v

119 4 0
                                    

"Señorita, gumising na po kayo. Naihanda ko na po ang pampaligo niyo at ang damit na ipinatabi ninyo sa akin kagabi." Pagtapik niya sa braso ko ng mahina ngunit paulit-ulit hanggang naimulat ko na ang aking mga mata.

Kinusot ko muna ito at tumagilid, "Magandang umaga, Mona. Sige, sandali lamang at tatayo na ako." Pagharap ko sa kanya, halata ang pagkagulat niya.

"Mukhang napakaganda po ng gising niyo ngayon, señorita. Ano pong nangyari?" Nginisian ko na lamang siya at naglakad patungong kasilyas.

"Sabihin na lang nating may magandang nangyari sa akin kagabi bago ako natulog."

-----

Nang matapos akong talian ni Mona, humarap ako sa malaking salamin na katabi ng kama ko, at napangiti sa nakita ko.

Namumula ang labi ko dahil sa pangkulay na ipinahid ni Mona sa akin. Nilagyan niya rin ng kaunting pulang tinta ang aking dalawang pisngi at ang tulay ng aking ilong. Katamtaman niya ring pinaputi ang buong mukha ko at sinama na rin niya ang parte ng leeg ko na nakikita, upang hindi masabing hindi pantay ang kulay ko.

Isinuot ko rin ngayong araw ang pulang damit na iniregalo ni Mamá sa akin, at masasabi kong bagay nga ito sa akin. Hindi ito maluwag o masyadong masikip, saktong sakto ang sukat nito. Ngunit pinasikipan ko pa ng kaunti kay Mona ang corset na napapaloob sa damit na ito, upang mas maging kahali-halina ang pigura ko. Nilabas rin ng pagkakulay pula nito ang angking kaputian ko.

"Ayan!!" Bulalas niya habang inaayos ang ilang laso sa damit ko, "Sobrang ganda niyo po, señorita. Tiyak kong kayo na naman po ang sentro ng atensiyon mamaya sa misa, saka magiging agaw atensyon na naman po kayo sa mga ginoo!!"

Ngumiti ako habang kinikilig siya sa sinabi niya. "Ano pa bang bago sa akin bilang pagiging sentro ng atensyon ng mga tao? Wala naman hindi ba? At saka isa lang ang gusto kong makuha ang atensiyon."

Naalala ko na naman bigla ang ngiti at pagbati niya sa akin kagabi sa may azotea. Napakamaginoo at napakakisig niyang tingnan kagabi mula sa kinatatayuan ko. At hindi ko namalayang nag-init at namula ang kanina pa mapulang mga pisnge ko.

"Señorita, may ginoo bang nais mong mapansin ka?"

Tumango ako at saglit siyang napatili. Nagtatalon-talon rin siya sa tabi ko.

"Naku señorita!! Masaya po akong may nakakuha na po ng atensiyon mo. Kung dati rati'y iniechapuera mo lang po ang mga ginoong nais mapalapit sa iyo. At ngayon, señorita, mayroon nang nakakuha ng napakailap mong atensiyon."

"Natutuwa nga rin ako, sa totoo lang, Mona. Alam mong unang beses itong nangyari sa akin at lubos kong ikinabibigla ang mga nangyayari sa aking sarili. Kagabi kaya ay hirap akong matulog kasi todong naghuhuramentado ang aking puso at takbo siya ng takbo sa aking isipan." Sabi ko habang naglakad-lakad sa loob ng kwarto. Huminto ako sa paglalakad at tumanaw ako sa bintana.

Hindi pa masyadong sumisikat ang araw, ngunit sumilay na ang kaunting parte nito. Ramdam sa balat ang malamig na simoy ng hangin sa paligid na dulot ng mga punong nakapaligid sa aming hacienda. Nagsimula na ring magdatingan ang mga trabahador ni Papá, na may kanya kanyang dalang buslo.

Napangiti ako ng unti bago tumalikod sa bintana. Naglakad na diretso palabas ng pinto, iniwan ko na lang muna si Mona sa loob. Bahala siyang sumunod sa akin.

"Señorita, tigil. Saglit lang po." At tumigil ako at hinarap siya. Itinaas ko ang isa sa mga kilay ko at tiningnan siyang mabuti.

"Tama ba ang narinig ko? Inuutusan mo akong tumigil sa paglalakad? Sino ka ba naman para utusan ako?" Tumahimik lang siya at tumingin pababa. Napatirik na lang ang mga mata ko dahil sa inis. Bwesit na babaeng ito! Kay ganda ng araw ko at bigla bigla niyang sisirain.

Letters to the GeneralTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon