iii

153 3 0
                                    

Kahit magsimula nang maglakad ang dalawang heneral papunta kila Papá, hindi ko pa rin naiaalis ang aking tingin sa kanya.

Paulit-ulit na tumatakbo sa isipan ko ang pagngiti niya sa akin. Hay Dios Mio at Mahabaging langit patawarin niyo po sana ako sa pagkakasalang ginagawa ng aking isipan ngayon.

"Binibini, akala ko ba'y paroroon tayo sa inyong azotea? Bakit nariyan ka pa rin at nakatulala? May sakit ka ba?"

Humarap naman ako sa kanya at tumango ng unti. Wala naman talaga akong sakit, pero kailangan kong magsinungaling. Gusto ko pang makita o sana'y makausap ang Heneral na iyon.

Diyos ko, pang-ilang  kasalanan ko na ito ngayong gabi. Marami-rami na naman akong maibibigay nito sa indolencia ng simbahan sa darating na Linggo.

"Medyo nahihilo na kasi ako, Ginoong Julian. Marahil dala ito ng gutom kaya't gusto ko na sana munang kumain sa hapag."

Napabuntong-hininga siya, "Bueno, ako na mismo ang magsasabi sa iyong Papá na umpisahan na ang kainan."

"Maraming salamat, Ginoo."

Tinanguan lang niya ako at nauna na ulit pumanhik pababa ng hagdan. Iniwan niya na lang ako basta dito sa hagdan. May nagawa o nasabi ba akong hindi maganda?

Nang dinako ko ang aking paningin sa itaas ng hagdan. Nakita ko si Mona na nakaupo at nakasiksik ang ulo sa kanyang braso, malamang natutulog ito.

"Mona!! Bumaba ka rito, dali." Malakas kong tawag sa kanya. Agaran naman siyang napatayo sa pwesto niya at bumaba. Hindi ko ikinakatakot na baka marinig ako ng mga tao sa baba, dahil abala naman sila sa pakikipagusap at saka medyo malakas din ang pagtugtog ng mga musikero.

"Bakit po, Señorita? Pasensya na po at naabutan niyo akong naiidlip sa hagdan. Sabi po kasi ni Señorita Fiorella kanina ay huwag akong bababa hangga't walang naguutos, kaya't napagpasyahan ko pong maidlip muna."

"Oh siya sige sige. Alalayan mo akong bumaba at pumunta na tayo sa hapag dahil panigurado nang nagsimula na sila roon."

Hinawakan ko siya sa braso at dahan dahan kaming bumaba sa hagdan. Halos kakaunti na lamang ang tao sa salas dahil nagsipunta na sila sa komedor. Nang makapasok kami doon, nakaupo na ang lahat at nakahain na ang mga putaheng ipinahanda ni Papa.

"Claudia, anak, halika na rito at maupo. Mona, maaaring doon ka muna sa kusina at maghintay ng ipaguutos ng kusinero at mayordama sa iyo?" Sambit ni Mamá sa aming dalawa. Tumango naman si Mona kay Mamá at yumukod na ito. Mabilis niyang tinahak ang daang papunta sa kusina at nawala na siya sa pasilyo.

Pumunta naman ako sa bakanteng upuan sa gitna ni Mamá at ni ate Fiorella na todo ang ngiti sa akin. Nang makaupo na ako, doon ko lang napansin na magkatabi pala ang dalawang heneral, nasa harapan ko ang mas nakababatang heneral at sa kanan naman niya ang Punong Heneral. Sa kaliwa naman ng batang Heneral si Ginoong Julian, na nakangiti sa akin ngayon, bale katapat niya si Mamá. At katabi naman ni Mamá si Papá, na nakaupo sa sentrong upuan.

"Simulan na natin ang pagdadasal upang tayo'y makakain na. Padre Alejandro, maaari mo bang pangunahan ang pagdadasal?" Ngumiti ang prayleng ito kay Papá at pumikit na siya agad. Pumikit na rin kami at nagdasal kasabay niya.

"Amen." Usal naming lahat at naging hudyat na iyon ng pagsisimula ng napakahabang pagsasalusalo.

"Mga amigo, ipapakilala ko nga pala ang mga Heneral na dumating kani-kanina lamang. Ang punong heneral na si Heneral Rafael Lauco, isa siyang Filipino na kalahating Instik na galing sa pamilya na nagaangkat ng mga telang galing pang Tsina at ibinebenta sa napakalaki nilang tindahan sa Binondo. Lingid sa inyong kaalaman, matalik kong kaibigan ang Heneral simula pa pagkabata. Tama ba, Heneral?"

