Unang Pagsakit ng Puso.

4 0 0
                                    

Meron bang nagmahal na hindi nasaktan? Sabi nila kadikit daw talaga ng pagmamahal ang sakit, dapat handa kang masaktan kung magmamahal ka. Pero madalas alam naman natin sa simula palang na masasaktan na tayo pero pinipilit parin nating mag mahal. Ganun kasi ata talaga hindi lang sakit ang kasama ng pagmamahal, pagkatanga rin.

Nasasaktan nanaman ako ngayon, pag ganito ang nararamdaman ko isa lang ang laging unang pumapasok sa isip ko. At lalo lang din nitong pinapasakit ang dibdib ko, ang unang beses na nasaktan ang puso ko.

Tandang tanda ko pa ang lahat at ang bawat pangyayari ng mga panahong iyon. Ilang gabi rin akong umiyak noon at ilang hapunan at tanghalian din ang aking nalampasan.

"Ikaw lang ang baby ko, hinding hindi 'yan magbabago kahit ano man ang mangyari. Lagi mo yang tatandaan, pangako." Pangako na napako. Lagi niya pa yang banggit sa tuwing nagtatampo ako noon. Pinanghawakan ko, hindi naman pala totoo.

Masunurin naman ako at laging sumusunod sa mga utos at gusto niya. Palagi ko rin siyang pinagsisilbihan hindi bilang prinsesa kundi bilang isang napaka importanteng reyna na animo'y nasa palasyo at ako ang kanyang pribadong tagasilbi. Ganun ko siya kamahal.

Hindi naman lagi na ako ang nagpapakita ng pagmamahal, alam ko mahal niya rin ako. Pag may gusto akong pagkain ay binibilihan niya rin ako, damang dama ko rin ang pag aalaga niya sa akin, nakabantay sa tuwing nagkakasakit ako. At tulad ko pinagsisilbihan niya rin ako na parang isang napakaimportanteng maharlika.

Nagbago lang talaga ang lahat ng may makilala na siyang ibang pagtutuunan niya ng halaga. Bagong gagawing hari at prinsepe ng itatayo niyang kaharian.

At ako? Naiwan. Hindi na nakaramdam ng pagmamahal mula sa kanya, nangulila na rin sa pag-aalaga niyang ibinibigay. Pakiramdam ko ay nilimot na niya talaga ako ng tuluyan. Hindi na ako ang baby niya.

Pinanood ko siyang maglakad papunta sa altar habang umiiyak. Ako naman ay nakatayo sa gilid umiiyak rin pero may halong sakit at lungkot.

"Huwag ka na umiyak. Love ka pa rin naman ni ate mo. Ganun lang talaga, mahal nila ang isa't-isa kaya nagpakasal na sila." 'yan ang paulit ulit na banggit ni mama sa akin habang nasa simbahan kami para lang patahanin ako. Pero iba kasi ang nararamdaman ko, pakiramdam ko ay nalimutan niya talaga ako. Para bang namili lang siya ng mamahalin at hindi yung tipong meron lang siyang mas mahal.

Pagkatapos ng kasal ay hindi na rin siya muling umuwi sa amin at sa malayo na tumira kasama ang kanyang bagong pamilya.

Kaya pag ganitong masakit ang puso ko'y tila ba bumubuka ang langib nang sugat na iniwan ng mga panahong 'yon.

Shorts! (Maiikling Kwento)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon