mula sa kapwa ko Etudian.
Gaya nga ng nasabi sa akin ni Xeron noon, ang buhay sa Etudia ay isang malaking palaruan sa mga mas nakakataas sa amin. At kaming walang pagkakakilanlan ang paborito nilang laruan. Na kung hindi namin kayang tulungan ang mga sarili namin, wala ng ibang gagawa noon.
BINABASA MO ANG
Brandless (The Code Series Book 1)
Science FictionTaong 6060 nabuo ang makabagong mundo na tinatawag na Etudia. Ang mundo na kung saan ang bawat bagay at nilalang ay pinapagalaw ng mga bar codes. Ang mga Brandless, ang mga nilalang na walang bar code. Basura sa lipunan, mga maling nilikha, ang mga...