Ngumiti ito pagtapos niyang ibaba ang kopita niyang may lamang serbesa, "Siyang tunay mga amigo. Parehas kaming lumaki dito sa bayang ito ng San Miguel. Kahit pa ang mga negosyo ng aming mga pamilya ay nasa Binondo, dito kami pareho nakatira."

Patuloy lamang ako sa pagkain ng kanin at paborito kong ulam na ginisang atay sa luya, nang magsalita naman muli si Papá.

"Katabi naman ng punong Heneral ang kilalang batang Heneral, si Heneral Patricio Arellano. Pumasok siya sa hukbo nang siya ay labing siyam na taong gulang, at sa edad niya ngayong bente tres, naging Heneral na siya sa hukbong itinalaga sa kaniya ni Heneral Rafael."

Tumigil muna sa pagkain si Heneral Patricio at saglit sa kumaway sa mga tao. "Lubos kong ikinagagalak ang pagpapakilala niyo sa akin, Señor Lukas. Tatanawin ko po itong inilaan niyong sandali na ito habambuhay."

"Walang anuman iyon, Heneral Patricio. Magpakilala ka pa, iyon pa lang kasi ang aking nalalaman tungkol sa iyo. Ito kasing kasama mong heneral ay hindi na nakapagkwento pa sa akin." At nagtawanan naman ang dalawang magkaibigan habang tahimik na kumakain at nakikinig sa usapan ang lahat sa mesa.

"Gaya nga ho ng ikinwento ng Señor sa inyo, ako po'y pumasok sa militar sa gulang na labing-siyam. Pangarap po kasi ito ng aking Ama para sa akin, na ako'y mabilang sa hukbong sandatahan na magliligtas sa bansa." Habang nagsasalita ang Heneral, pinagmasdan ko na rin ito kahit papano dahil tapos na rin naman akong kumain.

Agaw pansin talaga ang malatsokolateng mata nito, isama pa ang mahahabang pilikmata niya. Sa tingin ko'y ito ay namana niya sa ama o ina niyang Kastila.

Nang natapos siyang magkwento, nagtaas ako ng kamay.

"Maaari ba akong magtanong sa iyo, Heneral Patricio?"

"Sige lang, Binibining Claudia. Kaarawan mo naman ngayon kaya't mapapagbigyan kita sa hiling mo."

Tumingin muna ako sa kinauupuan nila Mamá at Papá. Nakangiti lang sila habang hinihintay nila ang tanong ko.

"Kanino mo namana ang iyong mga mata? Napakaganda kasi ng kulay at kay ganda pagmasdan. Ganyan din ba ang mga mata ng iyong mga Español na magulang?"

Nakita kong napangisi ang Punong Heneral at si Papá na nagtinginan pa, ngunit sa kabilang banda, unti unti namang nawala ang ngiti ni Heneral Patricio sa kanyang mga labi. Pero ibinalik naman niya ito kaagad, kaso hindi na ganoon kalaki.

"Paumanhin, Binibining Claudia, ngunit wala ni isa sa aking mga magulang ang Kastila. Purong Filipino ang ama't ina ko. Marami-rami na nga ring nakapagtanong niyan sa akin, Binibini, ngunit lagi kong sagot ay wala ni isa sa kanila."

Nagsimula na ang bulungbulungan sa paligid, at halos lahat ng may dugong Kastila sa mesa ay nakatingin sa Heneral.

"Ngunit papaano nangyari iyon? Halata naman na ikaw ay isang mestizo?" Tanong agad ni ate Fiorella. Napatawa na lang ang batang Heneral sa tanong ni ate.

"Ang kwento ni Ina sa akin dati ay baka raw napaglihian niya ako sa batang lalaking Kastila na inaalagaan niya noon. Madalas niya kasi itong titigan at nilalaro habang ipinagbubuntis niya ako."

Nariyan pa rin ang mga bulong ngunit humina na ito. Napatango na lang ako sa nalaman ko at uminom na lang ng tubig.

Ngunit napatigil na lang ulit ang lahat ng magsimulang magsalita si Ginoong Julian.

"Ibig sabihin isa ka lamang hamak na Indio? Ngunit papaanong nakapasok ka sa hukbong sandatahan?"

-----------------

Komedor- hapagkainan

Mestizo- tawag sa mga taong kalahating insulares // peninsulares

Indio- tawag sa mga purong Filipino noong Spanish Colonial Period

_______________

Inay Mia!! @UndeniablyGorgeous isa ka sa mga unang Filipino His-fic authors na nagustuhuan ko huhu i fell in love with your stories lalo na sa OALS. I'm looking forward nang makabili nun, and sana in the near future, gumawa ka ulit ng mga magaganda his-fic stories <3

Letters to the GeneralTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon