2nd Place : SUCH GREAT HEIGHT FLASH FICTION CHALENGE (500 word story contest)
----Hawak-hawak ng batang si Nicoz ang isang lukot-lukot na papel na listahan ng kanyang mga bibilhin. Tinititigan niya ito at halos mangiyak-ngiyak na dahil kulang na ang kanyang pera para ipambili pa at maski pamasahe sa pedikab pauwi. Hindi niya alam kung nadukot ba ng mga kawatan sa bulsa niya ang perang dala o naihulog niya ito habang namimili. Ano man sa dalawa ay siguradong pagagalitan siya ng kanyang nanay, dahil hindi niya nabili ang isa sa mga nakalista sa papel. At tiyak na matatagalan din siya bago makauwi dahil maglalakad nalang siya.
"Ang sukli ibalik mo sa'kin ng buo, 'wag mong kukupitan huh," paalala ng nanay niya kanina bago siya umalis ng bahay nang iabot nito ang pera sa kanya.
Kinakabahan na si Nicoz sa mangyayari pag-uwi niya. Siguradong mapapalo siya sa puwitan ng tsinelas o 'di kaya'y makakarinig siya ng mahaba-habang sermon. Sinimulan na niyang maglakad pauwi, medyo may kalayuan ang maliit na palengke sa bahay nila. Mas mainam sana na sumakay siya ng pedikab para mabilis makauwi pero barya nalang ang perang natitira sa kanya at hindi na iyon sapat para pambayad pauwi.
'Labing-dalawang taon ka na hindi ka pa rin matinong utusan? Hindi mo manlang iningatan ang pera, wala na nga tayong pera e,' naririnig na ni Nicoz sa isip niya ang mga posibleng sermon sa kanya ng nanay niya, malayo pa man din siya sa kanilang bahay.
Inilipat niya sa kanang kamay ang dala-dalang plastik ng mga pinamili, bahagya na kasing nangangalay ang kaliwang kamay niya. Medyo mahaba na rin kasi ang nalalakad niya.
"Nicoz!" Sigaw mula sa kanyang likuran. nilingon niya ito at nakita ang kaibigan niyang si Vince. Kaklase niya ito simula grade one, kaya ito ang pinakamatalik niyang kaibigan sa mga kaklase niya. Kakilala rin siya ng mga magulang nito dahil madalas silang naglalarong dalawa.
"Vince, ikaw lang pala," matamlay na bati niya ng makalapit na ang kaibigan.
"Bakit ganyan 'yang muka mo?" Natatawa pang tanong ni Vince sa kaibigan ng makita ang nakabusangot nitong mukha na tila kahit sinong magaling na pintor ay hindi ito maipipinta.
"Naiwala ko kasi yung ibang perang ibinigay ni nanay. Meron akong isang hindi nabili. Siguradong lagot ako, malamang kanina pa naghihintay sa akin 'yon," nakasimangot pa ring sagot ni Nicoz sa kaibigan.
"Patay, lagot ka nga niyan. Ano ba yung hindi mo pa nabibili?" tanong muli ni Vince.
"Suka, isang bote ng suka. Magpapaksiw si nanay mamaya para sa hapunan namin at inutusan niya ako para bumili ng mga pang rekado. Tapos ako ito, winala ko pa ang pera. Lagot na talaga ako nito!" Mahabang sagot ni Nicoz sa tanong ni Vince.
"Wag ka na mag-alala akong bahala sa suka. Nakalimutan mo na ba may tindahan kami?"
Biglang nabuhayan ng loob si Nicoz sa sinabi ng kaibigan. At nang makahiram na ito ng suka mula sa tindahan ng kaibigan ay nagmadali nang umuwi.
"'Nak, hindi ko pala naibigay lahat ng pera sayo kanina, anong nabili mo?" bungad ng nanay ni Nicoz sa kanya pagka-uwi niya.
THE END
iaNBelen13
(c) November 2015
BINABASA MO ANG
Shorts! (Maiikling Kwento)
القصة القصيرةCompilation ng mga maiikling kwento sa iba-ibang genre. Cover by : @searchandrescue (c) 2015