Ninong Santa

39 2 0
                                    

"Thaaank you! Thaaank you! Ang babait ninyo, thank you!" Masayang pag-awit para magpasalamat ng magkapatid na si Iael at Eona matapos silang bigyan ng aguinaldo ng pinagkarolingan nilang bahay.

Nang makapagpasalamat na ay agad na binilang ng magkapatid ang baryang iniabot sa kanila, marami iyon kaya naman todo-todo ang ngiti nila. Marami na rin silang bahay na napagkarolingan at dahil dispiras na ng pasko ay mas marami ang nagbibigay ng aguinaldo sa kanila ngayon. May iba pa ngang mga bahay na matapos silang bigyan ng pera ay inaalok pa silang kumain pero tinatanggihan naman nila dahil sa hiya.

"Madami na ba 'yan kuya? Makakabili na ba tayo ng panghanda natin mamaya?" Tanong ng nakababatang si Eona sa kanyang kuya Iael. Gusto kasi nito niya na magkaroon sila ng handa mamaya pagsalubong nila ng pasko.

"Konti pa lang ito para makabili nang masasarap na handa na gusto mo. Pero sapat na 'tong pambili ng simpleng panghanda." Nakangiting sagot ng kanyang kuya. "Gusto mo pa bang mangaroling pa tayo?" Tanong pa nito.

"Sige Kuya!" Masayang sagot ni Eona at agad din naman silang naglakad para mag hanap pa ng bahay na pagkakarolingan. Nang makakita ay pumwesto agad sila sa tapat ng pintuan nuon at nag umpisang kumanta ng pang paskong awitin.

"Sa may bahay ang aming bati, merry christmas na ma-lualhati..." Nag-uumpisa palang silang kumanta nang biglang may dalawang bata pa na sumabay sa kanilang mangaroling. Hinayaan na lang nila ito, at sabay-sabay silang kumanta.

"NAMAMASKO KO PO!" Malakas na sigaw ni Eona matapos nilang kumanta, nagtawanan tuloy silang lahat. Tsaka nama may lumabas na lalaki para mag-abot sa kanila ng aguinaldo.

"Ninong, merry christmas po. Hehe" ngingiti-ngiti pang nagmano ang isang bata na sumabay sa kanila mangaroling sa lalaking lumabas sa bahay.

"Oh ikaw pala yan. Merry chrismas din. Ito oh, maghati kayo d'yan. Balik ka nalang bukas, may ibinalot ang ninang mong regalo para sayo." Sabay abot ng papel na pera sa bata na kumanta naman para magpasalamat.

"Salamat ulit ninong, babalik po ako bukas." Paalam naman ng bata tsaka ito umalis.

Nakatayo lang din ang magkapatid na Iael at Eona noon dun nag-aantay na abutan din sila ng pamasko. Pero nakaalis na yung ibang mga bata ay hindi pa sila nabibigyan.

"Kuya kami din po." Habol ni Iael sa lalaki na papasok na sana sa loob ng bahay.

"Oh! Hindi niyo ba kasama yun?" Nagulat na tanong ng lalaki.

"Hindi po. Kami po ang naunang kumanta bigla na lang po silang sumabay." mabilis na sagot naman ni Eona. siniko naman siya nang mahina ng kuya niya na nahiya sa sagot niya.

"Ah ganun ba? Pasensiya na. Ito oh hehe." Natatawang dumukot sa bulsa ang lalaki, natuwa sa naging sagot sa kanya ng batang si Eona at iniabot ang tagpipisong barya sa magkapatid na agad din namang napasalamat sa pamamagitan ng pagkanta at umalis.

"Kuya magkano binigay?" tanong ni Eona.

"Anim na piso." Sagot ng kuya niya matapos sandaling bilangin ang barya sa palad.

"Bakit ganun? 'Yung mga bata kanina papel na pera ang binigay? singkwenta ata 'yon. Tapos pinababalik pa yung isa bukas, may regalo daw. Tayo wala na ngang regalo tapos konti pa ang ibinigay." Nagtatampong tanong ni Eona, malungkot ito at naka busangot ang mukha. Pakiramdam niya ay nadaya silang dalawa ng kuya niya.

"'Wag ka na sumimangot. Di mo ba narinig ninong kasi niya 'yun, kaya ganun." Sagot ni Iael.

"Mangaroling din tayo sa ninong natin kuya." Aya ni Eona sa kuya niya na napasimangot din naman.

"Wala akong ninong dito eh, nasa probinsiya ang mga ninong ko kaya wala tayong mapagkakarolingan."

"Eh ako kuya, sino bang ninong ko?" Tanong ulit ni Eona.

"Wala ka ring ninong dito maski ninang nasa probinsiya din." Sagot ni Iael. "Tara na nga uwi nalang tayo, baka inaantay na tayo ni mama." Aya naman ng pauwi ni Iael.

"Hala! Ang daya. bakit wala tayong ninong dito, yung batang yun meron?" Tanong ulit ng naguguluhan ng bata sa kuya niya.

"Tara na uwi na tayo." Hindi na sumagot si Iael, nag-umpisa na ulit itong maglakad.

Tahimik lang ang magkapatid na naglakad pauwi. Nawala na ang kaninang pagiging masigla ni Eona kaya naman inakbayan nalang ito ng kuya niya hanggang sa makarating sila sa harap ng bahay nila.

Nang makauwi sila ay agad na yumakap si Eona sa kanyang mama at umiiyak. "Mama, wala akong ninong."

Nagulat si Iael, akala niya ay okey na ang kapatid habang naglalakad sila pauwi. "Ma, ito po yung napamaskuhan namin." Iniabot niya ang pera sa mama nilang nagtataka naman sa hinihimutok ng kanyang kapatid. "Nainggit po yan dun sa kasabay namin mangaroling. Ninong po nung isang bata yung may-ari nung bahay. Fifty pesos po binigay tapos sa'min barya lang." Paliwanag pa niya.

"Okey lang 'yun anak, hayaan mo at magkakatoon ka rin ng ninong." Niyakap ng mama nila si Eona.

"Walang magbibigay ng regalo sa'kin." Himutok pa ni Eona.

"Si Santa bibigyan ka ng regalo ni Santa Clause. Good girl ka naman 'di ba?" sabi nalang ng mama nila.

"Eh mama, bakit ako mabait ako hindi naman ako binibigyan ni santa ng regalo." Singit pa ni Iael sa pang-aalo ng mama niya sa kapatid.

"Tingnan niyo ang lamesa natin may mga pagkain nanaman. Tuwing pasko kahit wala tayong panghanda laging may laman ang lamesa bigay ng kapit-bahay. 'Yan ang regalo sa inyo ni santa kasi mababait kayong bata, hindi laging laruan ang ibinibigay niya. Ang mahalaga masaya ang mga bata pag pasko, kaya 'wag na umiyak baka bawiin pa ni santa ang mga pagkain." paliwanag ng mama nila sa kanila. "Kumain na kayo, hindi na natin masasalubong ang pasko. Kailangang matulog kayo ng maaga. Aalis tayo bukas dadalawin natin ang lolo at lola niyo sa probinsiya at mamamasko rin kayo sa mga ninong at ninang niyo doon."

Sa sinabing 'yun ng mama nila ay nabuhayan ang magkapatid at tila nagningning ang kanilang mga mata.

Shorts! (Maiikling Kwento)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon