CODE 05: Love
Hindi pa din mawari ng aking isipan ang mga sinabi sa akin ni Fistto ng mga oras na iyon.
"Magiging malaking tulong ka para sa pagbabago ng mundong ito Oanna. Matutulungan ka din naming maging malakas at tumayo sa sarili mong paa para labanan ang mga nakakataas sa atin."
"Oanna, hindi maaaring habang buhay ang pagiging alipin natin sa ating sariling mundo. Hindi maaaring gawin sa atin ng mga malulupit na paksyon na iyon ang pagmalmaltrato at pandarayang ginagawa nila sa mga uri natin."
"Nabigyan tayo ng kapangyarihan na lumaban para sa ating mga buhay kaya ano pa ang silbi ng ating pananahimik kung kaya naman nating lumaban at gumawa ng pagbabago para sa Etudia?"
Pakikipaglaban. Pagbabago. Pagligtas sa Etudia.
Ilan lamang ito sa mabibigat at mahirap na gawain na gustong mangyari ni Xeron.
Masasabi kong may lakas nga si Fistto at prinsipyo't katatagan ng utak na magiging sandata nya sa labanan.
Ngunit anong magiging silbi noon sa pagbabago na nais nyang mangyari para sa Etudia?
At ano ang kayang gawin ng isang babaeng Brandless na gaya ko laban sa apat na matataas na paksyon na kumaila sa amin?
Isa lamang kami sa mga maling nilikha. Anong magagawa namin laban sa matataas na nilalang na syang humahawak sa kapangyarihan ng buong Etudia?
"Tila malalim yata ang iyong iniisip, binibini."
Napalingon ako sa pinanggalingan ng boses na iyon nang mahimigan ko si Fistto.
"Fistto." pagbati ko sabay marahang iniyukod ang aking ulo sa kanya.
Isa ito sa mga naituro sa akin ni Xeron habang naglalakad kami upang mamili ng aming mga makakain. Isa itong paraan ng pagbati at pagkilala sa isang nilalang na kumakausap sa iyo.
"Marahil nasabi na sa iyo ni Xeron ang planong pag-aaklas laban sa mga matataas na paksyon tama ba?"
Mabigat akong bumuntong-hininga bilang tugon.
Narito pala kami sa tinatawag na bulwagan na lihim na tagpuan nila si Xeron. Sa buong lugar na ito tanging ito lamang ang bakante sa ngayon dahil ang lahat ng mga nilalang na tumutuloy dito ay nasa labas upang magsanay.
Binalak akong isama ni Xeron sa kanilang pagsasanay upang makita ko kung paano ba iyon nagaganap ngunit tumanggi ako. Wari ko kasi ay hindi pa ako handa para sa ganitong uri na bagay.
"Bakit nga pala wala ka sa pagsasanay? Hindi ba't obligadong sumama ang lahat upang magsanay?"
Naupo sa isang metal na silya sa tabi ko si Fistto bago siya nagsalita.
"Ako ang nakatalagang maging bantay dito sa ngayon kaya hindi ako sumama." sabi niya saka lumingon upang makita ako. "Ikaw? Hindi ka pa ba magsasanay?"
Bahagya akong nagugulat dahil nakikipag-usap sa akin si Fistto ngayon. Noong una nya akong dalhin dito, tila mabigat ang kanyang loob sa pagdala sa akin dito.
Ngunit hindi na ako nagtanong at sumagot na lamang sa kanya.
"Hindi pa ako handa sa mga ganoong uri ng bagay."
BINABASA MO ANG
Brandless (The Code Series Book 1)
Science FictionTaong 6060 nabuo ang makabagong mundo na tinatawag na Etudia. Ang mundo na kung saan ang bawat bagay at nilalang ay pinapagalaw ng mga bar codes. Ang mga Brandless, ang mga nilalang na walang bar code. Basura sa lipunan, mga maling nilikha, ang mga...