CODE 04: Brandless
Maraming naikwento sa akin si Xeron noon tungkol sa mundo ng mga tao kung saan kami iwinangis. Isang mundo na may luntian at asul na kulay na napapagiliran ng mga buhay at humihingang nilalang.
Hindi ko maintindihan kung ano ba ang mayroon sa mundo ng mga tao at bakit ganoon na lamang katindi ang pagkamangha at sigla ni Xeron sa tuwing magkikwento sya sa akin ng tungkol sa mundo ng mga tao.
Sa mundong iyon, may tinatawag na buhay at kamatayan. Pareho sa Etudia. Ang pinagkaiba lang namin, sa mundo namin, ang buhay at kamatayan ng bawat isa ay kinokontrol ng iisang nilalang. Si Coda. Ang matataas na paksyon. Ang mga makapangyarihan. Sa mundo ng mga tao, namamatay ang isang tao nang dahil sa maraming dahilan. Karamdaman, delubyo, trahedya, ang tinatawag na krimen at iba pa. Hindi gaya nang sa amin na mismo ang lumikha sa mga gaya namin ang pumapaslang din sa amin.
Binubuhay kami ng mga bar codes at mga numero at pinapatay din kami ng mga lumikha noon. Ganito ang buhay namin sa Etudia. Kaming mga Brandless. Nabubuhay upang mamatay.
Isa si Xeron sa mga namatay. Isa sa mga nilalang na nakita kong namatay hindi lamang sa aking harapan kundi sa harapan ng lahat ng nilalang na naninirahan sa Etudia.
Kaya ano itong nakikita ko ngayon?
Paano nabuhay ay isang namatay na?
Paanong nasa harapan ko ngayon si Xeron?
"Xeron..." mahinang usal ko. "B-Buhay ka?! Pero papaanong..."
"Bakit hindi ka muna magpahinga Oanna at mamaya ko na lamang sasagutin ang mga katanungan mo?" malumanay na sabi ni Xeron.
"Pero paano ka nabuhay? Paanong..." hindi mahagilap ng dila ko ang mga nais kong sabihin sa kanya.
"Paanong ano Oanna?"
"Nakita kita na pinaslang ni Coda at naglaho sa ere! Kaya paano't narito ka? Anong ibig sabihin nito? Saka bakit mo ako dinala dito?"
"Madaldal pala ang bibig ng isang ito."
Sandali akong napatingin kay Fistto nang bigla siyang magsalita saka ko muling ibinalik ang aking atensyon kay Xeron.
"Sagutin mo ako Xeron! Paano ka nabuhay at anong ginagawa ko dito? Bakit ako narito?"
Nakita ko ang malalim na pagbuntong-hininga ni Xeron saka nya ako muling hinarap at saka sinagot ang aking mga katanungan.
"Isa iyong ilusyon, Oanna. Ilusyon na likha ng makabagong teknolohiya."
"Teknolihya? Anong ibig mong sabihin? Hindi kita maintindihan!" litong sabi ko.
Tinitigan ako ni Xeron sa akin mga mata saka siya marahang lumapit sa akin at hinawakan nya ako sa aking magkabilang balikat.
"Hindi ito ang tamang panahon para sabihin ko sa'yo ang lahat Oanna. Kailangan mong magpahinga. Alam ko kung anong nangyari sa'yo sa taas ng lupa kaya kailangan mong magpahinga."
"Pero Xeron—"
"Oanna." pinutol niya ang mga sasabihin ko saka niya ako binigyan ng seryosong tingin. "Bukas. Sasabihin ko sa iyo ang lahat ng nais mong malaman bukas. Kaya magpahinga ka na. Kailangan mong mabawi ang iyong lakas."
BINABASA MO ANG
Brandless (The Code Series Book 1)
Science FictionTaong 6060 nabuo ang makabagong mundo na tinatawag na Etudia. Ang mundo na kung saan ang bawat bagay at nilalang ay pinapagalaw ng mga bar codes. Ang mga Brandless, ang mga nilalang na walang bar code. Basura sa lipunan, mga maling nilikha, ang mga...