"CONGRATULATIONS guys!" masayang bati ni Jannah nang minsang dinalaw niya ang Southern Fever sa studio ng mga ito.
Nabalitaan niya kasing under contract na ang mga ito sa ATI Records, isang sikat na recording company sa bansa. Si Ruben at Kristoff ang naabutan niya sa silid.
"Jannah, ikaw pala," bati ni Ruben. Binitiwan nito ang guitarang hawak at lumapit sa kanya. Inabot nito ang dala niyang dalawang malalaking box ng pizza.
"Tuloy ka," tawag ni Kristoff mula sa likod ni Ruben. Abala ito sa celphone nito. Hindi na lang niya ito pinansin. Mukha kasing may sarili itong mundo.
Tumuloy siya at lumapit sa may bintana. Kita niya mula roon ang mga ilaw ng sasakyan sa highway.
"Mamaya pa nandito na si Marco. Makakasama mo na siya uli," nakangiting sabi ni Ruben at tumabi sa kanya. Bumaling siya rito.
"Matagal na ba kayong magkaibigan ni Marco?" hindi niya mapigilang tanong.
Ngumiti ito. "Sabay kaming pumasok sa banda. Nauna sina Bryan at Kristoff. Pinakahuli naming nakilala si Jigs," sagot nito.
Tumango lang siya at muling tumingin sa labas.
"Kayo na ba ni Marco?" mamaya ay tanong nito. Agad lumipad ang tingin niya sa mukha nito.
"Naku, hindi. Magkaibigan lang kami," nakangiting sagot niya.
"Ow? So you mean pwede ka pang ligawan?" nakangiting tanong nito kaya alam niyang nagbibiro lang ito.
"Bakit naman hindi?" pabiro din niyang sagot.
"Ah, so kapag niligawan pala kita, hindi magagalit si Marco?" paniniguro pa ni Ruben.
"Bakit naman siya magagalit? Eh, friends nga lang kami. Isa pa, may mahal na siyang iba," nakangiti niyang sabi.
Tumango ito ng ilang ulit. "Talaga lang ha? Kailan ako pwedeng magsisimula?"
"S-saan?"
"Sa panliligaw," sagot nito.
"Sinong liligawan mo?" mula sa likuran nila ay biglang may nagtanong. Agad siyang napalingon sa pamilyar na boses na iyon. Tulad ng inaasahan niya, it was Marco.
"Hi!" nakangiting bati niya rito. Ngunit nananatiling seryoso ang anyo nito.
"Ano yung panliligaw na narinig ko?" tanong nito.
"Sabi ko kay Jannah, liligawan ko siya. Wala naman daw problema kasi hindi naman daw kayo," si Ruben ang sumagot para sa kanya. Hindi pa rin nabura ang ngiti nito.
Natatawang hinampas niya ito sa braso.
Bago pa siya makareact ay mabilis na hinablot ni Marco ang kanyang kamay at hinila siya palabas ng studio.
"T-teka," angal niya at sinikap makasabay sa bilis ng hakbang nito.
"Mag-uusap tayo!" marahas nitong sambit.
"May rehearsal pa tayo, Marx!" narinig niyang tawag ni Ruben.
"I don't care!" ganting sigaw ni Marco. Marahas nitong binuksan ang pinto at ibinalibag iyon pasara.
"Marco, a-anong problema mo?" tanong niya.
Hindi ito huminto. Nagpatuloy lang ito sa paghila sa kanya hanggang sa elevator. Hindi nito binitiwan ang kanyang kamay hanggang sa makaangat na ang elevator. Tiningala niya ito. Tiim ang mga bagang nito at madilim ang mukha. Hindi niya mapigilan ang magtaka sa asal nito. Magsasalita pa sana siya nang bumukas ang elevator. May isa pang pinto doon na yari sa salamin. Sa labas ay ang rooftop garden.
BINABASA MO ANG
Until You Found Me [PHR]
ChickLit[FIRST PUBLISHED BY PRECIOUS PAGES CORP when I was still a freelancer] Southern Fever Band Book 2 Sequel to "Meant to Be My Hero" This is Marco and Jannah's story. "Every time you would need me, I'm sorely tempted to move heaven on earth just to be...