Tuldok-Kuwit

46 0 0
                                    

Tuldok, na nagsasabing itigil mo na
at Kuwit, na humahatak upang ituloy mo pa.
Ang tanong---
Ititigil mo na ba dahil pagod ka na?
O itutuloy mo pa dahil naniniwala kang may pag-asa pa?

Sa mundong ating ginagalawan
Maraming matang ika'y sinusubaybayan
Maraming dilang ika'y huhusgahan
Pipigilin ang paghakbang mo upang ika'y huminto
Papatirin ka upang ika'y madapa at sumuko
Hihilahin ka mula sa alapaap
At ibabagsak ka mula sa nililipad na pangarap.

Nakakapagod hindi ba?
Na sa bawat pag-abante, may  paghinto
Sa bawat tagumpay, may pagkabigo
Sa bawat saya, may luhang tutulo
Na sa bawat kwento, may huling tuldok
Na tatapos sa imahinasyon mo
At gigising sa'yo sa realidad ng mundo.
Nakakapagod maging matapang
Nakakapagod maging matatag
Nakakapagod lumaban
Dahil nakakapagod masaktan.
Magpahinga 'pag pagod ka na?
Pero kailan? Saan? Paano?
Kailan ba pwede?
Saan ba dapat?
Paano bang proseso?
Kailan? Saan? Paano?
Sa daming katanungan
Hindi mo na alam ang dapat simulan
Kaya't sa halip na muling humakbang
Mananatili ka na lang
Kung san ka napagod at iniwan.
-
-
-
Ngunit---
Paano ang pangarap?
Pangarap na ipinundar mo mula umpisa
Pangarap na pinaghirapan mo gabi't umaga
Pangarap na alay mo sayong ama't ina
Pangarap na gusto mong maabot mula nung ika'y bata pa?
Paano ang pangarap?
Kung susuko ka na lang sa isang iglap?

Sa bawat pag-abante, may paghinto
May paghinto dahil kailangan mong magpahinga at muling tumayo
Kailangan mong magpahinga at muling tumayo
Kung sa magkarelasyon may mga katagang
"Mag-aaway, pero 'di maghihiwalay"
Sa paglangoy sa pangarap, mayroong
"Mapapagod, pero hindi magpapalunod"

Sa bawat tagumpay, may pagkabigo
May pagkabigo upang makita mo ang panibagong pinto
Bagong pinto na magbubukas sa panibagong yugto
Bagong yugto upang muling mangarap at hindi na mabigo.
Ang isang pagkabigo
Ay hindi dahilan
Upang ang lahat ay isuko.

Sa bawat saya, may luhang tutulo
Sapagkat kakambal ng ngiti ang pagdurugo
Hindi makikita ang kinang ng bituin
Kung wala ang lalim ng gabing madilim
Hindi mararamdaman ang galak at saya
Kung hindi mararanasan ang sakit at pagdurusa.

Sa aklat ng buhay, hindi lahat masaya.
Ngunit kailangan mong isipin
Kung bakit mo isinulat
Ang unang pahina.

Ngayon, anong pipiliin mo?
Tuldok, upang isuko ang laban?
O kuwit, upang bawiin ang pangarap
Na naligaw sa kalawakan?

Unspoken WordsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon