CHAPTER 03

4.3K 61 1
                                    

DAHIL maaga pa ay napagpasyahan muna ni Mikaela na huwag munang bumalik sa Grande Heights pagkatapos bumili ng mani sa palengke. Inaya niya si Christine na maglibot muna sa sentro at masayang tinanggap naman nito ang alok niya. Marami silang napagkwentuhan habang nag-iikot. Nang makaramdam sila pareho ng gutom ay naghanap sila ng makakainan. Napadpad ang kanilang mga paa sa Banana Zone.

"Kaya pala Banana Zone ang pangalan ng café na ito," nangingiting wika ni Christine habang masayang nilalantakan ang slice ng banana cake nito. "Saging ang main ingredient na tinitinda."

"Oo nga," segunda niya at ninamnam ang masarap na banana muffin na in-order niya. "In fairness, ang sarap ng muffin na 'to."

"Masaya akong malaman na nagustuhan niyo ang pagkain dito sa aking munting café, magagandang dilag."

Parehong dumako ang tingin nila sa nagsalitang babae. At bahagyang nagulat si Mikaela nang mapagtanto na kilala niya ito. Ito 'yung babae kanina na nagsu-zumba sa plaza kasama ang mga senior citizen.

"Zarin is my name and welcome to Banana Zone!" Puno ng sigla na wika nito at inilapag sa mesa nila ang in-order nilang inumin.

"Thank you, Miss Zarin!" Nakangiting wika niya rito. Natutuwa siya sa mainit na pagtanggap nito sa kanila. "I'm Mikaela and this is Christine."

"Drop the formalities, Mikaela. Zarin na lang," anito at nginitian silang muli. "Nice to meet you both. Bakasyonista kayo? Ngayon ko lang kayo nakita sa aming munti ngunit napakagandang probinsya."

Parehong tumango sila ni Christine dito bilang sagot. Kapagkuwa'y napansin ni Mikaela na tila namutla si Christine nang mapadako ang tingin nito sa pintuan ng café.

"Christine!"

Isang pamilyar na boses ang narinig ni Mikaela mula sa kanyang likuran. Hindi niya alam kung bakit pero biglang kumabog ng malakas ang puso niya dahil doon.

"I told you not to leave the house without your bodyguard!"

Sa pagkakataong iyon ay nilingon na niya ang nagsalita. At labis ang kanyang pagkagulat nang makita ang pamilyar na mukha ng lalaking iyon na naging dahilan ng eratikong pagtibok muli ng kanyang puso. It's him!

"Hoy, King! Bawal maingay rito! Aga-aga, init ng ulo? Anong gusto mo? Away o gulo?" Ani Zarin sa lalaki nang makalapit ito sa kanila at natatawang mahinang sinuntok ito sa balikat. 'Tila wala itong pakialam sa masamang timpla ng lalaki.

So, your name is King... Aniya sa sarili habang hindi inaalis ang tingin sa lalaki.

Bumuntong hininga nang marahas ang lalaking nagngangalang King at binalingan si Zarin. "Pasensya na, Zarin. May isang babae kasing nagpapasakit ng ulo ko simula nang dumating dito," anito at tinapunan ng masamang tingin si Christine.

Isang alanganing ngiti ang gumuhit sa labi ni Christine. "He-he. Sorry na, kuya. Nakakainip na kasi sa bahay. Tapos diyahe pa umalis kapag kasama ang bodyguard."

"You know it's for your safety, right?" Iritableng wika ni King.

"I know. Sorry na talaga, kuya King," ani Christine at tumayo na. Pinaamo nito ang mukha na tila nagpapaawa.

Nakita niya na lang na bumuntong hininga si King at kapagkuwa'y naiiling na tumango.

"Kaya pala familiar ang mukha nito ni Christine. Siya 'yung pinsan mong artsita, 'di ba?" Kumikinang ang mga matang wika ni Zarin kay King at bumaling kay Christine. "Pa-autograph!"

Mabilis na kumuha ng ballpen at papel si Zarin at ibinigay iyon kay Christine. Buong lugod namang pinirmahan iyon ng huli.

"Ay, 'nga pala! Kuya, si Mikaela. Bago kong friend." Lumapit sa kanya si Christine at inakbayan siya. Matapos ay nakangiting tiningnan siya nito. "Miks, pinsan kong panget. Si Kuya Kiko Antonio. King for short."

CG SERIES 5: KING OF MY HEART (PUBLISHED UNDER PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon