Alam ni Amparo na nasisiyahan si Piolo sa ipinakikita niyang pag-aasikaso rito. Bagama't wala siyang sinasabi sa binata, tila alam na nito ang ibig sabihin niyon.
Sila na uli!
Pagdating sa Ninoy Aquino International Airport ay hindi niya naiwasan ang ilang reporters na nakilala pa rin siya kahit na medyo iniba niya ang kanyang ayos.
Nakunan pa rin sila ng larawan ng mga reporter habang tulak-tulak niya ang wheelchair ni Piolo. May isang makulit na reporter ang humabol at nagtanong sa kanya.
"I'm sorry; no comment; please, we're in a hurry," ang sunod-sunod na sagot ni Amparo.
Maluwang ang ngiti ni Piolo nang magtama ang kanilang mga mata dahil natakasan nila ang makulit na reporter. Napapunta sila sa loob ng men's room.
"I never thought na ganoon ka na kasikat."
Nagkibit lamang siya ng mga balikat. Naisip ni Amparo na dahil sa anyo nito na mahaba na ang tumubong bigote't balbas at bahagyang nahulog ang katawan dahil sa tinamong aksidente kaya hindi ito agad nakilala ng mga reporter.
Tiyak naman niyang kilala rin sa mundong ginagalawan si Piolo.
Nakadama siya ng pagkaasiwa nang mapunang nakatingin sa kanila ang dalawang lalaki.
"Let's get out of here!" nanggigigil niyang sabi kay Piolo.
Nagtagis ang mga bagang nito nang makita ang interes sa mga mata ng dalawang lalaki sa kanya.
"Saan tayo tutuloy?" tanong niya na kahit paano ay nakahinga na nang maluwag.
Nasiyahan naman ang binata nang marinig ang salitang "tayo". "Natitiyak kong naghihintay na sa atin si Nico," sabi nito. "Naipaalam na sa kanila ng assistant ko ang pagdating natin. At sa Subic tayo tutuloy."
Nagpatianod na lamang si Amparo. Hindi pa alam ng kanyang pamilya na dumating na siya. Pero sa sandaling lumabas sa mga pahayagan ang larawan nila at mabasa ng pamilya niya ang balita ay tiyak na magpa-panic ang kanyang mga magulang lalo na ang kanyang manager.
Pero dahil narito na siya sa sitwasyong kinasangkutan ay kailangan na lang niyang sakyan iyon. Tatapusin na lang niya ang naumpisahan na.
WELCOME home, Piolo, nabasa ni Amparo sa placard na hawak ng dalawang lalaki.
Muntik pang malaglag si Piolo sa wheelchair sa labis na pagmamadaling makalapit sa mga sumalubong sa kanila nang makilala ang mga kapatid. Bakas ang kasabikan sa anyo nito na muling makita ang dalawa.
Mainit ang naging kumustahan ng tatlong lalaki.
Napansin lang ng magkapatid si Amparo nang matapos ang kumustahan. Hindi makapaniwala sina Nico at Cholo na naroon siya at kasama ni Piolo.
Simple lang ang suot niya—fitted white jeans at Guess sweatshirt—subalit litaw pa rin ang angking kariktan. She exuded an aura of confidence—a real exotic beauty!
"Well, well, look who's here, Cholo. The goddess of catwalk, Miss Ampy Naval," natatawang sabi ni Nico, sabay napatingin kay Piolo. Nagbabadya ng kapilyuhan ang mga mata ni Nico.
"Yeah, paanong nangyaring magkasama kayo?" interesadong tanong ni Cholo na nakatuon ang tingin sa kanya. May hibo ng malisyang mababanaag sa kulay-tsokolateng mga mata nito.
Napangiti naman si Piolo sa nakikitang pagkataranta ng dalawang kapatid sa kanya. "I guess, we have to leave this place as fast as we can. Nalusutan ni Amparo ang makulit na reporter kanina, pero mukhang mas grabe yata kayo."
BINABASA MO ANG
MIDNIGHT BLUE SOCIETY SERIES #4 - PICOLO aka PIOLO
RomanceLabinlimang taon si Amparo nang maramdaman ang unang pag-ibig at matikman ang unang halik. Si Piolo ang kanyang hinangaan, sinamba at pinangarap na makasama habambuhay. Pero mayaman ang lalaki at ayaw ng matapobreng mama nito sa kanya. At nasaktan a...