CODE 09: Challenge
MATAPOS akong saksakan ng kemikal na in-imbento ni Fistto, naging malinaw na sa akin ang lahat. Na tila ba lumalabas na sa mismong utak ko ang lahat ng mga impormasyong nais kong malaman hindi gaya noong halos nangangapa pa ako sa mga bagay-bagay na nasa paligid ko.
"Kumusta naman ang pakiramdam mo, Oanna?"
Agad akong sinalubong ng isang tanong ni Xeron matapos ko siyang maabutan sa pinaka bulwagan ng kampo kung saan kami nananatili ngayon.
"Maayos naman ako. Salamat sa iyong pag-aalala."
Mababakas sa mukha ni Xeron ang hindi matawarang pag-aalala para sa akin nitong nakalipas na ilang araw habang nagsasanay ako sa ilalim ni Fistto.
Kahit na nakakuha na ako ng sapat na kaalam para sa mundo ginagalawan ko ngayon, hindi ko pa rin mawari kung ano ba ang namamagitan kanila Xeron at Fistto at tila yata mas lumalala lamang ang alitan nilang dalawa sa isa't-isa.
Si Xeron ang aming pinuno at si Fistto naman ang pinuno pagdating sa pagpili sa mga ginagamit naming armas at sa mga Brandless na siyang unang sumusugod sa mga laban o ang mga mamamaslang.
Pareho silang may angking lakas na kinakailangan sa isang laban ngunit maging sila sa mga sarili nila ay kinakastigo ang opinyon ng isa't-isa.
"Hindi ka naman siguro pinapahirapan ni Fistto hindi ba Oanna?"
Masuri kong pinapanood si Xeron sa paghahasa nito sa isa sa mga kutsilyo na ginagamit nito sa pagsasanay naming dalawa.
Lahat ng mga nakilala kong mandirigma sa Frolonia at laging nagsasanay. At kung hindi naman, mas lalo nilang hinahasa ang talim ng kanilang mga sandata.
Inakala ko noon na sapat na ang angking talino na nakuha ko mula sa kemikal na binigay sa akin ni Fistto. Ngunit tila kailangan ko rin sigurong hasain ang aking katawan at mas mapahusay pa ang kasalukyan kong kaalaman sa pandirigma.
"Bukas na tayo aakyat sa Etudia, Oanna. Kung hindi ka pa handa, maaari kang magpa-iwan na lamang dito."
"At bakit ko naman gagawin iyon?" hindi ko maiwasang pagtaasan ng boses si Xeron. "Hindi ba at kaya mo nga ako dinala rito ay para makatulong sa inyo? Para tulungan kayo na sakupin at pabagsakin ang imperyo ni Coda? Bakit tila yata nilalayo mo ako sa laban na matagal ko ng pinagsasanayan at pinaghahandaan?"
Ayoko mang sumang-ayon sa nasabi sa akin ni Fistto noong araw pero tila yata may punto ang mga sinambit niya sa akin tungkol sa araw na iyon.
"Isang aristokratong mangmang si Xeron, Oanna pagdating sa mga usapin tungkol sa'yo. Sinasanay ka lang niya hindi para lumaban kung hindi para ma-protektahan ang sarili mo kapag wala siya sa tabi mo."
"At bakit naman niya gagawin iyon? Hindi pa ba sapat ang ginagawa kong pagsasanay para sa kanya?"
"Walang mas isasapat pa kay Xeron kundi ang kaligtasan ang babaeng kanyang iniirog. Iyan ang sinasabi kong kamangmangan ng nilalang na iyon."
"Oanna," biglang binigkas ni Xeron ang pangalan ko na nagpabalik ng aking balintaw sa kasalukuyan.
"May nais lang sana ako malaman mula sa'yo, Xeron."
BINABASA MO ANG
Brandless (The Code Series Book 1)
Science FictionTaong 6060 nabuo ang makabagong mundo na tinatawag na Etudia. Ang mundo na kung saan ang bawat bagay at nilalang ay pinapagalaw ng mga bar codes. Ang mga Brandless, ang mga nilalang na walang bar code. Basura sa lipunan, mga maling nilikha, ang mga...