IKALAWANG KABANATA

91 3 0
                                    

Malakas na umiihip ang hangin kasabay ang paglubog ng araw. Nanatili kaming dalawa sa ilalim ng punong narra. Ang nagpaluha sa kan’ya. Ang puting tela. Ang salitang ‘iniwan’. Ang ako. At ang siya.

Tumigil na s’ya sa pagluha. Nag-umpisa na s’ya makahinga ng maluwag.

“Kristo,” pagpapakilala ko.

“Hudas,” sambit niya.

Nagulat ako sa sambit n’ya. Ako? Hudas? Ang pangalan ko ay mula sa aking ama. Kapangalan ng DAKILA. Mula sa Kan’ya.

“Hindi ako  si Hudas. Sinunod sakin ni tatay ang pangalan niya,” pagtatanggol ko sa aking sarili.

“Ako si Hudas,” pagpapaintindi sa akin habang bibulong sa malakas ng ihip ng hangin.

Bigla na lamang akong natawa. Natawa na rin s’ya. Hindi ko alam kung pareho kami ng iniisip pero napuno ng tawa ang kaninang tahimik at payapang puno ng narra.

“Ako si Kristo at ikaw si Hudas. Isa ka sa disipulo ko.”

Ngumiti s’ya.

“Mali ka sa inaakala mo. Tawag sa aking ni papa ang ngalang Hudas. Ang tunay kong pangalan ay Jude. Ako si Jude Luke Apacible.”

Muling nagkaroon ng lungkot sa kan’yang mukha ng sambitin ng kanyang dila ang salitang ‘papa’. Napayuko sya at pinaglaruan ang lupa sa ilalim ng aming mga paa.

“Gaya ng pangalan mo, isinunod n’ya rin ang pangalan n’ya sa akin. Ako raw ang jr n’ya,” tugon n’ya. At doon mas lalong lumalim ang lungkot na naramdaman ko. Akala ko ayos na. Mali pala ‘ko.

Umihip muli ang hangin. Nagliparan ang mga maya sa malayang himpapawid. Napasandal s’ya sa puno at ako naman, pinanonood lamang ang bawat kilos n’ya.

Muli s’yang nagsalita. At doon ako nagulat ng tawagin n’ya ko. Hindi sa aking pangalan. Hindi sa kung ano ‘ko. Tinawag n’ya ‘ko sa kung ano ‘ko sa kan’ya. Na kahit sa sandaling pagpapakita ng kabutihan, sinambit n’ya ang salitang iyon.

“Salamat kaibigan. Si Kristo ka nga.”

Unti-unti nang bumababa ang araw. Unti-unti na ring nilalamon ng dilim ang liwanag. Ang dapit hapon.

“Kaibigan,” tugon ko.

Ang salitang lumabas sa aking bibig.

Tumayo na s’ya mula sa pagkakasandal at pagkakaupo.

“Sige, uuwi na ko,” pagpapaalam niya.

Naglakad siya papalayo sa akin at sa puno ng narra. Huminto ang oras ko. Napasandal ako. Ang liwanag ay unti-unting binabalot ng gabi. Ang araw ay magiging buwan. Ang malawak ng bughaw na kalangitan ay pupunuin ng maliliwanag na bituin.

Isang minutong pag-ihip ng malakas na hangin. Limang minutong pagtitig sa papalubog na araw. Sampung minutong paglipad ng mga maya sa himpapawid. Dalawampung minutong pagsandal sa puno ng narra. At halos tatlumpong minutong pagkabingi, pagkapipi, pagkabulag at pagkaparalisa.

Nawala ako sa aking sarili.

Nabago ang araw ko.

Ang guni-guni.

Nagkakilala si Hudas at si Kristo.

Nagkakilala kami dahil sa isang landas. Sa dahilan ng isang guni-guni. Sa pag-abot ng isang puting tela. Sa isang gusali. Ang munting pasilyo. At higit sa lahat ang puno ng narra. Doon ko narinig ang salitang ‘iniwan’. Doon ko natutunan ang tamang kahulugan ng ‘ama’. Doon ko napatunayan ang aking kaalaman ay kulang talaga.

Nag-usap kami. Nag-usap sa mga bagay-bagay lilikha ng gulo sa aming dalawa. Nagawa ko siyang patawanin sa kabila ng problema n’yang kinakaharap.

Nakilala niya ako. Ako ang pugad. Ako ang may sala. Ako si Kristo. Si Kristo Fer Asuncion. Ang tumahak sa landas na hindi ko aakalaing tatahakin ko. Ang susubukin ng tadhana. Ang gagawa ng gulo. Ang tunay na kahulugan ng salitang ‘kaibigan’.

ANG KAIBIGAN KONG SI HUDASTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon